Inday TrendingInday Trending
Pinagnakawan ang Ginang na Ito Habang Namimili; Imbes na Magalit ay Ito ang Kaniyang Ginawa

Pinagnakawan ang Ginang na Ito Habang Namimili; Imbes na Magalit ay Ito ang Kaniyang Ginawa

“Charlie, huwag mong pakialaman ‘yan, anak! Hindi ba’t nangako ka sa akin na hindi ka maglilikot kapag sinama kita rito sa grocery? Bitawan mo na ‘yan, anak, baka makasira ka pa,” sambit ni Rita sa kaniyang anak habang namimili.

“Gusto ko pa kasi talaga ang laruang ‘yun, mommy. Parang awa mo na po at bilhin mo na ‘yun para sa akin. Pangako ay hindi na po ako magtuturo ng iba pa,” pakiusap ng anak.

“Tapusin muna natin ng mga kailangan nating bilhin. Kapag may tira sa pera at mabait ka ay pag-iisipan ko kung ibibili kita. Kaya kung ako sa’yo ay dito ka lang sa tabi ko at hayaan mo na akong matapos. Baka rin mawala ka rito sa grocery, anak, at nakita mo namang maraming tao,” dagdag pa ng ina.

Hindi na nangulit pa ang bata at nakinig na rin sa ina. Umaasa siyang bibilhin ng kaniyang mommy ang gusto niyang laruan.

Habang abala si Rita sa pamimili ay napansin na niya ang isang lalaking tila kanina pa sumusunod sa kanila. Kapag tinitignan niya ito’y halatang umiiwas sa kaniya ng tingin.

“Siguro naman ay mali ang iniisip ko,” saad pa ni Rita sa sarili at saka muling bumalik sa pamimili.

Maya-maya ay nangulit na naman itong si Charlie.

“Mommy, ang sakit na talaga ng paa ko. Hindi pa po ba tapos ‘yan?” reklamo ng bata.

“Sandali na lang, anak. Kailangan ko na lang kumuha ng mga sabon. Ano ba ang sinabi ko sa iyo kanina? Sige ka, hindi ko na bibilhin ang laruang gusto mo! Sayang naman!” pahayag ng ginang.

Inip na inip na si Charlie kaya nagmadali na rin si Rita sa kaniyang pamimili.

Nang malapit na siya sa counter ay napansin niyang bukas ang bag na nakasabit sa kaniyang push cart. Kinabahan siya at nang hanapin niya ang kaniyang pitaka ay wala nga ito sa loob.

Imbes na mataranta at mag-eskandalo ay nag-isip ng mabuti si Rita. Ayaw niya rin kasing maapektuhan ang kaniyang inosenteng anak.

Naalala ni Rita ang payat na lalaking pinaghihinalaan niyang sumusunod sa kanila kanina. Sa dami ng mamimili sa loob ng grocery ay nahirapan talaga siya.

“Hindi pa sana siya nakakalabas ng grocery na ito,” sambit ni Rita sa sarili.

“Mommy, akala ko po ba ay tapos na tayong mamili? Bibilhin din po ba natin ang laruan ko kaya umalis tayo sa pila?” tanong naman ni Charlie.

“Oo, anak. Kaya tulungan mo akong hanapin kung saan nakalagay ang laruan,” wika naman ng ina para lang mawala ang atensyon ng kaniyang anak sa kaniya.

Maya-maya nga ay nakita niya ang lalaki na nasa tapat ng estante kung nasaan ang mga gatas. Nakatitig lang ito sa mga tinda at parang balisa.

Kaswal na nilapitan ni Rita ang lalaki. Kinausap niya ito nang mahinahon upang iwasan ang eskandalo.

“Sa tingin ko ay mayroon akong gamit na nasa iyo. May dalawa kang pagpipilian, ginoo. Una, ibalik sa akin ang wallet ko at patatawarin na kita. Aalis tayo ng grocery na ito na parang walang nangyari, at babayaran ko rin ang mga bibilhin mo. O tatawagin ko ang mga guwardiya at magtatawag din ako ng pulis, ipadadakip kita at sisiguraduhin kong makukulong ka,” wika ni Rita.

Napahagulgol na lang ang lalaki. Unti-unti niyang inilabas mula sa bulsa ng kaniyang jacket ang pitaka ni Rita at saka niya ito sinauli.

“Sa totoo lang ay hindi rin ako makabili dahil alam kong mali ang ginawa ko. Pero wala na talaga akong magawa. Iniwan ako ng asawa ko at sumama sa iba. May kambal akong anak na parehong may kapansanan. Dalawang araw nang puro tubig at asukal ang laman ng kanilang tiyan. Hindi ko na alam kung paano ko itatawid ang buhay nila,” pagtangis ng lalaki.

“Kumuha ka na ng gatas at ng iba pang pagkain at ako na ang magbabayad, pero sana pakatandaan mong mali pa rin ang ginawa mo. Ano pa mang dahilan mo ay hindi tama ang magnakaw,” wika pa ng ginang.

Labis na nagsisisi ang lalaki sa kaniyang ginawa, ngunit malaki rin ang pasasalamat niya dahil maganda ang kalooban nitong si Rita. Hindi na nga siya ipinadakip ay binigyan pa siya ng maiuuwi para sa kaniyang mga anak.

“Maraming salamat po talaga sa inyo, ginang. Hindi ko po malilimutan ang araw na ito. Kanina ko pa rin iniisip na tapusin na ang buhay ko dahil nawawalan na rin ako ng pag-asa sa buhay, pero dahil sa iyo’y napagtanto kong kailangan pa ako ng mga anak ko,” saad muli ng lalaki.

Tulad ng kaniyang ipinangako, hindi na nagsumbong pa si Rita sa mga gwardiya. Binayaran din niya ang gatas, kape, asukal, at tinapay na pinamili nito. Hindi naman mapatid ang pasasalamat at pagluha ng lalaki.

Habang paalis ang lalaki ay nagwika siya sa kahera.

“Napakabait ng taong ito. Pinagnakawan ko na siya ngunit tinulungan pa rin niya ako. Nagkasala ako pero pinatawad niya ako. Masaya akong uuwi ngayon dahil sa wakas ay makakakain na ang mga anak ko!” patuloy sa pagluha ang ginoo.

Hindi makapaniwala ang lahat sa kanilang narinig. Ang iba pa nga’y nagbigay ng kanilang komento dahil sa tingin nila’y mali ang ginawa ni Rita na pagpapatawad sa nagnakaw sa kaniya.

“Baka ulitin niya ulit ang pagnanakaw na ‘yan dahil nakalusot siya. Dapat ay tinuluyan mo nang madala at hindi na umulit pa!” saad ng isang ginang.

“Kung ako ang nasa katayuan mo’y ipinapulis ko na ‘yun at sinampahan ng kung anu-anong reklamo! Baka mamaya ay hindi totoo ang kaniyang istorya. Baka mamaya ay pamarisan siya ng iba!” saad naman ng isang lalaki.

Ngunit tikom lang ang bibig ni Rita.

Natunghayan ni Charlie ang ginawang kabutihang ito ng kaniyang ina. Dahil madami ang nagsasabing mali ang ginawa ng kaniyang ina’y nagtaka rin siya.

“Mommy, bakit n’yo po ba hinayaang makaalis ang lalaking nagnakaw ng pitaka ninyo? Muntik na po kayong mawalan ng pera at mahalagang mga bagay!” sambit ng bata.

“Anak, noong bata pa kasi ako’y nawalan ako ng kapatid nang dahil sa panghuhusga ng ibang tao. Natatandaan ko pa ang sinabi niya sa akin. Ang mundong ito’y ubod ng pait kaya piliin mong maging mabuti. Binigyan ko lang naman siya ng isa pang pagkakataon para itama ang kaniyang mali. Kapag pinakulong ko siya’y kawawa naman ang mga anak niya lalo. At sa tingin ko nama’y natuto na siya ng leksyon. Hindi na n’ya iyon uulitin pa. Mas mapalad tayo kaysa sa kaniya, anak, kaya dapat na tayo ang mas umunawa,” paliwanag pa ni Rita.

Advertisement