Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Ama sa Nobyo ng Anak na Galing Bilangguan; Bandang Huli’y Ito ang Kinahantungan ng Pagsasama ng Dalawa

Tutol ang Ama sa Nobyo ng Anak na Galing Bilangguan; Bandang Huli’y Ito ang Kinahantungan ng Pagsasama ng Dalawa

Dumating na ang araw na pinangangamabahan ng doktor na si John — ang umibig ang kaisa-isa niyang anak na si Sophia. Bilang nag-iisang anak kasi ay mataas ang pangarap niya para rito. Sa totoo lang ay hindi na nito na-enjoy pa ang kabataan dahil de numero ang bawat kilos nito. Mula noon kasi’y inihahanda na ng ginoo ang kaniyang anak upang sumunod sa kaniyang yapak.

“Hindi mo prayoridad ang pagkakaroon ng nobyo ngayon, anak. Dalawang linggo na lang at aalis ka na ng Pilipinas para pumuntang Amerika upang mag-aral,” mariing sambit ni John.

“Hindi ko naman po sinasabing hihinto ako sa pag-aaral ng medisina, dad! Ang sinasabi ko lang po ay baka p’wede n’yo naman akong bigyan ng pagkakataon para lumabas at makakilala ng ibang tao,” sambit ng Sophia.

“Siya nga naman, John, hayaan mo na si Sophia. Mabuti naman siyang anak sa atin. Lahat ng sabihin natin sa kaniya ay sinusunod niya. Huwag mo na siyang pigilan pa, John, kahit ngayon lang,” saad naman ng misis na si Linda.

“Alam mo ba kung ano ang sinasabi mo, Linda? Nais mo bang hayaan ko itong Sophia na basta na lang makipag-date kung kani-kaninong lalaki? Alam mo ang panahon ngayon! Isa pa, ayaw kong masira ang kaniyang pokus nang dahil lang sa ganyang bagay! Kapag sinabi kong hindi p’wede ay hindi p’wede! Manahimik siya rito sa bahay at paghandaan niya ang pagpasok niya sa Med School,” giit ng lalaki.

Hindi naiwasan ni Sophia na sumama ang loob sa kaniyang ama.

“Unawain mo na lang ang daddy mo, Sophia. Ginagawa lang niya ito para maging maganda ang kinabukasan mo. Kung mahal ka talaga ng lalaking iyan ay hihintayin ka niya. Sa ngayon ay sundin mo muna ang daddy mo nang hindi na kayo mag-away pa,” payo ng ina.

Ngunit hindi napigilan nito si Sophia upang makipagkita sa iniibig na Lance.

“Ako na ang bahala sa mga magulang ko. Ang nais ko lang ngayon ay makasama ka. Simula noon pa man ay sila na ang namamahala sa buhay ko. Ang gusto lang naman talaga ni daddy ay hindi maputol ang tradisyon dahil galing kami sa kilalang prominenteng pamilya ng mga doktor. Ayaw lang niyang mapahiya!” wika ng dalaga.

“Pero gusto mo rin namang maging isang doktor kagaya ng daddy mo, ‘di ba? Noon pa man ay matalino ka na talaga at naniniwala akong magiging mahusay kang doktor. Ayaw rin naman kitang pigilan sa pangarap mo,” saad naman ni Lance.

Kahit na maayos ang pakikitungo ni Lance sa dalaga ay ayaw pa rin ito ni John para sa kaniyang unica hija. Patuloy ang paggawa niya ng paraan upang sirain ang relasyon ng dalawa.

Umupa siya ng imbestigador upang galugarin ang pagkatao ng binata.

“Sinasabi ko na nga ba at hindi mabuting lalaki ‘yang si Lance. Alam kaya ni Sophia ang lahat ng ito? Malamang ko ay binibilog niya ang ulo ng anak natin para sa sarili niyang kapakanan. Hindi ko hahayaang mabahiran ng dungis ang pangalan ng ating pamilya,” wika ni John sa kaniyang misis.

“Sigurado ka ba sa mga nakuha mong impormasyon? Baka nagkakamali lang sila? Bigyan mo naman ng pagkakataon si Lance. Mukhang masaya naman si Sophia sa kaniya,” giit naman ni Linda.

“Kailan ako papagitna, Linda? Kapag huli na ang lahat? Kapag may nagawa na siyang masama sa anak natin? Ang mga katulad niya ay wala nang kakayahang magbago! Pakinggan mo nga ang sarili mo! Krim*nal ang kasama ng anak mo!” bulyaw pa ng ginoo.

Agad na kinausap ni John si Sophia tungkol sa relasyon nito kay Lance.

“Gaano mo ba talaga kakilala ang lalaking iyan, Sophia? Dumating lang siya at bigla na lang nagbago ang lahat ng plano mo! Handa ka pa rin bang talikuran ang lahat kapag nalaman mo kung anong uri siya ng lalaki?” sambit ng ama.

“Wala akong pakialam sa nakaraan niya, daddy. Sinabi ko na sa inyo, mahal ko siya! Hayaan n’yo na ako sa gusto ko! Nagmamahalan kami ni Lance!” wika naman ni Sophia.

“Sinabi na ba niya sa iyo ang tungkol sa nakaraan niya? Sinabi na ba niyang galing siya sa bilibid? Tatlong taon siyang nanatili doon dahil sa tangkang pagp*slang! Mamahalin mo pa rin ba ang kagaya niya? Paano kung gawin n’ya rin ‘yan sa iyo o sino mang isa sa atin?” mariing sambit muli ni John.

Hindi nakaimik itong si Sophia. Hindi niya alam ang isasagot sa kaniyang ama.

“Kung hindi ka naniniwala ay ito ang mga ebidensya. Sinasabi ko na sa’yo, Sophia, layuan mo na ang lalaking iyan bago ka mapahamak,” dagdag pa nito.

Kahit na nakita ni Sophia ang lahat ay hindi pa rin niya magawang talikuran si Lance, pero kailangan niya ng paliwanag.

Pilit na nakipagkita ang dalaga sa kaniyang nobyo kahit na tutol dito ang ama. Alam ni John na hindi susunod ang anak kaya agad niya itong sinundan. Naabutan niya ito na kausap si Lance.

Dahil sa labis na pangamba ay agad niyang sinugod ang binata at saka niya sinuntok sa mukha.

“H-hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na layuan mo na ang anak ko? Baka gusto mong bumalik ka sa bilangguan kung saan ka nanggaling! Layuan mo na si Sophia kung hindi ay mabubulok ka ulit sa kulungan!” sambit ni John.

Imbes na kampihan ni Sophia ang kaniyang ama ay inalala pa niya si Lance.

“Tama na, daddy. Mahal ko si Lance at sa kaniya pa rin ako sasama. Ipagpapatuloy ko naman ang pagdo-doktor ko kaya hindi n’yo kami kailangan pang pigilan. Alam ko na ang lahat. Hayaan n’yo namang patunayan ni Lance na mali ang lahat ng akala ninyo,” umiiyak na wika ng dalaga.

“Tara na, Sophia! Nagpapanggap lang ang lalaking iyan. Hindi na siya magbabago! Krim*nal ang taong iyan! Kr*minal siya!” labis ang panggagalaiti ng ama.

Pilit na nagpapaliwanag ang dalaga ngunit ayaw makinig ni John.

“Daddy, tama na. Sasama na ako kay Lance. Kung ano man ang mangyari sa buhay ko’y wala na kayong kasalanan. Pabayaan n’yo na ako. Patawad pero buhay ko ito. Nais ko nang maging malaya,” saad pa ni Sophia.

“Kung iyan ang nais mo ay wala na akong magagawa… Pero kalimutan mo na rin na may mga magulang ka! Ano man ang mangyari ay huwag ka nang humingi ng tulong sa amin. Wala na kaming anak!” labis ang sama ng loob ng doktor na ama.

Pinanindigan ni John ang kaniyang mga sinabi. Pinutol na niya ang ugnayan nila ng asawa sa kanilang nag-iisang anak. May mga pagkakataon na nais silang kausapin ng dalaga ngunit hindi nila ito pinaunlakan. Para kay John, matagal na siyang walang anak. Ibinuhos na lang niya ang kaniyang oras at sarili sa kaniyang propesyon.

“John, baka kailangan na tayo ni Sophia. Baka may hindi na magandang nangyayari sa kaniya,” pagmamakaawa ni Linda.

“Wala na akong anak, Linda. Siya na mismo ang tumapos ng relasyon natin sa kaniya,” sambit ng mister.

Lumipas ang mga taon at wala na silang balita sa isa’t isa. Hanggang isang araw ay naging matunog muli ang apelyido ni John sa larangan ng medisina.

“Binabati ka namin, John! Sigurado kaming labis mong ipinagmamalaki ang anak mo!” saad ng isang kasamahang doktor.

“Anak ko? Si Sophia? Bakit? Anong nangyari sa kaniya?” pagtataka ng ginoo.

“Huwag mong sabihing hindi mo alam? Si Sophia ang nakakuha ng pinakamataas na pagkilala ngayong taon sa larangan ng medisina. Talagang kakaiba ang lahi ninyo! Hindi ka binigo ng anak mo,” dagdag pa ng doktor.

Tiningnan ni John sa internet ang tinutukoy ng kaniyang kasamahang doktor. Hindi siya makapaniwala na totoo nga ito.

“Naging doktor pa rin pala ang anak ko. Tinupad pa rin niya ang pangarap niya,” naluluhang wika ni John.

Samantala, hindi naman mapakali itong si Sophia. Hindi niya kasi alam kung tatawagan ba niya ang mga magulang upang anyayahan sa araw ng kaniyang parangal.

“Huwag ka nang magdalawang isip, mahal, tawagan mo na sila. Tiyak naman akong alam na nila. Baka hinihintay lang din nila ang paanyaya mo,” saad ni Lance na ngayon ay asawa na niya.

Mas pinili na lang ni Sophia na huwag nang tawagan ang kaniyang mga magulang. Natandaan kasi niya noong huling beses siyang nagtangkang kausapin ang mga ito’y itinaboy lang siya ng ama.

“Baka masaktan na naman ako. Baka nga tuluyan na nila akong nakalimutan,” saad naman ni Sophia.

Dumating ang araw ng parangal. Labis man ang saya ni Sophia dahil ito na ang kaniyang pinakahihintay ay hindi niya maitanggi na may kulang dahil wala ang kaniyang mga magulang.

Ngunit habang nasa entablado si Sophia at nagbibigay ng kaniyang talumpati ay hindi niya inaasahan ang kaniyang natanaw. Naroon mismo ang kaniyang mga magulang at pinapanood siya. Tinigil niya ang kaniyang pagtatalumpati at saka siya tumakbo patungo sa mga ito.

“Daddy, mommy! Salamat sa Diyos at narito na rin kayo!” lumuluhang sambit niya.

“Hindi naman namin kayang palampasin ang tagpong ito, anak. Maligaya kami at naging matagumpay ka. Ngunit paano ito nangyari?” tanong ni Linda sa anak.

“Si Lance po. Siya po ang nagpaaral sa akin. Habang nag-aaral siya ng abogasya dito sa Amerika ay nagtatrabaho rin siya sa isang law firm. Kumuha rin po ako ng scholarship. Alam n’yo, mali naman po talaga ang tingin niyo kay Lance, pero hindi n’yo po ako hinayaang magpaliwanag noon. Hindi naman po talaga siya masamang tao. Sa katunayan nga po dahil sa nangyari sa kaniya’y sinikap niyang makapagtapos ng pag-aaral. Sinikap niyang umangat sa buhay,” sambit pa ni Sophia.

“Tunay nga po akong nakulong ng tatlong taon, pero kulang po ang mga impormasyong inyong nakalap. Kaya ko lang naman nagawa ang bagay na iyon ay dahil pinagtanggol ko ang aking ama. Nabubuhay pa ang tatay ko noon. Mayroon siyang kapansanan. Pero imbes na alagaan siya ng aking ina ay nag-uuwi pala siya ng lalaki sa bahay. Doon mismo nila ginagawa ang kahayup@n nila. Sa harap pa mismo ng tatay ko! Kaya nang mahuli ko sila na nagsisip*ng samantalang ang ama ko’y naroon sa kaniyang wheel chair at halos wala nang buhay, hindi ko napigilan ang aking sarili. Kinuha ko ang kutsilyo at saka ko sinaks*k sa lalaking iyon. Pero hindi naman siya nasugatan nang malubha. Ngunit dahil mayaman siya, pumanig sa kaniya ang batas. Mula noon ay ipinangako ko sa aking sarili na gagawin ko ang lahat upang umangat sa buhay. Kaya nag-aral ako ng abogasya nang sa gayon ay wala nang mga kabataan pa ang matulad sa akin,” paliwanag naman ni Lance.

Nagsisisi si John kung bakit noon pa man ay hindi na niya pinakinggan ang panig ng binata. Hindi sana nasayang mga taon na nagkawalay sila ng kaniyang anak.

“Patawarin n’yo ako at tinigasan ko masyado ang dibdib ko sa inyong dalawa. Dapat ay nakinig muna ako sa nais ninyong sabihin. Hindi ko dapat agad hinusgahan si Lance,” saad ni John.

“Nauunawaan ko naman po. Wala namang magulang ang nais na mapahamak ang kanilang anak,” saad naman ni Lance.

“O, siya, mahaba na itong usapan natin. Tandaan mo at mayroon ka pang parangal na dapat tanggapin. Bumalik ka na sa entablado at hinihintay ka na nila,” saad ni Linda sa anak.

“Sophia, ipinagmamalaki kita. Huwag mong kalimutan na mahal na mahal ka ni daddy,” saad naman ni John.

Higit sa parangal na kaniyang tinanggap ay mas masaya si Sophia dahil ayos na silang muli ng kaniyang mga magulang. Tanggap na rin ng mga ito ang kaniyang asawang si Lance – at masaya siyang napatunayan na nila na tunay ang kanilang pag-iibigan.

Mula noon ay mas naging malapit na si Sophia sa kaniyang ama. Marami pa silang kailangang pag-usapan lalo na sa larangang pareho nilang mahal — ang medisina.

Advertisement