Hinusgahan ng Mag-Asawa ang Drayber Nila na Galing sa Kulungan; Ito Pala ang Magliligtas sa Kanilang mga Anak
May kaya sa buhay ang pamilya Regalado. Si Romano ay manager sa isang malaking kumpanya sa Pasig. Ang asawa niyang si Irenea ay propesora sa isang prestihiyosong unibersidad. Mayroon silang apat na anak na puro babae. Ang dalawa ay nasa hayskul at ang dalawa pa ay nag-aaral na sa kolehiyo.
Isang araw, kumatok sa pinto ng kanilang bahay ang isang lalaki, bitbit nito ang karatulang inilagay ni Irena sa labas. Matangkad ito, guwapo at matipuno ang pangangatawan. Pinagbuksan ito ng ginang.
“Magandang umaga po, ma’am. Nakita ko itong karatula na nangangailangan daw kayo ng drayber? Mag-a-apply po sana ako. Ako nga po pala si Ismael,” sabi nito.
“May experience ka na ba sa pagmamaneho, hijo?” tanong agad ng ginang.
“Apat na taon po akong nagmaneho ng taxi,” sagot ng lalaki.
Pagkatapos interbyuhin ni Irenea si Ismael, natiyak naman niyang may kakahayan nga ito sa pagmamaneho ng sasakyan kaya…
“Buweno, bumalik ka mamayang hapon para masubukan ka ng mister ko sa pagmamaneho.”
“Naku, maraming salamat po, ma’am.”
Kinagabihan, nag-uusap ang mag-asawa tungkol sa drayber.
“Gusto ko si Ismael, mahusay at maingat magmaneho ang batang iyon. Ano sa palagay mo, dear?” sabi ni Romano.
“Edi pag umpisahin mo na sa Lunes. Kailangang-kailangan na natin ang drayber, walang maghahatid at sundo sa mga anak mo sa eskwela,” tugon ni Irenea.
Tinanggap nila si Ismael bilang drayber ng kanilang pamilya. Mabait, magalang, masipag at magaling makisama ang lalaki kaya wala silang naging problema. Lumipas pa ang mga araw at tatlong linggo na ito sa kanila nang may matuklasan sila tungkol sa pagkatao ni Ismael. Pina-background check nila ito.
“Ex-conv*ct pala ang Ismael na ‘yon! Nabigyan lang ng parole!” gulat na sabi ni Irenea.
“Ang walanghiya, hindi man lang sinabi sa atin,” sambit naman ni Romano.
“At bakit naman niya sasabihin, e ‘di hindi sana siya natanggap. Sana noong una palang ay pina-imbestigahan na natin.”
“Tsk, tsk! Ang problema ngayon niyan kung pano natin siya paaalisin?”
“Hay, naku! Hindi ako papayag na manatili pa siya dito! Baka sa kaunting dipresensiya lang, saktan tayo o kaya’y nakawan,” nag-aalalang sabi ng ginang.
“Eh, kung bigla naman nating palayasin…baka magalit at gumanti sa atin,” sabi ng mister.
“Ano kaya kung i-report natin sa pulisyang pinagnakawan niya tayo? Tiyak na kulong siya,” suhestyon ni Irenea.
Napailing si Romano. “Masamang balak ‘yan, dear. Kasalanan na ang ganoon, isa pa, paano kung sa muling paglaya niya’y mas mabagsik na paghihiganti ang maisip niya laban sa atin?”
“Naku naman! Napakalaking problema nito! Kung anu-ano na tuloy ang naiisip ko,” inis na sabi ng misis.
Kaya hanggang sa opisina ay dala-dala ni Romano ang problema nilang mag-asawa.
“Paano kaya ang gagawin namin?” tanong niya sa sarili.
Samantala, si Irenea naman…
“Tandaan niyo, sa tuwing sasakay kayo sa kotse kailangan ay palagi niyo itong dala ha? Kapag lumuku-luko pukpukin niyo agad,” sabi niya sa mga anak at binigyan ang mga ito ng martilyo.
Kinagabihan naman…
“O, bakit narito kayong lahat sa kwarto?” nagtatakang tanong ni Romano.
“Sabi po kasi ni mommy, dito kami matulog sa kwarto ninyo, eh,” sagot ng panganay nilang anak.
“Oo nga po, daddy. Si mommy ang nakaisip nito,” sabad ng bunso nila.
“Mahirap na, Romano. Mga babae pa naman ‘yang mga anak mo. At subukan lang niyang pumasok dito at naku, sasamain talaga siya sa amin!” wika ni Irenea saka ipinakita sa mister ang martilyo, mga kahoy na pamukpok at iba pang bagay na pwedeng makapanakit na nakatago sa ilalim ng kanilang kama.
Kinaumagahan, nagulat ang mag-asawa…
“Romano! May nagkakagulo yata sa kanto, a!” sabi ni Irenea sa mister.
“Oo nga. Ano kaya iyon?”
Maya maya pa ay tinawag sila ng isa sa mga kapitbahay nila.
“Naku, Mister Regalado! ‘Yung drayber ninyo!” sigaw nito.
“Ha? Bakit a-anong nangyari?” gulat na tanong ng lalaki.
May kaguluhan daw na kinasangkutan ang kanilang drayber kaya mabilis na sumugod sa kanto ang mag-asawa.
“Bilisan mo, Romano! Kasama pa naman ng hay*p na ‘yon ang mga anak ko!” sabi ni Irenea na parang sasabog na ang dibdib sa sobrang nerbiyos.
Ilang minuto lang ay narating na nila ang lugar kung saan naroon ang mga anak. Agad silang sinalubong ng mga ito.
“Mommy, daddy!”
“Mga anak ko! Anong nangyari sa inyo?” nag-aalalang tanong ni Irenea.
“Mommy, daddy, tulungan po natin si Kuya Ismael. Dalhin po natin siya sa ospital!” sabi ng panganay nilang anak.
May mga pulis na palang dumating doon.
“Kami na po ang magdadala sa kaniya sa ospital, misis. Huwag na kayong mag-alala,” wika ng isa sa mga alagad ng batas.
“Teka, a-ano ba talaga ang nangyari?” nalilitong tanong ni Romano.
“Pauwi na po kami nang ihinto ni Kuya Ismael sandali ang kotse at nagpaalam sa amin na bibili lang siya ng sigarilyo sa tindahan pero may mga dumating na mga armadong lalaki at nakursunadahan kami, pumasok pa nga sa kotse ‘yung isang sigang maton. Ipinagtanggol kami ni Kuya Ismael sa mga nakakatakot na lalaking iyon, pero may dalang patalim ‘yung isa kaya nasugatan niya si Kuya Ismael sa tagiliran. Walang naglakas loob na umawat, mabuti na lang at may tumawag ng mga pulis. Iniligtas niya kami sa kapahamakan, mommy, daddy, mabuting tao si Kuya Ismael, ‘di tulad ng iniisip natin,” sabi ng panganay nila.
Sa nalaman nina Irenea at Romano ay napagtanto nilang hindi porket galing sa kulungan si Ismael ay asal krim*nal pa rin ito. Napatunayan nila na mali pala ang ginawa nilang panghuhusga sa pagkatao nito. ‘Di nila inakala na ito pa ang magliligtas sa mga anak nila. Pinagsisihan nila ang mga masasamang salita na binitawan nila sa lalaki at ipinangako na hihingi sila ng tawad dito.
“Tara na sa ospital, puntahan natin si Ismael. Kumustahin natin ang lagay niya at para makapagpasalamat na rin tayo sa kaniya nang personal. Pero bago iyan, dumaan muna tayo sa grocery at ipamili natin siya ng makakain,” wika ni Romano.
“Edi hindi na natin siya paaalisin, daddy, mommy?” tanong ng kanilang bunsong anak.
“Hindi na, anak. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya. Ngayon ay tayo naman ang babawi sa kaniya,” sagot ni Irenea.
Mula noon ay hindi na nila pina-isipan pa ng masama si Ismael at itinuring na nila itong parte ng kanilang pamilya. Sinuklian naman ng lalaki ng katapatan ang maganda nilang pakikisama rito.
Iwasan ang maging mapanghusga sa kapwa dahil hindi lahat ng nanggaling sa madilim na nakaraan ay nananatili pa rin sa dilim, ang iba ay mas piniling magtungo sa liwanag para sa habang buhay na pagbabago.