Inday TrendingInday Trending
Nais ng Binata na Magpapayat Ngunit Pinagtatawanan Lang Siya sa Gym; Dahil sa Lalaking Ito’y Matutupad ang Kaniyang Pangarap

Nais ng Binata na Magpapayat Ngunit Pinagtatawanan Lang Siya sa Gym; Dahil sa Lalaking Ito’y Matutupad ang Kaniyang Pangarap

“Bakit mukhang pinagsakluban ng langit at lupa ang mukha mo, anak? Ayaw mo ba ng pagkain sa restawran na ito?” tanong ni Samuel sa binatang anak na si Jake.

“H-hindi po, ‘pa. Masarap po ang mga pagkain dito,” tipid na tugon ng anak.

“E, bakit ganyan ang itsura mo, anak? May bumabagabag ba sa iyo?” tanong muli ng ama.

Hindi alam ni Jake kung paano sasabihin sa ama ang nangyari kanina sa eskwelahan. Halos lahat kasi ng kaniyang kaklase ay pinagkakaisahan siya dahil sa bigat ng kaniyang timbang.

“Aminin mo sa akin, Jake! Kabisado kita, anak, alam kong may gumugulo sa isipan mo. Tinutukso ka na naman ba ng mga kaklase mo?” saad muli ni Samuel.

“Siguro, ‘pa, hindi na lang po muna ako kakain ngayon. Pasensya ka na po pero ikaw na lang po ang umorder ng pagkain,” malungkot na tugon ng binata.

Naaawa naman si Samuel sa anak dahil buong buhay nito’y palagi na lang itong tinutukso. Noon pa man ay may katabaan na talaga itong si Jake. Upang maibsan kasi ang kalungkutan mula sa pagkawala ng ina’y itinuon nito ang atensyon sa pagkain – ngunit hindi naging maganda ang resulta nito.

Naging tampulan tuloy siya ng tukso. Maraming masasakit na salita ang kaniyang naririnig sa mga kaklase. Nais man niyang pigilan ang sarili’y lalo lang siyang napapalakas ng kain kapag nalulungkot.

Hanggang sa mismong babaeng kaniyang natitipuhan ang magsalita ng masakit laban sa kaniya. Dito na siya nagising sa katotohanan.

Hindi na kumain ang mag-ama sa naturang restawran. Kung ayaw kumain ni Jake ay hindi na rin kakain pa si Samuel.

Habang naglalakad pabalik ng sasakyan ay napahinto si Jake sa isang gym. Tiningnan niya ang ideyal na katawan ng mga kalalakihan. Ibang iba ito sa katawang mayroon siya kaya lalo siyang nanlumo.

“P’wede bang tumabi ka riyan ay hinaharangan mo ang pinto?! Gusto naming pumasok!” pagtataray ng isang babae.

“Hindi bagay ang katulad mo sa gym na ‘yan. Nakita mo ba ang katawan namin? Kahit anong gamit d’yan ay wala nang pag-asang lumiit ang katawan mo. Kung ako sa iyo’y magpaopera ka na lang, baka may pag-asa ka pa!” kantiyaw ng isang lalaki sabay tawa.

Nahabag si Samuel sa kaniyang anak habang nasaksihan niya mismo ang panghahamak sa kaniyang anak. Lalo namang pinanghinaan ng loob si Jake.

“Siguro nga ay wala nang pag-asang magbago pa ang katawan ko. Siguro nga ay talagang ganito na lang ako. Tara, daddy, at bumalik na lang tayo sa restawran,” giit ni Jake.

Pero alam ni Samuel na sa loob nito’y taliwas ang kaniyang sinasabi.

“Anak, huwag mong pakinggan ang mga taong iyon. Kaya mo ring pababain ang timbang mo basta’t simulan mong mag-ehersisyo. Tandaan mong hindi mo ito ginagawa para magustuhan ka ng iba. Ginagawa mo ito para sa iyong sarili. Hindi rin kasi maganda ang masyadong mabigat ang timbang dahil baka magkaroon ka ng maraming sakit,” paliwanag ng ama.

Ngunit para kay Jake ay imposible nang magbago dahil kung pupunta siya sa gym ay pagtatawanan lang siya ng mga tao.

Naging masigasig naman si Samuel sa pag-enganyo sa anak na mag-ehersisyo.

“Humanap ka na lang ng ibang gym. Kung pinagtatawanan ka nila’y huwag kang mahiya. Naroon ka para ayusin ang iyong sistema. Kapag napagtagumpayan mo ‘yan ay mapagtatagumpayan mo rin ang iba pang hamon sa buhay mo,” saad ng ama.

Tiningnan ni Jake ang kaniyang sarili sa salamin. Doon niya napagtanto na tama ang ama. Kaya naman nilakasan niya ang kaniyang loob at nagtungo sa gym. Sa pagkakataong ito’y desidido na siyang magpapayat.

Pagpasok pa lang ni Jake sa naturang gym ay nagtinginan na ang lahat sa kaniya. Ang iba’y hindi naman mapigilan ang tawa.

“Dapat ay sa doktor na siya pumunta. Wala nang pag-asa ang ganyang kataba!” saad ng isang lalaki.

“Siguro pati mga kamag-anak niya’y kinain na rin niya sa sobrang taba niya,” natatawang saad naman ng isang mayabang na lalaki.

Mabuti na lang at hindi ito narinig ni Jake dahil sa headset na nasa kaniyang tenga.

Nilakasan niya ang kaniyang loob saka lumapit sa isang instructor para magpaturo.

Hindi na makapag-ehersisyo ang lahat dahil sa pagsubaybay sa ikinikilos ni Jake. Maya-maya ay may dumating na isang lalaki at nakasuot ito ng costume ng superhero.

Lahat ay napatingin at nagtawanan.

“Ano ba naman ang nangyayari sa gym na ito? Pakulo lang ba ito?” nagtataka na ang isang kliyente doon. Lahat ay nagtinginan sa lalaking naka costume at pinagtatawanan nila ang mga ginagawa nito. Sa halos araw-araw na naroon ang lalaki ay iba’t iba rin ang costume na ginagamit nito. Marami na ang nagtatanong ngunit iwas itong magpakilala.

“Huwag n’yo akong pakialaman dahil ito ang gusto ko. Komportable ako sa suot ko,” saad pa ng lalaki.

Maging si Jake ay nagtataka na rin sa wirdong lalaking iyon. Ngunit mabuti na lang at naroon nga ang lalaking naka-costume dahil doon ay napagtuunan niya ng pansin ang pagpapababa ng timbang at hindi ang panghahamak sa kaniya ng ibang tao.

Lumipas ang halos anim na buwan ay malaki na ang naging pagbabago sa timbang ni Jake. Maging ang ibang kasama niya sa gym ay nagulat din sa pagbabagong ito.

“I-ikaw ba ‘yung matabang pumasok dito dati? Hindi ka na namin nakilala,” saad ng babaeng nangutya noon kay Jake. “Sa totoo lang ay may itsura ka pala,” dagdag pa nito.

Lahat ng mga kababaihan ay humahanga na ngayon kay Jake.

Habang pinagkakaguluhan ang binata ay nakita nito ang lalaki na paalis na ng gym. Hinabol niya ito upang kausapin.

“Kung sino ka man, nais kong magpasalamat sa iyo. Nang dahil sa ginawa mong pag-eehersisyo ng nakacostume ay nawala ang atensyon nila sa akin at nabaling sa iyo. Dahil doon ay napagtagumpayan ko ang dapat kong gawin nang hindi iniisip ang kanilang pangungutya. Sana’y kagaya mo ako na malakas din ang loob,” sambit ni Jake.

Tumango lang sa kaniya ang lalaki.

“P’wede ba akong makahingi ng pabor, ginoo? Maaari ko po ba kayong makilala?” dagdag pa ng binata.

Dahan-dahang tinanggal ng ginoo ang kaniyang maskara. Nagulat naman si Jake sa kaniyang nakita.

“P-papa?! Bakit mo ginawa ang bagay na ito?” naluluhang sambit ng anak.

“Tulad ng sinabi mo, hindi ko rin kaya na kutyain ka ng ibang tao nang dahil lang sa iyong timbang. Gusto kong mabaling ang atensyon nila sa akin nang sa gayon ay hindi nila maabala at maantala ang nais mong marating. Ngayong malaki na ang pinagbago mo, anak, ay binabati kita. Nakaya mo dahil nagpursige ka!” sambit naman ni Samuel.

Napayakap si Jake sa kaniyang ama. Hindi niya lubos akalain na kaya nitong gawin ang ganitong bagay para lamang sa kaniya.

“Huwag mong yakapin ang isang lalaking nakacostume sa daan, baka pagtawanan ka! Bumitiw ka na, anak!” sambit ni Samuel.

“Salamat, ‘pa! Salamat at lagi kayong nakasuporta sa akin. Napakaswerte ko at ikaw ang ibinigay sa akin ng Diyos upang maging tatay ko,” wika naman ni Jake.

Mula noon ay inaalagaan na ni Jake ang kaniyang katawan. Tanging masusustansyang pagkain na lang ang kaniyang kinakain at nasa moderasyon ang lahat. Madalas pa rin siyang nasa gym upang mag-ehersisyo. Marami man ang nagkakagusto sa kaniya’y mas nangingibabaw na sa kaniya ang babaeng hindi tumitingin sa panlabas na anyo.

Malaki pa rin ang pasasalamat niya sa ibang klaseng suporta at pagmamahal ng kaniyang ama.

Advertisement