Natatakot Siyang Ipaalam sa Kaniyang mga Magulang ang Katauhan ng Kaniyang Kasintahan; Tingin Niya Kasi’y Hindi Sila Matatanggap ng mga Ito
“Hindi pupwede ito! Ano na lang ang sasabihin ng mga katrabaho ko?”
“Diyos ko! Baka ikahiya pa ako ng mga magulang ko! Ako pa naman ang kaisa-isa nilang anak na lalaki!”
“Paano na lang kung malaman niyang may gusto ako sa kaniya tapos bigla niya akong iwasan? Paano kung ako lang pala ang nagkakagusto sa kaniya?”
Takot ang unang naramdaman ng binatang si Daniel nang mapansin niyang tila nagkakagusto na siya sa isa sa mga katrabaho niyang lalaki. Pilit man niya itong iniiwasan dahil pakiramdam niya’y mali ang nararamdaman niya, patuloy pa ring tumitibok ang puso niya para sa naturang binata.
Sino ba namang hindi mahuhulog sa isang binatang sobra kung mag-alaga at mag-alala sa kaniya kahit sila’y nasa trabaho? Palagi siya nitong binibigyan ng pagkain araw-araw, niyaya pa siyang lumabas, at higit sa lahat, hindi pa ito nagdadalawang-isip na samahan siyang mag-over time kahit na pagod-pagod na ito sa trabaho.
“Kung hindi mo na kaya, Mark, pupwede ka nang umuwi, ha? Ayos lang naman ako rito, malapit na rin naman akong matapos,” sabi niya rito, isang gabi nang makita niyang inaantok na ito habang naghihintay sa kaniya.
“Hintayin na kita, matatapos ka na rin naman pala, eh, kaysa naman iwan kita rito mag-isa. Baka mamaya may mangyari sa’yong masama, konsensya ko pa!” patawa-tawang tugon nito na talagang ikinakilig niya.
Sa araw-araw na ganito ang pinapakita ng binata sa kaniya, tuluyan na nga siyang nahulog dito at laking gulat niya nang isang araw, ito pa ang unang umamin sa kaniya!
“Hoy, huwag mo akong binibiro, ha!” sagot niya nang umamin ito sa harap niya habang bitbit-bitbit ang isang bungkos ng mga bulaklak.
“Totoo, Daniel, hihintayin ba kitang matapos sa trabaho hanggang hatinggabi nang walang dahilan?” seryoso nitong wika sabay haplos sa kaniyang mukha na talaga nga namang ikinaikot ng kaniyang tiyan.
At dahil nga parehas naman sila ng nararamdaman, agad na silang nagpasiyang pumasok sa isang romantikong relasyon. Kaya lang, dahil nga takot pa siyang malaman ng iba, lalo na ng kaniyang mga magulang, pinakiusapan niya ang nobyo na manatili munang sikreto ang kanilang pagmamahalan na agad naman nitong sinang-ayunan.
“Kung d’yan ka komportable, walang problema sa akin,” sabi pa nito sabay halik sa kaniyang noo.
Lumipas ang mga buwan, patuloy na lumalim ang kanilang pagmamahalan. Nagkakaroon man siya ng ideya na sabihin na sa kaniyang magulang ang katotohanan, pero siya’y pinipigil pa rin ng kaniyang takot.
Kaya lang, isang araw, habang siya’y nag-aayos ng sarili para sa kanilang date, siya’y biglang nakaramdam ng kaba nang tanungin siya ng kaniyang ina.
“Anak, napapansin ko ang palagian mong pagkain sa labas. May nobya ka na ba? Ipakilala mo naman sa amin ng tatay mo!” sabi nito na ikinanigas niya.
“Ah, eh, wala po, mama! Madalas lang talagang magyayang kumain ang mga katrabaho ko, stress kasi kami lahat sa trabaho, mama!” pagsisinungaling niya rito saka agad nang umalis upang makatakas sa mga katanungan nito.
Dahil sa tanong na iyon, niyaya niya ang kaniyang nobyo na kumain sa malayong lugar upang wala talagang makakita sa kanila. Ngunit pagkaupong-pagkaupo nilang magnobyo sa isang restawran, kasunod nilang umupo sa kaparehas na lamesa ang kaniyang mga magulang.
“Mama! Papa! Bakit po kayo nandito?” nanginginig niyang tanong.
“O, bakit parang nakakita ka ng multo, anak? Putlang-putlang ang mukha mo na para bang natuklasan namin ang pinakatinatago mo!” sigaw ng kaniyang ina sabay hampas sa kaniyang balikat.
“Pasensya na, mahal, hindi na ako makatiis, eh. Palihim ko nang kinausap ang mga magulang mo para hindi ka na mamroblema,” kamot-ulong sabi ng kaniyang kasintahan saka siya inabutan ng isang basong tubig.
“Anak, wala namang masama sa relasyon niyong dalawa, eh, kaya wala kang dapat ikatakot!” sabi pa ng kaniyang ama na ikinagulat niya.
“Hindi po kayo galit sa akin?” mangiyakngiyak niyang tanong.
“Hindi kami galit pero nagtatampo kami ng tatay mo! Bakit hindi mo pinakilala sa amin ang gwapong binatang ito? Simula ngayon, lagi niyo na kaming isama ng tatay mo sa mga date niyo, ha! Bumawi kayo sa amin!” sambit ng kaniyang ina na tuluyan nang nagpatulo sa kaniyang mga luha dahil sa taos pusong saya.
Simula noon, wala siyang kinatakutan pa. Nilabas niya na sa publiko ang kanilang pagmamahalan.
Ikinagulat man ng nakakarami, siya’y labis pa ring natuwa nang makita niyang masaya para sa kanilang dalawa ang kanilang mga katrabaho, kaanak, at mga kaibigan.
“Wala kang dapat ikatakot, Daniel, lalo na kung ako ang kasama mo. Sabay nating haharapin ang bawat pagsubok,” bulong pa sa kaniya ni Mark habang magkahawak kamay silang naglalakad sa kalsada.