Ginaya ng Babae ang Hitsura at Pananamit ng Nasirang Asawa ng Kaniyang Mister; Nagulat ang Nanay Niya Nang Dumalaw Ito sa Bahay Nila
Isang taon nang kasal ang mag-asawang Lea at Jeremy. Hindi pa sila nabibiyayaan ng anak pero halata naman sa kanilang dalawa na maligaya sila kapiling ang isa’t isa. Isang mahusay na manunulat ng pocketbook si Lea at branch manager naman sa bangko si Jeremy.
“Alis na ako, sweetheart,” malambing na sabi ng lalaki sa kaniyang misis saka hinalikan ito sa pisngi.
“Okey, ingat ka ha?” sagot naman ng babae na inayos pa ang kurbata ng mister.
Bago lumabas sa pinto ay may pahabol pa si Lea.
“Ang paborito kong pasalubong na tsokolate ha? Huwag mong kakalimutan, sweetheart,” aniya.
“Aba, malilimutan kong kumain ng meryenda pero hindi ko malilimutan ang pasalubong mo,” tugon ni Jeremy.
Ang paborito niyang tsokolate ay kakambal na ng kaniyang pagkatao, tulad ng suot niyang salamin sa mata. Pati ang postura sa mukha, sa pananamit, ayos ng buhok, ay ang kaniyang kabuuan.
Habang nasakay na sa kotse si Jeremy ay hindi pa rin mawala sa mga labi niya ang labis na kasiyahan.
“Hindi nawala sa akin si Lea…hindi,” bulong niya sa isip.
Wala pang ilang minuto na umalis ang asawa ay may ‘di inaasahang bisita na dumating…
“Cristina! Cristina!” sigaw ng matandang babae sa labas ng gate.
Nang mapagsino ni Lea ang boses ay nagmamadali niya itong nilapitan, binuksan ang gate at pinapasok ang babae.
“I-inay! “
Tuwang-tuwa ang matanda nang makita siya.
“Anak ko! Cristina!” sabi nito saka mahigpit siyang niyakap.
“Ano pong ginagawa niyo rito sa Maynila? Paano niyong nalaman na dito ako nakatira?” sunud-sunod na tanong niya.
“Sinabi sa akin ng kaibigan mong si Cindy ang address mo dito kaya pinuntahan kita. Hindi mo man lang ako dinadalaw kaya kahit malayo itong Maynila sa Bukidnon, tiniis ko ang biyahe makita ka lang,” naluluhang sabi ng ina.
Inanyayahan niya sa loob ng bahay ang ina. Pinaupo niya sa malambot na sofa ang matanda at binigyan ng malamig na juice at egg sandwich.
“Pasensya na ho kayo, inay. Medyo abala ako sa trabaho. Madami kasi akong deadline na tinatapos sa publishing, eh,” sagot niya.
“Ayos lang sa akin, anak. Naiintindihan ko naman. Sobra lang kitang na-miss kaya dinalaw kita rito,” wika pa ng ina.
Pero tila may napansin ang nanay niya.
“Nakasalamin ka na pala…malabo na ba ang mga mata mo?” tanong nito.
“A, eh…o-oho, i-inay,” nauutal niyang sagot.
“Pati ang malago at mahaba mong buhok, pinutulan mo. Sayang, bagay na bagay sa iyo ‘yon, anak,” puna pa nito.
“A, eh…m-mainit po kasi inay,” aniya.
Pilit na umiwas si Lea sa ganoong usapan…
“I-inay, punta lang ho ako sa kusina. Maghanda ako ng pananghalian para sa atin,” palusot niya.
“Gusto mo tulungan kita?” tanong nito.
“Ay, huwag na inay. Maupo na lang ho kayo diyan. Bisita ko kayo,” pagtanggi niya.
Pagkatalikod ni Lea ay muling iginala ng kaniyang ina ang mga mata sa loob ng bahay. Napansin nito ang isang larawan sa nakasabit sa dingding. Lumapit ang ginang, sinipat na mabuti ito.
“T-teka, sino ba ito? Si Cristina ba ito?” nagtatakang tanong sa isip.
Palibhasa ina, mahirap na dayain ang ginang.
“H-hindi ito ang aking anak. Hindi siya si Cristina,” saad pa nito.
Ilang minuto pa ay muling nagbalik sa sala si Lea para bigyan muli ng maiinom ang ina.
“Inay, palamig ho ulit kayo,” aniya.
Nakita niya na umiiyak sa isang tabi ang nanay niya.
“B-bakit, inay? Bakit ho kayo umiiyak?”
Dahan-dahan itong lumingon sa kaniya.
“D-dahil naaawa ako sa iyo, anak.”
Nanlaki ang mga mata niya. “H-hindi ko kayo maintindihan, inay.”
“Naaalala mo ba ang sinabi ko sa iyo noon? Dumating sa probinsya natin noon ang Jeremy na iyon. Nakilala ka niya at niligawan. Masyado siyang masigasig sa iyo at walang araw na hindi ka niya dinadalaw sa bahay natin.”
Alam na ni Lea ang gustong tukuyin ng ina kaya inunahan na niya ito.
“Biyudo siya, inay, pero walang anak. At maniniwala kaya kayo kung sabihin kong kamukhang kamukha ko ang pumanaw niyang asawang si Lea? Hindi ko sinasadyang nakita ang litrato niya sa pitaka ni Jeremy. Talagang nagulat ako nang makita kong magkamukhang magkamukha kami,” sabi niya.
“Kaya ba ginaya mo ang ayos ng nasira niyang asawa? Pati salamin sa mata, maikling buhok at pananamit? Kaya ka siguro nagustuhan ng lalaking iyon ay dahil kamukha mo ang asawa niya at hindi ang iyong pagkatao, anak. Sabi ko na nga ba eh, nang makita ko ang larawang iyan sa dinging ay nagduda na ako na hindi ikaw ‘yan,” anito.
“Mahal ko si Jeremy, inay…mahal na mahal kaya handa kong gawin ang lahat para sa kaniya. Pati nga pangalan ng asawa niya’y ginagamit ko na rin upang mas lalo ko siyang mapasaya,” sabi niya na pinipigilan ang pagluha.
“Nakikita ko iyon, anak, dahil hindi mo naman iibahin ang sarili mo kung hindi, pero ang tanong ay kung mamahalin ka ba niya bilang si Cristina, ang totoong ikaw?”
“Kahit hindi mangyari iyon inay ay ipagpapatuloy ko pa rin ang gusto ko. Nagawa ko nang gayahin ang hitsura at pananamit ng kaniyang asawa dahil doon ako masaya. Mahal na mahal ko ang aking mister, kung saan siya mas liligaya ay maligaya na rin ako,” aniya.
Hindi niya inasahan ang malakas na sampal na dumapo sa kaniyang pisngi.
“Kaligayahang huwad? Isa kang hangal, g*ga!” malakas na sambit ng ina.
At doon ay hindi na niya natiis at napahagulgol na siya.
“Alam ko, inay, alam ko, pero anong magagawa ko? Nagmamahal lang ako, inay at alam kong kahit paano’y may nararamdaman din siya sa akin bilang si Cristina.”
Nilapitan siya ng kaniyang ina at niyakap.
“Kung talagang mahal ka niya, tatanggapin niya nang buong-buo ang iyong pagkatao, anak, nang wala kang ginagaya na kahit sino.”
Sa puntong iyon ay napagtanto ni Cristina na tama ang ina kaya sumama siya rito pauwi sa probinsya. Hindi siya nagpalaam sa kaniyang asawa at nag-iwan lang ng sulat.
Pero ilang araw na ang nakalipas ay hindi pa rin siya tinatawagan at sinusundo ni Jeremy.
“Hindi pa rin siya pumupunta rito, inay. Kahit tawag ay wala. Ibig sabihin ba’y hindi niya talaga ako mahal?” malungkot na sabi ni Cristina sa ina.
“Mahirap talagang tanggapin ang mapait na katotohanan, anak, pero asawa ka na niya, alam kong hindi ka niya kayang tiisin habang buhay. Malilimot din niya ang namayapa niyang asawang si Lea, pagdating ng panahon,” sagot nito.
Nang sumunod na araw ay nagulat si Cristina dahil paglabas niya sa kanilang bahay ay naroon si Jeremy, nakatayo at may dalang pumpon ng mga bulaklak. Napansin niya na hindi iyon tulips na paborito ng yumao nitong asawa kundi mga pulang rosas na paborito niya.
“Bakit ka naman umalis nang hindi nagpapaalam sa akin, sweetheart? Labis mo akong pinag-alala. Nabasa ko ang iniwan mong sulat, oo, hanggang ngayon ay naiisip ko pa rin si Lea pero napagtanto ko na ikaw na ang aking asawa. Hindi mo na siya kailangang gayahin dahil ang totoo’y minahal kita hindi dahil kamukha mo siya, minahal kita dahil ikaw si Cristina. Bumalik ka na sa akin, mahal ko. Hindi ko na kakayanin kung pati ikaw ay mawawala pa sa akin,” naiiyak na sabi ng lalaki na lumuhod pa sa harap niya.
“J-Jeremy…”
Tumulo na rin ang luha sa mga mata ni Cristina. Hindi niya kayang tiisin ang mister, inalalayan niya ito sa pagtayo at niyakap nang mahigpit.
“Mahal din kita, mahal na mahal.”
Masaya naman ang kaniyang ina sa tagpong iyon. Tama ang sinabi nito, hindi siya matitiis ng asawa niya dahil napamahal na rin ito sa kaniya.
Muling sumama si Cristina sa Maynila at buhat noon ay ibinalik na niya sa dati ang hitsura niya. Mas ipinaramdam sa kaniya ni Jeremy ang pag-ibig nito kaya ilang buwan lang ay ipinagbubuntis na niya ang kanilang panganay. Mas lalong natuwa ang nanay niya nang malamang magkakaroon na ito ng apo.