Inday TrendingInday Trending
Tinukso ng mga Pasahero ang Binata at Dalaga na Parehas Daw na Umiiyak sa Loob ng LRT; Sa Pagkapahiya ay Sabay na Umalis ang Dalawa

Tinukso ng mga Pasahero ang Binata at Dalaga na Parehas Daw na Umiiyak sa Loob ng LRT; Sa Pagkapahiya ay Sabay na Umalis ang Dalawa

Kasalukuyang nakasakay si Vienna sa LRT papuntang Baclaran.

“Hindi ko talaga mapigil ang luhang ito. Napakasakit ng ginawa sa akin ng hay*p na Macario na ‘yon. Tatlong taon sa abroad akala ko’y nag-iipon na para sa aming kasal, pero ang g*go, umuwi ditosa Pilipinas na may kasama nang asawa. Manloloko! Pinaasa lang niya ako!” buong hinanakit niyang sabi sa isip.

Matagal na silang magkasintahan ng lalaki. Nagpasiya itong magtrabaho sa Singapore para sa kinabukasan nila. Pinangakuan din siya nito na papakasalan siya pero habang nasa ibang bansa pala ang lalaki ay doon ito nambabae. Pinakasalan pa nito ang babae sa abroad. Nabalitaan niya namapera ang biyudang babae kaya pinatulan ng walanghiya niyang nobyo. Kaya ito, panay ang bagsak ng luha niya.

“Isinusumpa kita, Macario, isinusumpa kita!” sambit pa niya.

Nasa Vito Cruz na ang LRT nang sumakay ang isang guwapong lalaki, si Osmond. Mukha itong Koreano, singkit na singkit ang mga mata. Maputi at makinis din ang balat ng lalaki pero pagdating sa ilong ay namumula na dahil…

“L*ntek na sipon ito, o! Pati ulo ko’y ang bigat na tuloy,” inis na sabi nito sa sarili na walang tigil sa pagsinghot at pagpunas ng tisyu sa ilong.

Kung bakit naman kasi ang bakanteng upuan sa tabi ni Vienna ang napili niyang puwesto.

“Buti na lang pinauwi ako ni boss nang maaga. Baka lagnatin pa ako sa sipon na ito,” sabi pa sa isip ng lalaki.

Unang napuna ni Osmond ang dalagang katabi. Napansin nito na wala pa ring tigil ang pagpatak ng luha nito sa mga mata.

“Aba, umiiyak itong babaeng katabi ko. Ganda pa naman! Amo pa ng mukha,” aniya.

Dahil sa ayaw na mapahiya ang dalaga, binawi agad ni Osmond ang tingin, kunwari ay walang napansin pero singhot pa rin siya nang singhot. Siya naman ang napansin ni Vienna kaya napaligon ito sa kaniya.

“Ano ba namang mama ito…umiiyak din yata.”

At dahil malakas ang tunog ng singhot ni Osmond ay pumukaw ito ng atensyon sa ibang pasahero.

Kinalabit ng isang ale ang katabing babae.

“Uy, naririnig mo ba? May mga umiiyak o, sa kabilang upuan! Siguro magnobyo na nag-away,” usisa ng tsismosang ale.

“Talaga? Nasaan?” tanong ng babae.

Mula sa dalawang tsismosa ay pinagtinginan din ng iba pang pasahero sina Osmond at Vienna. Hindi lang simpleng tingin kundi malisyosong tingin.

“Diyos ko, inuusyoso na kami ng mga tao!” nahihiyang sabi ng babae sa isip.

Napakamot naman sa ulo niya ang lalaki.

“L*ntek na mga pasahero ito, a! Kung anu-ano ang iniisip.”

Biglang lumapit sa kanila ang isang may edad na pasaherong lalaki.

“Alam niyo para kayong sina Bea at John Lloyd,” anito.

“B-bakit naman ho?” nagtatakang tanong ni Vienna.

“Aba’y pareho kasi kayong mahusay sa drama at iyakan, eh. Tingnan ninyo, nakatingin na sa inyo ang mga pasahero sa patagisan ninyo sa pag-iyak diyan,” natatawang wika ng lalaki.

“Buwisit!” inis na sabi ni Vienna sa tinuran nito.

Sa sobrang inis naman ni Osmond, kahit wala pa sa Baclaran ay bumaba na siya sa LRT nang huminto ito sa sumunod na istasyon.

“Makaalis na nga rito! Asar!” bulong ng lalaki bago lumabas sa LRT.

Pero sa huling sandali, inisip niya ang magiging kalagayan ng hindi kakilalang dalaga.

“Baka lalo siyang tuksuhin pag iniwan ko rito. Kawawa naman.”

Kaya niyaya rin niya ito.

“Tara na, miss! Buti pa’y umalis na tayo rito.”

Dahil takot ring matukso ay sumama na si Vienna kay Osmond sa paglabas sa LRT.

“Ang mga tao talaga, ano? Ang totoo, hindi naman ako umiiyak, sinisipon lang ako kaya ako sumisinghot,” pagtatapat niya sa dalaga.

“Ganoon ba? Abut-abot talaga ang malas ko ngayon, sino naman ang hindi mapapaiyak sa pinagdaanan ko? Kaya hindi matapus-tapos ang luha ko kanina’y napakasakit kasi ng nangyari sa akin. Niloko lang naman ako ng nobyo ko, pinaaasang pakakasalan tapos ay malalaman kong iba pala ang pinakasalan,” sagot ng dalaga.

“Lahat naman ng tao ay may problema, kahit ako marami rin akong problema. Hindi naman masamang maglabas ng nararamdaman eh. Kung sa pag-iyak gagaan ang loob mo, walang masama roon,” wika ni Osmond.

Napangiti naman si Vienna. “Gusto ko siyang magsalita at magaan ang loob ko sa kaniya. Maamo rin ang mukha niya, napakaguwapo,” sambit ng dalaga sa isip.

“Nga pala ako si Osmond. Single, nagtatrabaho ako bilang office staff sa bangko,” pakilala ng lalaki.

“A-ako naman si Vienna. Isa akong guro sa hayskul,” tugon naman ng kausap.

“Ihahatid na kita sa inyo bago ako umuwi sa amin, pwede ba?” bigla na lang iyon lumabas sa bibig ni Osmond. Kahit siya ay nagulat sa sinabi niya. Akala nga niya ay tatanggi ito ngunit…

“W-why not? Hayaan mo, hindi ka na mapapahiya, hindi na ako iiyak, eh,” natatawang sagot ni Vienna.

Natawa na si Osmond.

“Okey! At ako naman, para hindi na singhot nang singhot. Papasok muna ako sa CR at aaregluhin itong namumula kong ilong.”

Napabungisngis si Vienna na halatang kinilig. “Okey rin.”

Mula noon ay naging malapit na magkaibigan ang dalawa na ‘di nagtagal ay nauwi rin sa pagkaka-ibigan. Si Osmond lang pala ang sagot sa sugatang puso ni Vienna dahil minahal siya nito nang sobra-sobra na hindi niya naranasan sa dating nobyo.

Advertisement