Nakipaghiwalay Siya sa Kaniyang “Sugar Mommy” Nang Sagutin Siya ng Babaeng Totoong Mahal Niya; Ngunit Bakit Hindi Naging Lubos ang Kasiyahan Niya?
“Saan ka ba nanggaling at hindi ka man lang nagpasabi na male-late ka?” himig nagtatampong tanong ng kasintahan niya na si Alice.
Isang pilit na ngiti ang isinukli ni Lance sa nobya. Ang totoo ay galing siya sa date nila ng bagong nobya niya na si Elise. Sinagot siya ng nililigawan niya ngayong araw. Ito ang babaeng tunay na mahal niya.
Umupo siya sa tapat ng nobya. May nakapatong pang regalo sa mesa na nahinuha niyang regalo nito sa kaniya. Madalas itong magbigay ng kung ano-ano.
“Pasensya ka na, may inasikaso lang,” aniya.
Agad na nawala ang kunot noo nito at ngumiti sa kaniya.
“Hayaan mo na, nag-alala lang naman ako sayo…”
Iniabot nito sa kaniya ang regalo.
“Heto, binili ko para sa’yo… Sana magustuhan mo, love,” anito.
Bantulot na binuksan niya ang laman ng kahon. Doon ay nakita niya ang isang mamahaling relo na usong-uso ngayon.
“Isukat mo, love. Sa palagay ko, bagay na bagay ‘yan sa’yo…” udyok ng babae.
Mas lalo lamang siyang nakonsensya. Imbes na isukat ang relo ay buong ingat niya iyong ibinalik sa lalagyan.
Nabahiran ng pagtataka ang mukha nito.
“Bakit?”
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya bago siya nagsalita.
“Alice, itigil na natin ito. May mahal na akong iba,” walang gatol na pag-amin niya.
Natigagal ang babae. Garalgal ang tinig nang muli itong nagsalita.
“A-anong s-sinasabi mo? Bakit biglaan naman? H-hindi ba natin pwedeng pag-usapan ito?” sunod-sunod na tanong nito habang walang patid ang pagbagsak ng luha.
Matigas siyang umiling. Ang totoo ay hindi niya naman talaga mahal si Alice. Nakilala niya ito noong nasa kolehiyo pa lang siya.
Ito ang tumulong at nagsustento sa lahat ng pangangailagan niya noon. Lihim at patago ang naging relasyon nila dahil sa laki ng tanda nito sa kaniya. Sinamantala niya na dahil tila baliw na baliw ito sa kaniya.
Nang matapos siya ng pag-aaral, nahiya siya na agad-agad itong iwan kaya naman nanatili siya sa tabi nito.
Subalit hindi niya na kayang gawin iyon dahil nahanap niya na ang babaeng alam na alam niya na totoong para sa kaniya—ang bago niyang nobya na si Elise.
“Maraming salamat sa lahat ng tulong mo sa akin, Alice. Pero pasensya ka na, hindi ko kayang ipagpalit ang bago kong nobya. Mahal na mahal ko siya, at mahal niya rin ako,” wika niya.
Lalo lamang lumakas ang hagulhol ng babae. Tila hindi nito alintana ang tinginan at bulungan ng iba pang kumakain sa restawran.
“Sugar mommy,” narinig niya pang bulong ng babaeng dumaan.
Tumayo na siya at nagpaalam. Habang naglalakad palayo si Lance ay tila nawala ang tinik sa lalamunan niya. Sa wakas ay malaya na siyang mahalin ang kaniyang nobya.
Hindi na nito kailangan pang malaman ang totoo. Naniniwala kasi siya na higit na mahalaga ang kasalukuyan at hinaharap kaysa sa kasalukuyan.
Tunay na nagliwanag ang buhay niya sa piling ni Elise. Perpekto kasi ito—mabait, maalalahanin, maganda, at mapagmahal.
Ilang buwan pa lang silang magkasintahan ay hulog na hulog na kaagad ang loob niya rito.
Kaya naman walang pagsidlan ang tuwa sa puso niya nang isang araw ay may sinabi itong nagpataba ng puso niya.
“Gusto kitang ipakilala sa pamilya ko, Lance. Papayag ka ba?”
Niyakap niya nang mahigpit ang dalaga.
“Oo naman. Ikaw rin, ipapakilala na kita sa magulang ko. Siguradong-sigurado na ako sa’yo,” malambing na sagot niya.
Nang gabing iyon ay labis ang kaba ni Lance. Hindi lang pala kasi ang magulang ni Elise ang makikilala niya, kundi ang buong angkan nito!
Sa kabutihang palad ay mainit naman ang pagtanggap sa kaniya ng pamilya ng kaniyang nobya.
Kumakain sila nang marinig niyang nagtanong si Elise.
“Nasaan po pala si Tita Alicia? Sayang naman at hindi niya nakilala si Lance,” anang dalaga.
Nakita niya ang pag-irap ng ina ni Elise nang marinig ang pangalan ng kapatid.
“‘Di ba nga brokenhearted?” anito.
Bago pa makapag-usisa si Lance ay umalingawngaw na ang pamilyar na boses ng isang babaeng kadarating lamang.
“Anong brokenhearted? Naka-move on na ako! Hindi dapat iniiyakan ang mga lalaking oportunista at salawahan!” tila inis na wika nito.
Tila nanigas si Lance sa kaniyang kinauupuan. Labis ang kaba niya. Pamilyar na pamilyar kasi sa pandinig niya ang boses ng bagong dating.
Dahan-dahan siyang lumingon, at namutla siya nang makumpirma kung sino ang bagong dating na tinatawag ng lahat na si “Alicia.”
Maging ang babae ay natulala nang makita siya.
“A-alice…” halos pabulong na bigkas niya sa pangalan ng dating nobya.
Agad na tumapang ang mukha ng babae.
“Lance? Bakit ka nandito?” mataas ang boses na ratsada nito.
“T-tita, si Lance po ang boyfriend ko…” sabat ni Elise, tila naguguluhan.
Tila nag-apoy sa galit ang mata ng dating niyang nobya.
“Hindi ako papayag! Layuan mo ang lalaking ‘yan! Siya ‘yung kinukwento ko sa inyong ginastusan ko nang malaki tapos iniwan ako para sa ibang babae!”
Bago pa niya mapigilan ang babae ay naibulgar na nito ang mabaho niyang lihim.
Nang lingunin niya si Elise ay matalim ang tingin nito sa kaniya.
“Akala ko ba dalawang taon ka walang nobya bago naging tayo? Ito pala ang tinatago mo?” matapang na saad nito.
Hindi siya makaimik. Huling-huli na siya. Nais niya na lang lumubog sa kinatatayuan niya sa labis na hiya at panliliit.
Nang gabing iyon, hindi lang si Elise at Alice ang nagtaboy sa kaniya, kundi ang buong angkan ng mga ito.
Sinubukan niyang makipag-ayos kay Elise ngunit hindi raw nito kayang patawarin ang panloloko niya rito at sa tiyahin nito.
Wala siyang magawa kundi ang magmukmok at tanggapin ang katotohanan na wala na silang pag-asa ni Elise.
Labis ang panghihinayang ni Lance. Inakala niya na magiging masaya siya sa piling ni Elise sa oras na maidispatsa niya si Alice, ngunit tadhana na mismo ang gumawa ng paraan upang lumabas ang lihim niya.