Inday TrendingInday Trending
Pinagsalitaan ng Masasakit ng Dalagang OFW ang Ina Nang Malamang Ginastos sa Walang Katuturan ang Ipinapadala Niyang Pera; Mali Pala ang Bintang Niya

Pinagsalitaan ng Masasakit ng Dalagang OFW ang Ina Nang Malamang Ginastos sa Walang Katuturan ang Ipinapadala Niyang Pera; Mali Pala ang Bintang Niya

Magsasampung taon nang nagtatrabaho sa Amerika si Carissa, noong una ay waiter lang siya sa pinapasukang restawran sa California pero nang magtagal ay naging manager na siya. Pinagbutihan niya kasi ang trabaho bukod sa masipag siya at madiskarte. Ang lahat ng sinusuweldo niya ay ipinapadala niya sa mga magulang. Malaki ang sahod niya sa ibang bansa kaya natitiyak niyang tuwang-tuwa ang mga ito.

“Inay, piktyuran niyo naman ang eatery natin at pa-send sa akin. Napinturahan na ba ‘yung pader? Nakabili na ba kayo ng mga gamit sa pagluluto? Maganda sana kung magkapareho ang kulay ng mga mesa at upuan,” sabi niya nang tumawag siya sa ina sa selpon.

Kasalukuyan siyang nag-iimpake ng gamit, sosorpresahin niya ang mga magulang sa pagbisita niya sa Pilipinas. Lingid sa mga ito ay ngayon ang flight niya pabalik sa bansang sinilangan. Matagal na niya itong pinagplanuhan kaya sabik siya.

“O-oo, anak, huwag kang mag-alala, lahat ng bilin mo tungkol sa pagpapagawa sa eatery ay maayos na. Sige, mamaya sabihin ko sa kapatid mo na piktyuran itong eatery tapos ay isend sa iyo. Mas magandang kumuha ng litrato ‘yon, eh. Alam mo naman ang nanay mo, hindi masyadong marunong sa selpon,” sagot nito.

Ilang sandali pa ay tinapos na nila ang tawag. Makalipas ang ilang oras, ang laki ng ngiti ni Carissa nang muling makatapak sa sariling bayan.

Maraming taon na ang lumipas, ang dami nang nagbago. Papunta siya sa Amerika noon at walang-wala siyang pera. Mahirap lang ang kanilang pamilya at iginagapang lang kaniyang mga magulang ang pag-aaral nilang limang magkakapatid. Ngayon na may maganda na siyang trabaho ay naipagpatayo na niya ng malaking bahay ang mga ito. Ipinagpatayo rin niya ng negosyo ang kaniyang ina, ang maliit na eatery na matagal na niyang pangarap para rito. Magaling kasi magluto ang nanay niya at matagal na nitong gustong magkaroon ng eatery. Sabi ng nanay niya ay matatapos na ito kaya nais na niya itong makita, ang isa sa katas ng pinaghirapan niya.

Pagkagaling sa airport ay pumara siya ng taxi at nagpahatid sa kanila. Pagdating niya ay laking pagtataka niya, nasaan ang eatery na ipinapagawa niya? Sabi niya sa mga magulang ay dapat katabi iyon ng bago nilang bahay. Pero bakit wala?

“Teka, totoo ba ito? Ang eatery ni nanay, nasaan? H-hindi pa ba nasisimulan?” naguguluhang tanong niya sa isip.

“Joyce, nasaan ka na ba? Luto na ang caldereta, halika na’t kakain na tayo!” sabi ng nanay niyang palabas para tawagin ang kapatid niya pero nanlaki ang mga mata nito nang makita siya.

“C-Carissa, anak? Naku, anak ko!” tuwang-tuwang sabi nito at niyakap siya, pero naging matigas ang ekspresyon ng dalaga.

“N-Nasaan na ang eatery, inay?” tanong niya agad.

“Ha? A-ano kasi…”

“Inay naman! Saan niyo dinala ang pera ko?! Pinaghirapan ko lahat ‘yon! Akala ko hindi kayo tulad ng ibang magulang na naglulustay ng pera ng anak na OFW, pero ano ito? Inay, pinaghirapan ko ang perang iyon, dugo’t pawis ang pinuhunan ko para kitain iyon. Pinadala ko ang pera para may mapuntahan, para sa pangarap niyo, tapos malalaman ko na wala palang pinatunguhan lahat ng sakripisyo ko? Saang walang kabuluhang bagay niyo ginastos ang pera ko?” sigaw niya. Pinagtinginan tuloy sila ng mga kapitbahay.

Napatungo ang nanay niya at nanginginig ang mga balikat, halatang napahiya. Bigla na lang nangilid ang luha sa mga mata nito.

“O, bakit kayo umiiyak diyan? Bakit kayo nakatungo? Nahihiya ba kayo sa mga pinagagagawa ninyo? Kaya pala wala kayong sine-send na piktyur sa akin dahil wala naman pala ang eatery. Bakit niyo ako niloko, inay? Hindi na kayo naawa sa akin, hirap na hirap ako sa pagtatrabaho sa abroad tapos kayo puro pasarap lang dito!” dire-diretso siya sa pagsasalita.

“A-anak, magpapaliwanag ako…”

“Ano pang ipapaliwanag niyo, inay? Na manloloko kayo? Na mukha kayong pera? Wala kayong awa, inay, hinuhuthutan niyo lang pala ako habang nagtatrabaho ako sa ibang bansa samantalang kayo rito sa Pilipinas nagpapakasasa lang sa mga pinaghirapan ko. Sayang lang ang lahat ng pagod ko para sa inyo, binalewala niyo ang mga pangarap ko para sa inyo,” sabi niya bago tumalikod.

Napaiyak na lamang si Carissa nang nakasakay na ulit sa taxi, sa hotel na muna siya magpapalipas ng gabi. Ang akala niyang masayang bakasyon ay mauuwi lang pala sa galit at sama ng loob.

Kinaumagahan ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang ama. Nasa ospital raw ang nanay niya dahil tumaas ang presyon. Aba, nagsumbong pa sa tatay niya ang magaling niyang ina. Nadaan na naman nito sa drama ang uto-uto niyang tatay.

“Anak, parang awa mo na, dalawin mo naman ang nanay mo sa ospital. Hinahanap ka niya, ayaw niyang uminom ng gamot habang hindi ka nakikita. Kung sakaling may kaunti ka pang konsensya at pagmamahal sa kaniya, huwag mo naman siyang tiisin,” sabi nito.

Gusto niyang sumbatan ang ama tungkol sa ginagawan nitong pangungunsinti sa nanay niya pero tumahimik na siya. Naisin niya mang tiisin ang ina ay tila ba may kumurot sa puso niya kaya pumunta na rin siya sa ospital.

Hindi niya kinikibo ang ama at ang mga kapatid niya nang datnan niya ang mga ito sa ospital. Sa isip niya ay ang kapal ng mukha ng mga ito, matapos siyang huthutan at lokohin ay nagawa pa siyang konsensyahin. Dahil sa sobrang galit ay minabuti na niyang umalis pero pinigilan siya ng bunsong kapatid.

“Ate, sandali…hindi totoong niloko ka namin. Sa katunayan, ang lahat ng ipinapadala mong pera ay napunta lahat sa maganda. Ang eatery na ipinapagawa mo ay tapos na. Hindi nga lang ito itinayo sa tabi ng bahay natin dahil gusto ka naming sorpresahin sa iyong pagbalik. Ang ibang perang ipinadala mo’y nakatulong sa pagpapatayo ni tatay ng sarili niyang talyer, ginamit din namin iyon sa maintenance ni nanay sa high blood. Hindi na namin sinabi sa iyo na kailangan na niya ng maintenance na gamot dahil ayaw ka na niyang mag-alala. Ang sobra naman ay ipinasok namin sa bangko,” hayag ng dalagita.

Maya maya ay isinama siya nito sa isang lugar kung saan nakatayo ang eatery ng nanay niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita iyon. Hindi ito isang maliit na eatery gaya ng nasa plano niya kundi isang malaking restawran. Maganda ang pagkakagawa niyon at kumpleto na ang mga kasangkapan sa loob. Napahagulgol siya dahil maling-mali ang lahat ng ipinaratang niya sa nanay niya. Ang lahat pala ng ipindala niyang pera ay may napuntahan. Nais niya mang bawiiin ang masasakit na salitang nasabi niya rito ay tapos na iyon.

Nagmamadali siyang bumalik sa ospital at tumakbo sa gilid ng kama ng ina at halos lumuhod doon, walang tigil ang pagluha niya habang humihingi ng tawad.

Dahil may busilak na puso ang kaniyang ina ay pinatawad siya nito maging ng tatay niya at mga kapatid.

Bumawi siya sa kaniyang ina, siya ang nagbantay rito sa ospital. Matiyaga niya itong pinapakain at inaalagaan hanggang sa makalabas ito sa ospital. Makalipas ang ilang araw ay binuksan na nila ang restawran ng nanay niya at naging matagumpay ang unang araw nila. Mula noon ay binalik-balikan na ng mga kustomer ang restawran dahil sa sarap ng luto ng kaniyang ina. Nagbalik na rin siya sa Amerika para ipagpatuloy ang trabaho roon at nangako siya sa kaniyang pamilya na babalik ulit siya sa Pilipinas para magsama-sama ulit sila.

Advertisement