Inday TrendingInday Trending
Hindi Kailanman Nagustuhan ng Kaniyang mga Magulang ang Lalaking Pinili Niyang Mahalin; Ito ang Magiging Sukli ng Pagsuway Niya sa Magulang

Hindi Kailanman Nagustuhan ng Kaniyang mga Magulang ang Lalaking Pinili Niyang Mahalin; Ito ang Magiging Sukli ng Pagsuway Niya sa Magulang

Mahihinang katok sa pintuan ang nagpabalikwas ng bangon kay Charie, sinundan pa iyon ng boses ng kaniyang inang kahit hindi man niya nakikita ang mukha ay nararamdaman niya ang labis na pag-aalala sa kaniya.

“Charie, gising ka na ba, anak? Maaari mo bang buksan ang pinto?” pakiusap ng ina.

Ilang araw na nga ba mula noong umuwi siya sa bahay nila kasama ang dalawang anak at piniling magkulong mag-isa sa silid at ipinaubaya na muna ang pangangalaga ng mga anak sa kaniyang mga magulang at kapatid? Hindi kataka-takang nag-aalala na ang mga ito sa kaniya, imbes na magmatigas pa’y tumayo siya at pinagbuksan ito.

“Mi,” mahina niyang usal, na ang ibig sabihin ay “mommy”.

“Hindi ka pa ba nagugutom? Kahapon ka pang hindi nagbubukas ng pintuan mo, anak, nag-aalala na ang papa mo, kaya inutusan niya akong akyatin ka’t hikayating bumaba na’t kumain,” anang ina.

Pilit itinatago sa ngiti ang lungkot, ngunit hindi nito kayang itago ang mangiyak-ngiyak na mga mata nang makita siya.

Nahahapo siyang ngumiti at niyakap ang ina. Hindi niya dapat dinadamay ang pamilya sa pagiging miserable niya, walang kasalanan ang mga ito sa kung ano man ang nararanasan niya ngayon. Una pa lang ay binalaan na siya ng kaniyang ina at ama, na baka dumating ang araw na pagsisihan niyang ipinaglaban niya ang asawang hindi nakikitaan ng mga itong tunay siyang mahal. Ngunit kaysa pakinggan ang mga ito’y mas pinakinggan niya ang sinasabi ng kaniyang puso.

Hindi naging madali ang pagsasama nila ni Thomas, umiiyak ang araw kapag hindi sila nagbabangayan. Halos araw-araw niyang tinatanong sa sarili kung totoo ngang nagmahalan silang dalawa. Pakiramdam niya’y nakikisama na lang ito sa kaniya dahil sa anak nila, hanggang sa isang araw nang hindi sinasadya’y nahuli niya itong may kasamang ibang babae.

Malayo sa kung paano siyang tratuhin ng asawa, nakita niya kung paano nitong alagaan at ingatan ang babaeng kasama, samantalang kapag siya ang kasama nito ay wala itong pakialam kung madapa siya o mapaano. Todo alalay ito sa babae, kulang na nga lang ay buhatin pa nito.

At ang mas masakit ay hindi man lang nito itinanggi ang paratang niya, taas noong inamin ni Thomas na nobya nito ang babaeng kaniyang nakita at mahal nila ang isa’t-isa. Sinabi pa nitong nakikisama na lang ito sa kaniya at nahihiya lamang na makipaghiwalay, pero sa totoo lang ay hindi na siya ang minamahal nito. Oramismo’y nakipaghiwalay siya rito at umuwi sa kanila.

“Tama ang sinabi mo noon mi,” aniya habang nakayakap sa ina. “Sana pala’y pinakinggan ko kayo noon, hindi ko sana nararanasan ang nararanasan ko ngayon,” dugtong niya habang patuloy sa pag-iyak.

Naramdaman niya ang kamay nitong magaang humahaplos sa kaniyang likuran, kaya mas lalo lamang siyang naiyak. Ilang araw na siyang umiiyak, hanggang kailan ba siya mapapagod sa pag-iyak?

“Wala naman talagang pagsisisi na nauuna, anak,” anito. “Kahit naman pukpukin ka namin ng papa mo noon, wala naman kaming magagawa sa desisyon mo, kaya hinayaan ka namin. Ngayong nangyayari ang lahat ng ito’y nandito kami upang saluhin ka, dahil talikuran ka man ng lahat, iwanan ka man ng lahat, kami ng papa mo’t mga kapatid mo’y hindi ka namin iiwan, anak. Kasi mahal ka namin, mahal kita hindi dahil ikaw ang pinakapaborito kong anak, kung ‘di dahil ikaw ang mas karapat-dapat bigyan ng pagmamahal na iyon,” puno ng emosyong wika ng kaniyang ina.

“Pasensya ka na kung hindi iyon naibigay ni Thomas, sa’yo. Pero anak, hindi mo kailangang manlimos ng pagmamahal sa kahit kaninong lalaki, dahil handa kaming ibigay ang pagmamahl na iyon nang hindi mo kailangang lumuhod at magmakaawa. Tama na ang panlilimos mo ng pagmamahal kay Thomas, mahal ka namin ng papa mo, ng mga kapatid mo at ng mga anak mo, siguro naman ay sapat na ang pagmamahal na iyon upang bumangon at humarap sa mundo kahit wala na ang asawa mo,” anang kaniyang ina.

Mas lalong humagulhol ng iyak si Charie, tama ang ina. Sa loob ng ilang taong pagsasama nila noong ni Thomas, palagi na lamang siyang nanlilimos ng pagmamahal dito. Nakalimutan niyang mahalin ang sarili at nakalimutan niyang may mga tao pala sa paligid niyang totoo siyang mahal, gaya ng kaniyang pamilya at ng kaniyang mga anak.

Muli niyang niyakap ang ina at humagulhol ng iyak. “Salamat po, salamat at nand’yan lang kayo palagi, nand’yan kayo upang alalayan ako sa’king pagbagsak at patawarin niyo ako mi, kasi sinuway ko kayo para sa lalaking hindi naman ako pinahalagahan,” umiiyak niyang wika.

Pangako niya sa sariling ito na ang huling niya. Bukas ay babangon siya at muling magsisimula sa kaniyang panibagong buhay, kasama ang kaniyang buong pamilya at mga anak. Tama ang kaniyang ina, hindi lamang si Thomas ang kaniyang mundo, hindi niya kailangang parusahan ang sarili habang buhay.

Nagkamali siya noong magdesisyon siyang ipaglaban ito, at marami pa siyang panahon upang itama ang pagkakamaling iyon at sisimulan niya iyon sa pagbibigay halaga sa kaniyang sarili at alam niyang susunod na ang iba. Sigurado siya. Para sa anak at pamilya, kakayanin niya.

Advertisement