Inday TrendingInday Trending
Matindi ang Hinala ng Ilan sa Naging Asawa ng Isang Mayamang Negosyante; Masaklap ang Kaniyang Kahahantungan

Matindi ang Hinala ng Ilan sa Naging Asawa ng Isang Mayamang Negosyante; Masaklap ang Kaniyang Kahahantungan

Marami ang hindi makapaniwala nang biglang magpakasal ang kwarenta anyos na si Ferdie, may-ari ng isang construction firm, sa isang dalagang halos kalahati ng kaniyang edad, si Richelle. Wala sanang isyu sa pagitan nila kung pareho silang galing sa isang mayamang pamilya, ngunit nakilala lamang ni Ferdie itong si Richelle sa isang bar kung saan nagtatrabaho ito bilang isang taga-bigay ng aliw.

Maging ang mga kamag-anak ng ginoo ay tutol sa kaniyang ginawa. Sa kabila ng babala ng kaniyang mga magulang ay itinuloy pa rin nito ang kaniyang planong pag-iisang dibdib.

“Huwag mong sabihin sa amin na hindi ka namin pinagsabihan, Ferdie. Sa hilatsa pa lang ng babaeng iyan ay alam mo nang oportunista. Pera lang ang habol niya sa iyo,” saad ng ina nito.

“‘Ma, bakit kasi hindi n’yo bigyan ng pagkakataon si Richelle nang sa gayon ay makilala n’yo siya nang lubusan? Maayos siyang babae. Kinailangan lang niyang gawin ang trabaho niya para bigyan ng magandang buhay ang pamilya niya,” saad ng ginoo.

“At kaya ka niya pinakasalan ay dahil malaki at mataba kang isda na p’wedeng mag-ahon agad sa pamilya niya sa lusak! Huwag mo nang ipagtanggol ang babaeng ‘yun dahil walang maayos na babae ang ibebenta ang kaniyang katawan kapalit ng pera. Babantayan ko ‘yang asawa mo, Ferdie. Darating ang panahon na lalabas din ang tunay niyang kulay!” mariing sambit pa ng ina.

Dahil alam ni Ferdie na labis ang pagtutol ng kaniyang mga kaanak kay Richelle, iniiwasan na lang niyang magsama-sama ang mga ito sa mga okasyon. Ayaw din kasi niyang sumama ang loob sa kaniya ng asawa dahil sa hindi magagandang maririnig mula sa kaniyang pamilya.

“Maraming salamat sa’yo, mahal ko. Kasi kahit anong sabihin ng pamilya mo ay narito ka pa rin sa akin at nananatili sa tabi ko. Palagi mo akong pinaglalaban sa kanila. Lalo tuloy kitang minamahal,” paglalambing ni Richelle sa asawa.

“Siyempre naman! Ikaw na ang buhay ko ngayon, Richelle. Kung kailangang talikuran ko sila para lang maging maligaya ang pagsasama natin ay gagawin ko. Hindi ako magdadalawang-isip,” sambit naman ni Ferdie.

Sa mga kilos at sinasabi ng mister ay sigurado si Richelle na hulog na hulog na ang loob nito sa kaniya. Ngunit hindi nito alam na totoo ang lahat ng sinasabi ng iba tungkol sa babaeng ito.

Hindi tunay na mahal ni Richelle si Ferdie. Sa katunayan ay may ibang laman ang kaniyang puso. Noon pa man niya pangarap na magkaroon ng isang mayamang manliligaw nang sa gayon ay makamkam niya ang yaman nito at saka sila magsasama ng kaniyang iniibig.

“Konting tiis na lang at maisasakatuparan na rin natin ang plano natin, Gener. Magkakasama na rin tayo habang nakahiga sa salapi. Ngayon ay magtiis muna tayo sa pagkikita nang palihim,” wika ni Richelle.

“Galingan mong paniwalain siya nang sa gayon ay hindi maging mahirap ang pagsasagawa ng plano natin. Malaki ang tiwala ko sa iyo,” saad naman ng kalaguyo.

Mag-iisang taon din ang naging pagsasama nila Richelle at Ferdie. Sa paningin ng iba’y sadyang masaya ang dalawa. Labis kasi ang lambing ni Richelle kaya hulog na hulog na sa kaniya ang mister.

Hanggang isang araw ay hudyat na para tuluyan nang isakatuparan ang plano. Umupa ng bayarang tao si Richelle upang tapusin si Ferdie. Sinigurado muna niyang kapag nawala ang mister ay sa kaniya mapupunta ang lahat ng yaman at ari-arian nito.

“Siguraduhin mong malinis ang trabaho mo! Kapag naging matagumpay ito’y dadagdagan ko pa ang bayad ko sa’yo,” saad muli ni Richelle.

“Areglado! Bukas na bukas ay ihanda mo na ang sarili mo dahil byuda ka na!” saad ng lalaki.

Agad na ibinalita ni Richelle ang lahat ng ito sa kaniyang kalaguyo. Hindi na rin ito makapaghintay pa tuluyan na silang magsama.

Buong gabing nag-ensayo si Richelle ang kaniyang gagawin at mga sasabihin. Pati ang kaniyang pag-iyak ay pinaghandaan niya rin.

“Tiyak akong maniniwala ang lahat sa akin!” saad niya sa sarili.

Kinabukasan ay inireport agad ni Richelle na nawawala ang kaniyang asawa.

“Hindi siya sumasagot sa mga tawag at texts ko. Hindi siya umuwi kagabi! Hindi naman s’ya ganyan! Lagi siyang nagsasabi sa akin. Parang awa n’yo na mga mamang pulis, pakihanap naman ang asawa ko!” pagtangis niya.

Ilang oras ang nakalipas at nakatanggap ang mga awtoridad ng mga larawan ng isang lalaking wala nang buhay at duguan habang nasa loob ng kaniyang sasakyan.

“Sasakyan ‘yan ng asawa ko! Asawa ko ‘yang lalaking ‘yan!” dito na nagwala si Richelle na parang nasisiraan ng ulo.

“Kumalma po kayo, ginang! Nasisigurado n’yo po bang ang lalaking nasa larawan ay asawa n’yo? Maaari po ba kayong magbigay ng salaysay kung sino ang huli niyang kasama at saan siya nagpunta?” wika pa ng pulis.

“H-hindi ko alam! Ang alam ko lang ay galing siya sa opisina. Tinawagan pa nga niya ako, e! Ang sabi lang niya’y may dadaanan siya tapos ay uuwi na siya,” pahayag nitong muli.

Pilit na inililihis ni Richelle ang mga pangyayari. Basta kailangan lang niyang panatilihin ang pag-arte niya bilang isang naghihinagpis na balo.

Pinuntahan nila ang lugar kung saan sinasabing natagpuan ang katawan ni Ferdie. Pagkakita pa lang niya sa sasakyan nito’y humagulgol muli siya at akmang mawawalan ng malay.

Ngunit pagbukas ng mga pulis ng pinto ng sasakyan upang kumuha ng mga ebidensya, nagulat sila nang makitang wala itong laman na labi ng tao.

“P-paanong nangyari ito? Nasaan ang katawan ng asawa ko? H-hindi ba’t malinaw naman sa pinadala sa larawan na narito ang katawan niya? Nasaan na? Hindi kaya may nagdala na sa kaniya sa morgue?” natatarantang saad ni Richelle.

Walang sumasagot sa mga pulis. Hanggang sa narinig niya ang isang pamilyar na tinig.

“Wala talaga kayong makikitang katawan ng yumao d’yan dahil buhay na buhay pa ako! Hindi nagtagumpay ang plano mo, Richelle!” sambit ni Ferdie.

Nanlaki ang mga mata ng kaniyang misis nang makita siya. Para bang nakakita ito ng isang multo.

“Akala mo ba na hindi ko malalaman ang lahat? Minahal kita, Richelle, minahal kita higit pa sa sarili ko pero ito lang ang isinukli mo sa akin! Nais mo pa akong mawala nang tuluyan sa landas n’yo ng kalaguyo mo, pero hindi kayo magtatagumpay!” dagdag pa ng ginoo.

“A-anong sinasabi mo riyan? Wala akong alam sa mga sinasabi mo. Sa katunayan nga ay nagpunta pa ako sa pulisya upang ireport ang pagkawala mo! Kayang patunayan ‘yan ng mga pulis!” sagot naman ni Richelle.

“Ang mga pulis na ‘yan ay kasabwat ko rin. Alam na namin na pupunta ka sa himpilan dahil parte ito ng plano mo. Sa katunayan ay kanina ka pa nila hinihintay. Hindi mo sinabi sa akin, Richelle, na magaling ka palang umarte,” wika muli ni Ferdie.

Todo tanggi pa rin si Richelle sa mga paratang ng asawa sa kaniya. Hanggang sa isang tao ang bigla na lang lumutang. Ito ang lalaking binayaran niya upang ipatapos si Ferdie.

“Makakatanggi ka pa ba kung ako na ang magsabi ng lahat? Palihim din kitang nakunan ng bidyo para gawing ebidensya. Napag-alaman ko sa isang kakilala na halang ang bituka na naghahanap ka nga raw ng sasakatuparan ng plano laban dito kay Ferdie ay nagboluntaryo ako. Kahit hindi ko ito gawain ay nilakasan ko ang loob ko para maprotektahan ko siya. Nagpanggap ako sa harapan mo na isang bayarang tao para malaman ko ang lahat ng plano mo. Ang hindi mo alam ay kababata ko itong si Ferdie at malaki ang utang na loob ko sa kaniya. Kaya naman para paniwalain ka ay pineke rin namin ang kr*men. Wala ka nang kawala, Richelle! Sinayang mo lang ang tunay na pag-ibig sa iyo nitong kaibigan ko! Wala kang kasing sama!” wika ng lalaki.

Hindi na nakapagsalita pa si Richelle dahil alam niyang wala na nga siyang kawala pa sa batas. Wala na siyang nagawa pa kung hindi aminin ang lahat.

Sa paghuli kay Richelle ay hinuli rin ang kalaguyo nitong si Gener. Sa likod ng rehas nila parehong pagdudusahan ang kanilang mga kasalanan.

Samantala, humingi naman ng tawad si Ferdie sa kaniyang mga kaanak na nagbigay sa kaniya ng babala. Nakakapanlumo lang sa parte niya dahil tunay niyang minahal ang dating asawa ngunit bandang huli’y lumutang din ang tunay na kulay nito. Ang tanging habol lang talaga ni Richelle sa kaniya ay ang kaniyang yaman.

Advertisement