Sukdulan ang Sama ng Ugali ng Dalagang Ito, Masyadong Mayabang at Makasarili Kahit Saan Mapadpad; Karma Tuloy ang Kaniyang Inabot
Matagal nang plano ng dalagang si Mira ang bumiyahe sa ibang bansa upang makapagpahinga mula sa kaniyang trabaho. Sa totoo lang ay hindi na rin makapaghintay ang kaniyang mga kaopisina dahil hindi nila matagalan ang ugali nito. Ubod kasi siya ng yabang at walang inisip kung hindi ang kaniyang sarili.
Pilit namang sumasama ang kaniyang ina sa pagpunta niya sa kaniyang bakasyon ngunit hindi niya ito sinama.
“Magiging alagain lang kayo do’n, ‘ma, saka mas lalong lalaki ang gastos ko. Dito na lang kayo sa bahay! Hindi n’yo naman kailangan ng pahinga dahil hindi naman kayo napapagod dito, hindi tulad ko na laging nasa trabaho!” saad ng dalaga.
Hindi naman na nagdamdam ang kaniyang ina dahil kabisado na niya ang ugali ng anak. May isa lang siyang binilin dito.
“Anak, huwag masyadong mataray at huwag mong pakitaan ng masamang ugali ang mga taong nakakasalamuha mo. Tandaan mo na inilalayo mo ang grasya sa iyo kapag hindi maganda ang iyong inasal. Saka mag-isa ka lang na bibiyahe, nais kong palagi kang ligtas,” saad ng ina.
“Iyan na naman po kayo sa mga pangaral ninyo na wala sa tyempo. Huwag n’yo naman hong sirain ang araw ko dahil kaya nga ako magbabakasyon ay kailangan kong kumawala sa stress. Tapos ay kung ano-ano na naman ang sinasabi n’yo! Hindi naman masama ang ugali ko! Sinasabi ko lang naman ang katotohanan na mas pagod ako kaysa sa inyo!” muling sambit ng anak.
Hindi na lang nakipagtalo pa ang ginang sa dalagang anak dahil alam niyang hindi siya mananalo rito. Iniiwasan din niyang makapagsalita ito ng masasakit na salita. Madali pa naman para kay Mira ang magsabi ng mga salita na hindi niya iniisip kung makakasakit ito ng damdamin kahit sa mismong sarili nitong ina.
Tuluyan nang umalis si Mira para magtungo sa airport. Habang naghihintay siya sa loob ng paliparan ay kinuha muna niya ang kaniyang telepono at nag-selfie.
Isang damakdak na litrato ang kaniyang kinuha at pinost sa social media upang ipakitang bibiyahe siya mag-isa patungong ibang bansa upang magbakasyon.
“Sigurado akong inggit na naman nito ang mga katrabaho ko. Lalo na ang ilang kamag-anak kong hindi ko pinautang!” saad ni Mira sa kaniyang sarili.
Maya-maya ay hindi sinasadyang natabig ng isang babaeng may mabigat na timbang ang kaniyang kamay dahilan para malaglag ang kaniyang selpon.
“Ano ba naman ‘yan?! Bakit hindi mo naman tinitingnan ang dinadaanan mo? Tingnan mo tuloy ang nangyari! Mabuti na lang at mamahalin din ang case ng selpon ko at hindi nasira. Kung nagkataon ay pababayaran ko talaga sa iyo ito! Nakakairita!” pagtataas ng boses ni Mira.
“Pasensya ka na at hindi ko sinasadya. Ang sikip kasi ng daan at ang dami kong bagahe. Pasensya ka na talaga,” paumanhin ng babae.
“Pasalamat ka at ayaw kong masira ang araw ko! Palibhasa’y ubod ka ng taba kaya hindi ka magkasya!” dagdag pa ng dalaga.
Napayuko na lang ang babae dahil nahiya siya sa komento ni Mira.
Ilang minuto pa ang nakalipas at tinawag na ang flight ni Mira. Habang papunta siya sa eroplano ay wala siyang pinalampas na pagkakataon para idokumento ang kaniyang pag-alis.
Pagpasok niya sa eroplano’y agad niyang hinanap ang kaniyang upuan. Nagulat na lang siya nang makita ang matabang babaeng kaniyang nakaalitan. Nakaupo ito sa bukana kaya kailangan niya pang makiraan dito.
Agad niyang tinawag ang stewardess upang makiusap.
“Miss, baka naman p’wedeng ilipat n’yo na lang ako ng ibang upuan? Ayaw ko talagang makatabi ang babaeng iyan! Isa pa, tama ba ang binayaran niya? Pang dalawang tao dapat ang binayaran ng babaeng ‘yan!” reklamo pa ni Mira.
“Pasensya na po, miss, pero hindi po p’wede. Sapat naman po ang espasyo para sa inyong dalawa. Magbigayan na lang po kayo,” paliwanag naman ng stewardess.
“Pero hindi ko nga kayang tumabi sa kaniya! Miss, unang biyahe ko ito papuntang ibang bansa at ayaw kong masira ang bakasyon ko. Kung ayaw n’yong ilipat ‘yan ay ilipat n’yo na lang ako ng upuan!” bulyaw ni Mira.
“Hindi po talaga maaari, miss. Umupo na po kayo at aalis na po ang eroplanong ito. Kung patuloy n’yo pong hahamakin ang babaeng katabi ninyo ay maaari kayong palabasin ng aming piloto. Kumalma na po kayo at umupo, ma’am. Napapahiya na rin po ang babaeng katabi ninyo,” saad muli ng stewardess.
Ngunit ayaw talaga ni Mira na umupo at patuloy pa rin ang kaniyang pagsasalita, dahilan upang maantala ang lipad ng eroplano. Naiiyak na rin ang matabang babae dahil sa labis na pagkapahiya.
Maya-maya ay may isang lalaking naawa sa babaeng mabigat ang timbang.
“Ako na ang makikipagpalit sa kaniya ng upuan. Dito ka na lang, miss, para hindi na maantala ang pag-alis natin. Kawawa ka rin kapag pinalabas ka ng piloto,” saad ng isang binata.
Doon na natapos ang pagtataray ni Mira, pero naiinis pa rin siya dahil hindi man lang siya nakaupo sa tabi ng bintana kung saan mas mainam ang kumuha ng larawan.
“Mas mainam na ito kaysa katabi ko ang matabang babaeng ‘yun!” wika ni Mira sa kaniyang sarili.
Tuluyan na ngang naging ayos ang lahat. Sa wakas ay lumipad na rin ang eroplano.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay nagkaroon ng anunsyo ang piloto.
“Ngayon ay ipinagdiriwang ng airline na ito ang aming anibersaryo. Bilang regalo sa inyong mga parokyano ay may inilagay kaming surpresa sa ilalim ng inyong upuan. Bumalik na po kayo sa kanya-kanyang upuan dahil kung ano ang nasa ilalim ng kinauupuan ninyo ay iyon ang inyong premyo. Isa lang ang mananalo nito. Kaya pakitingnan na lang ang inyong upuan at ipaalam sa stewardess kung kayo ang nanalo,” saad ng piloto.
Isa-isang nagtinginan ang lahat sa ilalim ng kanilang upuan. Malakas ang kabog ng dibdib nitong si Mira dahil umaasa siyang siya ang mananalo. Kaso nadismaya siyang makitang walang nakadikit sa ilalim ng kaniyang upuan.
Ilang sandali pa ay sumigaw ang isang lalaki. Ang lalaking nakipagpalit sa kaniya ng upuan.
“Nanalo ako! Nanalo ako!” saad pa ng ginoo.
“Dahil nasa ilalim ng upuan ninyo ang sticker ay ito ang inyong surpresa. Ngayon po ay ililipat naman kayo sa business class at doon po ay may naghihintay na masasarap na pagkain para sa inyo. Bukod po doon ay may mga matatanggap din kayong souvenir mula sa aming paliparan. Hindi pa po riyan natatapos ang surpresa dahil mayroon din po kayong libreng licket para sa dalawang tao para sa anumang bansa na nais ninyong puntahan. Sasagutin din po ng airline ang inyong hotel at accomodation at may pocket money na rin pong kasama!” pahayag ng stewardess.
Walang kasing saya ang lalaki dahil sa mga regalong kaniyang natanggap. Naglalaway naman si Mira habang pinakikinggan niya ang napanalunan nito.
“Sandali lang! Hindi ba’t dapat ako ang manalo dahil pangalan ko ang nakalista sa upuang iyan? Diyan naman talaga ako nakaupo ‘di ba? Dapat ay sa akin ang panalo. O hindi naman kaya ay hati na lang kami,” tutol ni Mira.
“Naku, ma’am, pasensya na po at maliwanag po ang patakaran na ang premyo ninyo ay kung saan kayo nakaupo. Sayang at nakipagpalit kayo ng upuan,” wika pa ng stewardess.
Rinig na rinig ni Mira ang mga bulungan ng mga kapwa niya pasahero.
“Masama kasi ang ugali kaya hindi nanalo. Sayang at siya dapat ang nagkamit ng mga premyo,” wika ng isang ginang.
“Kung masama ang ugali niya at siya pa rin ang nanalo ay aalma talaga ako. Baka hindi na ako sumakay sa airline na ito. Grabe, sukdulan ang pagkabasura ng ugali niya! Dapat ay pinababa na lang siya ng piloto!” sambit naman ng isang babae.
Nanliliit na si Mira sa kaniyang kinauupuan. Pilit niya itong binabalewala dahil ayaw niyang masayang ang kaniyang bakasyon. Wala pa rin sa kaniyang pagkatao ang magbago.
Ngunit taliwas ang nangyari kay Mira. Imbes na mag-enjoy siya sa bakasyon ay puro kamalasan ang kaniyang inabot. Nawala ang kaniyang bagahe. Dahil masama ang kaniyang ugali ay walang nais na tumulong sa kaniya. Hindi rin siya nakalabas sa hotel na kaniyang tinuluyan dahil nagkaroon ng masamang panahon. Sa makatuwid ay nagsayang lang siya ng pera.
Pagbalik pa niya sa Pilipinas ay naramdaman pa niyang masaya ang kaniyang mga katrabaho noong wala siya.
Dito na niya naisip ang mga sinabi ng kaniyang ina bago siya umalis papuntang ibang bansa. Dahil rin sa mga pangyayaring ito ay napagtanto niyang talagang sumosobra na ang kaniyang ugali at kailangan na niyang magbago.
Una siyang humingi ng tawad sa kaniyang ina. Natutuhan na rin niyang makibagay sa kaniyang mga kasamahan. Sinisikap na rin niyang huwag lang ang sarili ang kaniyang iniisip.
Sa ngayon ay muling nag-iipon itong si Mira upang makapagbakasyon muli sa ibang bansa. Sa pagkakataong ito’y kasama na niya ang ina, pinangako rin niya sa kaniyang sarili na magiging mabuting tao na siya.