Pera ang Dahilan ng Dati Niyang Nobyo Kaya Wala Itong Mairegalo sa Kaniya; May Nagpatunay sa Kaniyang Hindi Ito Kailanman Magiging Hadlang
Malawak ang pang-unawa ng dalagang si Celestine. Ni minsan ay hindi niya nagawang awayin ang kaniyang kasintahan dahil lang sa isang mababaw na dahilan. Hangga’t maaari, pinipilit niya itong intindihin upang bukod sa hindi na ito pag-ugatan ng kanilang pag-aaway, hindi rin ito ang maging dahilan para sila’y maghiwalay.
Sa katunayan, kahit na may pagkakataong hirap na siyang unawain ang binata, katulad na lamang nang mahuli niya itong may kasamang ibang babae at ang dahilan nito ay dahil daw nakakasawa na ang ugali niya, pinatawad niya pa rin ito at tinanggap nang buong-buo nang minsan itong humingi ng tawad.
Kaya lang, ngayong araw ng mga puso na kahit pagbati mula sa kaniyang kasintahan ay wala siyang natanggap, ganoon na lamang sumama ang loob niya rito sa unang pagkakataon.
Buong araw niya itong hindi pinansin kinabukasan na agad naman nitong napansin kaya siya’y tinawagan.
“Anong problema mo, Celestine? Bakit hindi ka namamansin?” agad nitong bungad.
“Hindi mo ba alam kung anong okasyon kahapon?” tanong niya.
“Valentine’s Day, o, bakit? Nagtatampo ka sa akin dahil wala akong regalo sa’yo? Alam mo namang wala akong pera, hindi ba? Kailan ka pa naging materialistic, ha?” galit nitong mga tanong.
“Hindi ko naman kailangan ng materyal na bagay, eh! Kung wala kang pera, batiin mo lang ako o kaya’y bisitahin dito sa bahay namin, ayos na ako roon!” paliwanag niya.
“Diyos ko! Napakaarte mo! Siguro naiinggit ka sa ibang babaeng nakatanggap ng naggagandahang bulaklak mula sa mga nobyo nila, ano? Kung ganoon, humanap ka na ng mayamang binata ngayon pa lang! Maghiwalay na tayo, Celestine! Ayoko na sa’yo!” sigaw pa nito sa kaniya saka agad na binaba ang tawag na talagang ikinahagulgol niya na lamang dahil sa sakit.
Kahit anong gawin niya, hindi na siya binalikan o kahit kinausap man lang ng lalaking iyon. Ito ang dahilan para siya’y mapilitang umusad sa buhay at ituon na lamang ang pansin niya sa paghahanap niya ng trabaho.
Dito niya naman nakilala ang binatang si Chano na kasabay niyang mag-apply ng trabaho sa isang kumpanya. Hindi rin ito mayaman ngunit ito’y maabilidad at madiskarte. Sa unang pagkikita pa lamang nila, agad nang nahulog ang loob niya rito dahil sa ugaling mayroon ito at ang pagmamahal na taglay nito sa sariling pamilya.
Ilang buwan lang ang lumipas, habang sila’y patuloy na nagpapakitang gilas sa kumpanyang tumanggap sa kanilang dalawa, siya’y niligawan na rin nito.
Gabi-gabi itong dumadalaw sa kanilang bahay upang suyuin hindi lamang siya, kung hindi ang kaniyang buong pamilya dahilan para paglipas ng tatlong buwan, ito rin ay kaagad niya nang sagutin at mahalin katulad ng ginawa niya sa una niyang kasintahan.
Habang sila’y nasa isang relasyon, kitang-kita niya ang pagkakaiba nito sa dati niyang nobyo. Palagi siya nitong iniintindi, inaalagaan at palagi nitong sinisiguro na araw-araw niyang nararamdaman ang pagmamahal nito.
Bukod pa roon, kahit na wala itong sapat na pera upang mai-date siya sa isang mamahaling restawran at maibili ng mamahaling bulaklak, gumagawa ito ng paraan upang siya’y mapasaya.
Ngayong araw ulit ng mga puso, isang taon ang nakalipas matapos siyang hiwalayan ng dating kasintahan, siya ay nakatanggap na ngayon ng pagbati at bulaklak na hindi man tunay at gawa lang sa papel ay talaga nga namang ikinataba ng puso niya.
Doon niya napatunayan na kung gusto talaga ng isang tao, gagawa ito ng paraan upang siya’y mapasaya at hindi hadlang ang pagiging kapos para hindi maiparamdam sa kaniya na siya’y espesyal sa araw na ito.
Hindi niya napigilan ang kaniyang mga luha habang pinagmamasdan ang mga bulaklak na gawa ng pangkasalukuyan niyang kasintahan.
“Hindi ka ba natuwa, mahal? Pasensya na, ayan lang ang nakayanan ko,” pangamba nito habang pinipisil ang kaniyang mga kamay.
“Tuwang-tuwa ako, mahal! Sa unang pagkakataon, naramdaman kong mahalaga at espesyal ako! Ang laki ng pasasalamat ko sa Diyos dahil inialis Niya sa buhay ko ang isang lalaking hindi makita ang halaga ko at binigyan Niya pa ako ng isang binatang kasing diskarte mo,” paliwanag niya saka agad na yumakap sa binata na talagang ikinangiti nito.
Simula noon, ni minsan ay hindi niya na muling naramdaman na hindi siya espesyal. Kahit hindi niya hilingin ang pagmamahal ay kusa itong binibigay ng kasintahan niyang si Chano na siyang nagbigay dahilan para mas tumagal at lumalim ang kanilang pagmamahalan na kalaunan ay umabot din sa kasalan.
“Wala man akong matabang bulsa, pangako, habambuhay akong gagawa ng paraan para maiparamdam ko lang sa’yo ang pagmamahal ko,” bulong pa nito sa kaniya bago siya nito tuluyang halikan sa harap ng altar.