Palagi Siyang Nanlilibre ng Tao Kada Siya’y Bibili sa Grocery; Ito Pa ang Naging Daan para Siya’y Magtagumpay
Nakaugalian na ng dalagang si Sonya na tuwing bibili siya sa grocery, convenience store, o kung saan pa mang tindahan, palagi siyang may inililibreng tao roon. Wala man siyang malaking halaga ng pera o hindi man mamahaling gamit at pagkain ang kaniyang maibigay sa taong mapili niyang bilhan, buo pa rin ang loob niyang tumulong sa abot ng kaniyang makakaya.
Mag-iisang taon na niya itong ginagawa at sa loob ng panahong iyon, hindi mabilang ang mga taong natulungan niya sa paraang iyon. May mga pulubi na siyang natulungan, matandang nahihirapang mamili ng bibilhing sasakto sa dalang pera, batang umiiyak dahil hindi mabilhan ng kendi ng ina at marami pang klase ng tao na labis niyang napapasaya.
Unang beses niya itong ginawa nang makakita siya ng isang matandang namomroblema sa isang grocery store. Nasanggi kasi nito ang isang estante ng mga softdrinks at ang ilan dito ay natapon sa sahig! Sa sobrang takot ng matanda na magbayad ng malaking halaga ng pera, nakaupo lang ito sa tapat ng mga natapong softdrinks habang umiiyak at walang sawang humihingi ng tawad.
Kahit isang libong piso lang ang dala niyang pera noon na nakalaan sana para sa grocery items na kailangan ng kaniyang buong pamilya, hindi siya nagdalawang-isip na iabot ito sa matanda at punasan ang mga luha nito.
Nang makita niya ang biglang pagliwanag ng mukha ng matanda dahil sa taos puso nitong mga ngiti, at sa higpit ng pagkakayakap nito sa kaniya, roon niya pinangako sa sariling hanggang nabubuhay siya, gusto niyang may mapangiting tao.
Kaya naman, kahit ngayong wala siyang trabaho dahil sa pand*mya, pilit pa rin siyang naglalaan kahit dalawang daang piso para sa mga taong maaari niyang tulungan.
Ngayong araw, napagdesisyonan niyang bumili ng ilang sabong panlaba sa isang grocery store malapit sa kanilang bahay. Mas mura kasi ang paninda roon kaysa sa mga sari-sari store kaya kahit iyon lamang ang bibilhin niya, nagtitiyaga siyang pumila roon.
Pagkapasok na pagkapasok niya sa naturang grocery store, agad na pumukaw sa kaniyang mga mata ang isang ginang na pinagkukumpara ang presyo ng bawat sardinas na nakahanay sa harap nito.
Doon siya agad na nagpasiyang ibili ito ng kahit anong sardinas na gusto nito. Dali-dali niya itong nilapitan saka agad na nilagyan ng mga sardinas ang basket na bitbit nito.
“Naku, hija, anong ginagawa mo?” gulat na tanong nito sa kaniya habang patuloy niyang nilalagyan ng mga delata ang basket nito.
“Huwag po kayong mag-alala, ako pong magbabayad niyan! May gusto pa po ba kayo? Huwag niyo na pong tingnan ang presyo, ako na pong bahala sa inyo!” masaya niyang sabi na talagang ikinangiti ng ginang dahilan para siya’y mapasabi ng, “Salamat naman, may napangiti ulit akong tao ngayong araw!” na ikinatawa naman ng ginang.
Kaya lang, nang babayaran niya na ang delatang pinamili niya para sa ginang, siya’y nagulat nang maglabas ito ng isang matabang pitaka at ito ang nagbayad sa lahat ng delatang nilagay niya sa basket nito pati na ang mga sabong panlabang pinamili niya kaya siya’y agad na nakaramdam ng kahihiyan.
“Naku, huwag niyo po sanang masamain ang kagustuhan kong tumulong, ha? Pasensya na po kayo, akala ko po kapos ang dala niyong pera kaya…” pagpapaliwanag niya na agad na pinutol ng ginang.
“Hindi mo na kailangang magpaliwag, hija. Sobra mo akong napasaya at napahanga! Maaari ko bang malaman kung anong pinagkakakitaan mo?” tanong nito sa kaniya.
“Ah, eh, sa katunayan po, wala po akong trabaho ngayon,” nahihiya niyang tugon.
“Ano? Wala kang trabaho pero handa ka pa ring tumulong sa ibang tao kahit hindi mo naman kakilala?” pagtataka nito.
“Gano’n na nga po. Gusto ko po kasing magpasaya ng tao sa abot ng makakaya ko,” nakangiti niyang sagot.
“Talagang pinapahanga mo ako, hija! Tutal, wala ka namang trabaho, baka gusto mong magtrabaho bilang sekretarya ko. Magpunta ka na lang sa kumpanya ko, ha?” wika pa nito sabay abot sa kaniya ng isang calling card na naglalaman ng mga detalye ng ginang.
“Diyos ko! Salamat po, ma’am!” mangiyakngiyak niyang sabi.
Doon na tuluyang bumuhos ang biyaya sa kaniyang buhay na para bang ang lahat ng perang nawala sa kaniya dahil sa pagtulong niya ay nabawi niya ng lahat at sobra-sobra pa!
Dahil nga mayroon na siyang sapat na pera ngayon, mas dumami na ang natutulungan niyang tao, dumami rin ang mga taong naimpluwensiyahan niyang tumulong sa iba at nangunguna na nga rito ang ginang na tinulungan niya na ngayon ay boss na niya.