Nanguha ang Kapitana Mula sa mga Donasyong Para Sana sa mga Nasunugan; Mas Mahal ang Singil ng Tadhana sa Kaniya
Unang araw ng taon noon, kasabay ng malakas na putukan upang ipagdiwang ang bagong simula, bigla namang nakatanggap ng masamang balita ang kapitana na si Neri habang sila’y nagkakasiyahan ng kaniyang buong pamilya.
“Kap! Kap! Kap! May bumagsak na upos ng fireworks sa kubo ni Mang Kardo!” balita sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kagawad.
“Diyos ko! Ano pang ginagawa mo? Tumulong ka na sa pag-apula ng apoy bago pa madamay ang ibang bahay sa paligid niya!” sabi niya habang natatarantang magsuot ng tsinelas.
“Nakakatakot kasi, kap, eh. Tutulong na nga sana akong mag-apula ng apoy nang bigla namang sumabog ang LPG ni Mang Kardo! Tumawag na lang tayo ng bumbero, kap!” payo pa nito kaya siya’y dali-daling nagtungo sa kanilang barangay kung nasaan ang kanilang telepono upang humingi nga ng tulong sa mga bumbero.
Kaya lang, dahil gawa sa mga pawid, yero, kahoy, at iba pang madaling masunog na mga materyales ang halos lahat ng bahay sa kanilang barangay, bago pa dumating ang tulong mula sa mga bumbero, natupok na ng apoy ang halos lahat ng mga bahay dito.
Nang mapansin niyang iilang bahay na lang ang layo ng sunog sa sarili niyang pamamahay, pagkarating na pagkarating ng mga bumbero, agad niyang pinadiretso ang mga ito sa kaniyang bahay upang maproteksyunan mula sa apoy.
Habang patuloy ang pagkalat ng apoy, patuloy ding dumadating ang mga bumberong mula sa iba’t ibang lugar upang tumulong. Walang ibang magawa ang kaniyang mga nasasakupan kung hindi ang mag-iyakan, maglupasay, at magdasal na matigil na ang bangungot na iyon.
Paglipas ng halos tatlong oras, sa kabutihang palad ay naapula na nang tuluyan ang sunog sa kanilang barangay. Katulad ng nais niya, hindi nga nasunog ang kaniyang bahay ngunit hindi bababa sa apatnaraang pamilya ang nasalanta ng naturang sunog na agad niyang pinapunta sa evacuation site ng kanilang lungsod.
Isang oras lang ang nagdaan, hindi niya na kaagad mabilang ang dami ng mga taong gustong tumulong sa kaniyang mga kabarangay. Lahat ito’y kaagad niyang tinanggap, mapapera man o donasyong pagkain, damit at ilang mga gamit sa bahay.
Kaya lang, nang makita niyang naggagandahan ang mga damit at masasarap ang mga pagkain na kailangan niyang ipamigay, doon na niya hindi napigilan ang kaniyang pagiging mapagsamantala.
Dali-dali niyang ipinauwi sa kaniyang bahay ang mga mamahaling delata at bigas pati na ang mga damit na mukhang bagong bili pa! Ang mga pinagpilian nilang damit ng kaniyang mga anak at ang mga mumurahing sardinas, bigas, at ilan pang mga pagkain ang siyang pinadala niya sa evacuation site.
“Ang ganda talaga ng pasok ng bagong taon sa akin! Hindi na nga ako nasunugan, ang dami ko pang biyayang natanggap!” sabi niya sa sarili habang isa-isang tinitingnan ang naggagandahang damit na nakulimbat niya.
Todo reklamo man ang iba niyang kabarangay na nakakita ng ginawa niyang pag-uuwi ng mga naturang donasyon sa kaniyang bahay, siya’y patuloy na nagkibit balikat.
At dahil sa sunog na naranasan ng kaniyang sinasakupang barangay, siya’y nakaramdam na rin ng takot. Ito ang dahilan para siya’y magpasiyang ang lahat ng perang pinakatatago niya ay ilagay na niya sa bangko nang sa gayon, anuman ang mangyari ay mayroon siyang madudukot.
Sa laki ng perang bitbit niya sa kaniyang bag, minabuti niya nang magmotorsiklo upang masiguro ang kaniyang kaligtasan. Kaya lang, pagkababang-pagkababa niya sa kaniyang motorsiklo, agad siyang nakaramdam ng matulis na bagay sa kaniyang tagiliran at sunod na niyang narinig ang mga katagang, “Akin na ‘yang bag mo,” na talagang ikinatigas at takot niya kaya dali-dali niya itong binigay sa naturang lalaki.
Tinangka man niyang hanapin ang naturang lalaki katuwang ang mga pulis na kakilala niya, hindi na nila ito matunton pa dahilan para siya’y agad na manghina, maglupasay at ngumalngal kahit siya’y nasa kalsada pa.
“Ang bilis ng karma, kap, ano? Nang dahil sa kasakiman mo, mas malaking halaga ang nawala sa’yo. Maging aral sana sa’yo ‘to, kap! Tandaan mong walang magandang maidudulot sa’yo ang panglalamang sa mga tao!” sigaw sa kaniya ng isa sa mga kabarangay niyang nasunugan na napadaan sa naturang bangko.
“Asahan mo rin na hinding-hindi ka na namin iboboto bilang kapitan ng barangay! Ayaw namin sa kurakot at mapagsamantala!” bulyaw pa ng kasama nito kaya siya’y labis na nakonsensya sa kaniyang ginawa.
Wala man siyang magawa upang maitama ang kaniyang ginawa at mabawi ang pinaghirapan niyang pera, napagdesisyonan niyang maging tapat na sa pagtulong sa kaniyang mga nasasakupan. Wala man siyang mahita sa mga ito, buo na ang puso niya ngayon na matulungan ang mga tunay na naaapektuhan ng sunog.
Sa ganoong paraan, muli na niyang nakuha ang tiwala ng kaniyang mga kabarangay, unti-unti niya pang napatawad ang kaniyang sarili sa kasalanang ginawa niya.