Naalimpungatan ang Lalaki nang may Bumato sa Mukha Niya ng Payong Habang Nakasakay sa Bus; Isang Nagngangalit na Babae ang Biglang Nanigaw sa Kaniya
Malakas na giit ng pintuan sa bus ang nagpagising kay Dominic. Nakita niyang isa-isang nag-akyatan ang mga tao sa loob kaya umusog siya nang kaunti upang luwagan ang upuan at may pasaherong makaupo sa kaniyang tabi. Pagod na pagod si Dominic sa maghapoong trabaho at gustong-gusto na niyang mahiga’t matulog.
Lumalalim na ang kaniyang paghinga nang biglang magulat sa mabigat na bagay na tumama sa kaniyang mukha. Agad siyang napabalikwas at tiningnan kung sino ang bumato sa kaniya. Hindi siya sigurado kung ano iyong ibinato sa kaniya, ngunit masakit ang mukha niya at medyo nabasa rin siya, nang kaniyang yukuin ay saka niya nakumpirmang payong ang bagay na tumama sa kaniyang mukha.
“Sino ang bumato sa’kin?” tanong niya. Umaasa siyang may kahit isang tao man lang sanang umamin kung sino, ngunit nanatiling tikom ang bibig ng iilan, may isang babae pang tila tawang-tawa sa nangyari sa kaniya.
Yumuko siya’t pinulot ang payong na tumama sa kaniyang mukha. “Kanino ang payong na ito?” tanong n’ya.
“Akin na iyan!” hablot sa kaniya ng isang babae sabay irap. “Akin ang payong na ito. Bakit galit ka?” matapang na dugtong nito. “Hindi kita babatuhin kung may sarili kang kusa! Punong-puno na ang bus na ito, nakikita mo naman na may mga babaeng nahihirapang nakatayo, pero nagkukunwari ka pang natutulog d’yan, hindi ka na lang tumayo d’yan at ibigay ang pwesto mo sa mga babae! Diyos ko, talagang mga inutil na ang mga lalaki sa panahong ito!” mahabang komento nito.
Umuwang ang bibig ni Dominic upang sabihin ang nais na sabihin sa babaeng walang respeto na nga’y mapanakit pa. Hindi siya nagkukuwari, dahil totoong inaantok siya.
Ngunit ayaw niya ng gulo, maliit na bagay lang naman ang hinihingi ng babae sa kaniya, kung tutuusin ay pwedeng-pwede naman itong makiusap sa kaniya nang hindi nito ibinabato ang payong sa mukha niya. Kumilos siya upang tumayo at ibigay sa babae ang kaniyang inuupuan nang hawakan ng kaniyang babaeng katabi ang kaniyang kamay.
“Manatili ka lang sa inuupuan mo,” anito.
Marahas na napalingon si Dominic sa babaeng katabi dahil sa labis na pagkagulat. Hindi niya kilala ang babae, ngunit sa klase ng pananalita nito’y akala mo’y matagal na silang magkaibigan. Seryoso lamang ang mukha ng babae at gano’n rin ang boses nito.
“Alam kong pagod ka, kaya ipagpatuloy mo lang ang pag-idlip mo hanggang sa makarating ang bus sa pupuntahan mo. Huwag mo silang alalahanin, ano naman ngayon kung wala nang lalaking gentleman? Sa ugali ba nilang iyan, kailangan pa silang galangin?” anang babae.
Alam niyang pinaparinggan nito ang babaeng nambato sa kaniya ng payong, ngunit ang buong tingin nito’y wala sa gawi ng babae kung ‘di nasa kaniya. Pakiramdam ni Dominic ay nanigas siya sa kaniyang kinauupuan, at wala siyang maisip na sabihin.
“Kung tutuusin ay pare-pareho ang binabayad nating lahat sa bus na ito, magkano ba ang ipinamasahe mo?” tanong ng babae sa kaniya. Ngunit hindi pa man siya nakakasagot ay muli na itong nagsalita. “Nakatatak ba sa ticket mong kapag may babae kang nakitang nakatayo’y kailangan mong ibigay ang upuan mo sa kaniya? At kapag ibinigay mo ba ang upuan mo sa kaniya, mababawasan ba ang pamasahe mo? Magkaka-discount ka ba?” dugtong nito, ngunit sa pagkakataong ito ay nasa babaeng nambato sa kaniya kanina ang buong atensyon nito.
Hindi kayang ipaliwanag ni Dominic kung ano ang tamang eksplanasyon sa nararamdaman niya ngayon, masaya siya na parang kinakabahan. Masaya siya dahil ang sarap sa pakiramdam na may isang tao sa bus na iyon ang dinadamayan siya, kinakabahan naman siya sa isiping pwedeng mag-away ang dalawang babae.
“Alam mo miss, hindi mo kailangang manakit at mamahiya ng kapwa mo pasahero, simpleng pakiusap lang naman ay pwede na, hindi mo kailangang mangaral tungkol sa pagiging gentleman ng isang lalaki, kasi ikaw nga mismo sa sarili mo, hindi mo kayang maging mabuting tao sa iyong kapwa,” diretsong litanya ng babaeng katabi sa babaeng nambato ng payong.
Agad naman iyong sinang-ayunan ng lahat. Sa totoo lang ay lihim na umiiyak ang puso ngayon ni Dominic dahil sa ginawa ng babaeng katabi. Hindi niya inakalang ganito kasarap sa pakiramdam kapag may isang taong ipinagtatanggol ka, at ang mas nakakasaya ay hindi niya ito kilala.
“Tandaan mo ito, hindi mo alam ang kwento ng bawat taong nakakasalamuha mo. Matuto kang rumespeto, at magbigay galang, makipagkapwa-tao ka, iyon ang kulang sa’yo,” anang babae saka inirapan ang babae at saka umayos ng upo at nilingon siya’t nginitian nang matamis na para bang sinasabi nitong wala nang problema.
Yumuko siya upang magbigay galang sa mabait na babae, hindi na niya nagawang kunin ang pangalan nito, pero alam ng Diyos na labis ang pasasalamat niya sa babae. Nakita niya kung paanong napahiya ang babaeng nambato ng payong sa kaniya kanina. Simple lamang ang bawat katagang binitawan ng babae, ngunit sapat iyon upang masaktan ang eskandalosang babae.
Huwag daanin sa init ng ulo ang lahat, dahil mas lalong walang nareresolbang problema kapag galit ang inuna.