Grabe Kung Apihin ng Magandang Dalagita ang Kaklase Niya na Makapal ang Kolorete sa Mukha; Sa Huli ay Nagsisi Siya sa Pangit na Trato Rito
“Sab, gustong-gusto ko talaga ang mukha mo. Natural beauty. Para kang si Marian Rivera!”
Napangisi si Sabrina sa narinig na papuri ng kaniyang kaklase. Simula pagkabata ay iyon na ang madalas niyang marinig sa mga tao—maganda siya.
Ngunit napalis ang ngisi niya nang marinig ang sunod na sinabi nito.
“Pareho kayong maganda ni Vanna, pero magkaiba ‘yung dating ng ganda niyo,” dagdag nito.
“Syempre, natural ang ganda ko! Si Vanna puro makeup lang ang nasa mukha n’un, kaya nagmumukhang maganda,” nakairap na komento niya.
Tila nagulat naman ito sa saloobin niya.
“Opinyon ko lang naman ‘yun, Sab. Para sa akin, pareho kayong maganda ni Vanna,” tila naasiwang sabi nito.
Hindi na siya nagsalita ngunit hindi maalis sa isip niya ang sinabi ng kaklase. Hindi niya talaga gusto sa t’wing naikukumpara siya kaklase niya na si Vanna.
Marami ang nagsasabi na maganda ito, ngunit kailanman ay hindi siya sumang-ayon.
Madalas kasi itong mapuna ng mga guro dahil sa makapal na kolorete nito sa mukha, bagay na madalas niyang pagtawanan.
Halos nahihinuha niya na kasi ang itsura nito kapag wala itong makeup. Hindi ito kagaya niya, na ni minsan ay hindi nagpahid ng kung ano sa kaniyang mukha.
Aba, maganda yata siya kahit na hindi balot ng kolorete ang mukha niya!
Isang araw ay isang guro ang ang pumasok sa klasrum nila, dala ang isang mahalagang anunsyo.
“Magkakaroon ng beauty pageant ang paaralan. Pwede kayong magsali ng dalawang kandidata,” anito.
Agad na umingay ang paligid. Bawat isa ay may kani-kaniyang opinyon kung sino ang dapat na sumali.
“Piliin n’yo ‘yung mga maganda na, may talento pa. Para manalo ang klase niyo,” dagdag pa ng guro.
“Ma’am, ano pong premyo ng mananalo?” usisa ng isa sa mga kaklase niya.
“Isang espesyal na field trip na kasama ang lahat. Wala kayong babayaran,” anang guro.
Muli ay napuno ng hiyawan ang maliit na klasrum. Bawat isa ay naghahangad na manalo.
Nang hapong iyon ay agad na napag-usapan ang tungkol sa beauty pageant.
Agad na naging matunog ang pangalan ni Sabrina. Marami ang nagnanais na i-representa niya ang klase nila.
Malugod naman niyang tinanggap ang hamon.
“Sino pang pwede nating isali?”
Agad na umasim ang mukha niya nang marinig ang isang pangalan.
“Si Vanna! Si Vanna ang isali natin!”
Marami ang sumang-ayon.
“Ayoko. Alam niyo naman na hindi ako mahilig sa mga ganyan, hindi ba?” agarang pagtanggi ni Vanna.
“Bakit, kasi puro kolorete lang naman ang alam mo, at wala kang talento?” humahagikhik na tanong niya.
Sinulyapan siya ng kaklase.
“Hindi ba talento ang pagme-makeup?” taas kilay na tanong nito.
Natawa siya.
“Beauty contest ito. Aba, kung pangit ka, at nagagawa mong ayusin ang mukha mo, talento talaga ‘yun!” hindi papatalong bwelta niya rito.
Kung hindi pa sila inawat ay baka lalo lamang lumaki ang gulo.
“Papatunayan ko sa’yo na may talento rin ang isang gaya ko!” taas noong bulalas ni Vanna.
Muli ay sinulyapan niya ang kaklase.
“Hinahamon kita na ipakita mo sa aming lahat ang tunay mong mukha, ‘yung hindi balot ng kung ano-anong kolorete,” aniya sa kaklase.
Hindi na ito nagsalita.
Sumapit ang araw ng kompetisyon. Bawat isa ay todo ang suporta sa kanilang kaklase na sasali sa patimpalak. Ngunit tila may problema. Hindi pa sumisipot si Vanna!
“Sabi ko sa inyo, hindi natin maaasahan si Vanna,” may bahid pa ng paninisi na baling niya sa mga kaklase.
Noon bumukas ang pinto ng klasrum nila. Sumungaw roon si Vanna, na napakaganda sa suot nitong bestida.
Hindi mapuknat ang tingin ni Sabrina sa bagong dating. Alam niya na may nagbago sa mukha nito, ngunit hindi siya sigurado.
Nang makita niya ito sa malapitan ay doon niya napagtanto ang kakaiba rito. Wala pala itong suot na kahit na anong kolorete. Subalit lutang na lutang pa rin ang maganda nitong mukha.
“Hindi pa ako nakakapag-makeup! Pasensya na, nagkaproblema kasi ‘yung gown ko, inayos pa,” nakangiwing kwento nito.
Umani ng papuri si Vanna.
“Grabe, Vanna! Ang ganda-ganda mo kahit wala kang makeup!”
Kimi itong ngumiti bago nagpasalamat.
Nagsimula na ang kompetisyon. Alam na ni Sab na magaling siya, ngunit nasorpresa rin siya ni Vanna. Natuklasan nila na may ibubuga pala ito sa larangan ng pag-awit.
Gulat na gulat silang lahat sa mga natuklasan tungkol sa kaklase.
Sa huli ay silang dalawa ni Vanna ang naiwan para iuwi ang korona.
“Ang nagwagi… ay walang iba kundi si Vanna Aroja!”
Pilit ang ngiti na tinanggap ni Sab ang tropeyo niya. Sa isip niya ay hindi siya makapaniwala na natalo siya ni Vanna.
Isa pa, nahihiya siya sa lahat ng pangmamaliit na ibinato niya sa kaklase. Nalaman niya rin ang dahilan kung bakit mahilig ito sa kolorete kahit pa hindi naman nito kailangan na itago pa ang maganda nitong mukha.
“Noong nabubuhay pa ang mama ko, mahilig siya sa mga kolorete. Naging interesado na rin ako. Isa pa, nadadagdagan ang kumpyansa ko kapag may suot ako na makeup,” paliwanag nito sa klase nila.
Labis na nagsisi si Sab sa panghuhusga at pamamahiya niya sa klase, lalo pa’t may malalim pala itong kwento. Mabuti na lang at mukhang hindi naman ito mapagtanim ng sama ng loob.
Dahil sa nangyari, napagtanto niya na ang bawat isa ay may sariling ganda, talento at iba pang bagay na dapat ipagmalaki—hindi tama na silipin natin ang sa iba.