Inday TrendingInday Trending
Nilayasan ng Mister ang Misis Nang Malamang May Iba Itong Lalaki; Makalipas ang Dalawang Taon ay Matutuklasan Niya ang Iba pa Nitong Lihim

Nilayasan ng Mister ang Misis Nang Malamang May Iba Itong Lalaki; Makalipas ang Dalawang Taon ay Matutuklasan Niya ang Iba pa Nitong Lihim

Masayang pumasok sa loob ng isang opisina si Cesar. Pupuntahan niya ang misis na si Janet at sosorpresahin ito. Bitbit niya ang kahon na may lamang cake at mga pulang rosas. Unang anibersaryo nila bilang mag-asawa.

“Good morning, nandyan ba si Ma’am Janet mo?” nakangiting tanong niya sa babaeng staff na nakasalubong niya, mataas ang posisyon ng asawa niya sa kumpanya, marketing manager ito at kilala na rin siya ng mga staff doon dahil palagi naman niyang sinusundo roon ang misis kapag uwian na. Ipinagmamalaki niya ang asawa dahil bukod sa matalino at maasikaso ay napakaganda rin nito kaya proud na proud siya. Siya naman ay freelance graphic artist, kahit tambak ang trabaho niya ay naglaan siya ng oras para sorpresahin ito.

“Nasa loob po, sir…p-pero b-busy po si ma’am dahil may meeting po with our boss, baka po pwedeng hintayin niyo na lang po dito sa lobby,” natatarantang sabi ng babaeng staff.

“Huwag kang mag-alala, hindi ko naman siya iistorbohin, eh, sosorpresahin ko lang, hindi naman ako magtatagal,” sabi niya saka nagdire-diretso na sa pagpasok sa opisina nito. Pero nabitawan niya ang bitbit na cake at bulaklak nang tumambad sa kaniya ang misis na na nakakandong sa isang lalaki at naghahalikan ang dalawa.

Namutla ang babae nang makita siya at nagmamadaling umalis sa kandungan ng lalaking kaharutan nito.

“H-Hey! It’s not what you think…”

Hindi napigilan ni Cesar ang sarili at sinuntok niya sa mukha ang lalaki. Lumupasay ito sa sahig at nahirapan nang makatayo. Pagkatapos noon ay tiningnan niya nang matalim ang kaniyang asawa at nagmamadali siyang umalis sa lugar na iyon.

Maya maya, ang gunita ni Cesar ay biglang bumalik sa kasalukuyan…

“Uy, pare…kanina ka pa nakatulala riyan. Hindi mo ba sasagutin ‘yang selpon mo? Kanina pa tumutunog, eh,” sabi ng kaibigan niyang si Henry na napalakas pa ang tapik sa balikat niya kaya muntik na niyang mabitawan ang hawak na selpon. Dalawang taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang eksenang iyon sa opisina ng dati niyang asawa.

“S-sorry,” tangi niyang nasambit. Hindi pa rin maalis sa isip niya si Janet kahit nagawa nitong magloko sa kaniya. Aaminin niya, hanggang ngayon ay mahal pa rin niya ang dating misis. Kaya nga hanggang ngayon, ang sakit sakit pa rin kapag bumabalik sa kaniya ang nakaraan. Ilang buwan niya itong hindi hinarap, umuwi siya sa probinsya dahil napag-alaman niyang hinahanap siya nito sa bahay nila sa Caloocan. Ngayon lang siya nakabalik muli sa Maynila dahil kahit papaano ay humihilom na ang sugat sa puso niya.

Saka niya ulit namalayan na may tumatawag pala. Sinagot niya ang ‘di kilalang numero.

“Hello?”

“C-Cesar? Anak? Si Papa Louie mo ito,” sabi ng lalaki sa kabilang linya, ito ang tatay ni Janet.

“P-papa? B-bakit ho?”

“Cesar, alam kong masama pa rin ng loob mo kay Janet,” bungad ng biyenan.

Hindi siya umimik, muling nagsalita ang biyenang lalaki. “Anak, naaksidente siya isang buwan na ang nakakaraan. Naratay siya sa ospital dahil sa coma at ngayong araw lang siya nagising pero maraming parte ng alaala niya ang hindi niya matandaan. Ang naaalala lang ay mag-asawa kayong dalawa. Pangalan mo lang ang naaalala niya kahit kami na mga magulang niya at iba niyang kapatid ay hindi niya kilala. Umiiyak siya, hinahanap ka niya. Ang sabi na lang namin ay nagtatrabaho ka sa malayong lugar kaya wala ka. May ipapakiusap sana ako sa iyo, sana Cesar kahit hindi pagmamahal, kahit awa na lang sana para sa anak ko. Dalawin mo naman siya. Sabi pa ng doktor, malaki raw ang maitutulong sa pagbalik ng mga alaala niya kung susuportahan natin siya. Nakikiusap ako sa iyo bilang ama,” wika nito sa kabilang linya.

Nang matapos ang pag-uusap nila, halo-halong damdamin ang naramdaman ni Cesar. Kahit masakit pa rin sa kaniya ay pumayag siya sa pakiusap ng kaniyang biyenan. Ang iniisip niya, paano kung bumalik na ang memorya nito at maalala ang kataksilang ginawa sa kaniya? Ano kaya ang mararamdam nito? Kahit siya, hindi niya alam kung paano pakikisamahan ang dating asawa.

Bago siya pumunta sa ospital, dumaan muna siya sa bakeshop at bumili ng paboritong chocolate cake ni Janet at bumili rin siya ng paborito nitong bulaklak na mga pulang rosas.

Pagdating niya roon ay dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kwarto at tumambad sa kaniya ang babae na may benda sa ulo. Napakaganda pa rin ni Janet. Hindi talaga nakakasawang pagmasdan ang mukha nito.

Nagliwanag ang mata nito nang makita siya,” Mister ko, gustung-gusto na kitang makita. Bakit ba ngayon mo lang ako dinalaw dito?” sabi nito at pilit na tumatayo sa higaan.

Muling bumalik sa alaala niya ang kataksilang ginawa nito sa kanya, dalawang taon na ang nakakaraan pero kahit walang kapatawaran ang ginawa nito noon ay nagsusumiksik pa rin sa puso niya ang pagmamahal sa kaniyang asawa. Kinilig nga siya nang sabihan siya nito ng ‘mister ko’. Pilit niya munang kinalimutan ang kirot na nararamdaman, ngumiti siya at nilapitan ang babae. Kahit hirap na hirap ay sinalubong siya ng yakap at halik nito.

“Diyos ko, sobrang miss na miss kita, mahal ko,” namamaos na sabi nito.

“N-namiss din kita,” nanginginig na sabi niya.

Dahil na rin siguro sa presensya niya ay napabilis ang paglabas ni Janet sa ospital. Isa na lang ang problema niya, baka mahulog na naman siya rito.

Para ituloy ang pagpapanggap ay umuwi siya sa dati nilang bahay kasama ang babae. Parang walang nagbago sa lugar, malinis at maayos pa rin iyon. Malinis talaga sa bahay si Janet.

Habang magkasama sila ng lalaki sa iisang bubong, hindi na napigilan ni Cesar at tuluyan na nang nabuhay ang damdamin niya ay Janet na matagal niyang tinimpi. Pero kadikit noon ang takot na baka pagbalik ng alalala nito’y iba na ang lahat. Sino ang makakapagsabi? Marami ang pwedeng mangyari sa dalawang taon na naghiwalay sila.

Isang araw, galing siya sa grocery. Namili siya ng mga sangkap sa pagluluto para sa paboritong ulam ni Janet. Nasa labas na siya ng pinto nang marinig niyang may kausap sa loob ang babae.

“Bakit ka na naman narito? Ikaw ang dahilan kung bakit iniwan ako ni Cesar! Ang lakas ng loob mo na pumunta pa rito!” galit na sabi ni Janet.

Pagbukas niya ng pinto ay nanlaki ang mga mata niya dahil may kasamang babae si Janet sa loob ng bahay. Gulat na gulat siya dahil kamukhang-kamukha ito ni Janet.

“A-anong ibig sabihin nito?!”

Nagulat din ang dalawa sa pagdating niya pero hindi na inaksaya ni Janet ang pagkakataon para sabihin na sa kaniya ang katotohanan.

“Cesar, siya si Jenica – ang aking kapatid, aking kakambal. Siya ‘yung sinabi ko sa iyo noon bago pa tayo ikasal na mayroon akong pasaway na kapatid na sa sobrang tigas ng ulo ay halos itakwil na ng aming mga magulang kaya ipinadala siya nina papa sa probinsya. Hindi ko naman inakala na babalik siya rito sa Maynila at gagawa ng gulo. Noong araw na pinuntahan mo ako sa opisina para sorpresahin ay naroon din ang kapatid ko. Nang malaman niyang may one-on-one meeting kami ng aking boss na si Mr. Cruz na crush na crush niya ay gumawa siya ng paraan para masolo ito. Pati ayos ko’t damit ay ginaya niya. Ikinulong niya ako sa CR at siya ang humarap kay boss. Dahil nga magkamukhang-magkamukha kami ay hindi siya nito nakilala at inakalang ako ang empleyado nito. Dahil malakas ang tama niya kay Mr. Cruz ay nilandi niya ito kaya nung pumasok ka sa opisina ko’y naabutan mo sila na naglalampungan. Ang kakambal ko ang nakita mo at hindi ako, Cesar. Nang dahil sa nangyari ay nawalan ako ng trabaho at nang malaman kong basta mo na lang akong iniwan nang hindi man lang ako nakakapagpaliwanag ay para akong namat*y sa sobrang sakit,” naluluhang sabi ni Janet.

“Tama ang sinabi ng kapatid ko. Wala siyang kasalanan, ako ang may kagagawan ng lahat. Nang dahil sa kalandian ko’y nasira tuloy ang pagsasama ninyo. Mula nang nangyari iyon ay hindi ako nagsasawang humingi ng tawad sa aking kakambal, umaasa na balang araw ay mapapatawad din niya ako. Sana ay mapatawad mo rin ako,” sabi naman ni Jenica sa sinserong tono.

“Mahal na mahal kita, Cesar. Pupuntahan sana kita noon sa probinsya niyo dahil hindi mo na rin sinasagot mga tawag at text ko sa iyo pero ito nga, naaksidente ako. Totoong na-coma ako, pero ‘yung alaala kong nawala ay gawa-gawa ko lang. Nakiusap ako kina papa, ayaw sana nila pero awang-awa na sila sa akin kaya pumayag na rin. Huwag mo na akong iwan ulit parang awa mo na, wala akong kasalanan,” sabi ni Janet na napahagulgol na.

Sa mga nalaman ni Cesar ay sobra siyang naawa kay Janet. Buong akala niya ay niloko at sinaktan siya nito pero inosente pala ang babae. Niyakap niya nang mahigpit si Janet at humingi siya ng tawad.

“Sorry, mahal ko, kung umalis ako’t lumayo sa iyo. Kung nalaman ko lang nang maaga ang totoo’y hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita,” wika ng lalaki sa misis.

‘Di nagtagal ay napatawad na rin nila si Jenica sa gulong ginawa nito. Makalipas ang ilang buwan ay nagdalantao na si Janet, ipinagbubuntis nito ang panganay nilang anak. Tuwang-tuwa naman si Cesar na buo na muli ang kanilang pamilya.

Nangako ang mag-asawa na kahit anong pagsubok pa ang dumating ay kakayanin na nila dahil pinagtibay sila ng pagmamahal at tiwala nila sa isa’t isa.

Advertisement