Inday TrendingInday Trending
Nagkaroon ng Relasyon ang Mister at Matalik na Kaibigan ng OFW; Imbes na Mag-Eskandalo’y Ito ang Kaniyang Ginawa

Nagkaroon ng Relasyon ang Mister at Matalik na Kaibigan ng OFW; Imbes na Mag-Eskandalo’y Ito ang Kaniyang Ginawa

Isang caregiver si Lorie sa Canada. Naiwan naman sa Pilipinas ang kaniyang anak sa pangangalaga ng kaniyang asawang si Cesar. Sa ngayon ay siya muna ang bumubuhay sa kanilang pamilya habang inaayos niya ang migration papers ng mga ito papuntang Canada. Pangarap kasi nilang mag-asawa na doon na manirahan. Minsan ma’y hindi maiwasan ni Lorie ang malungkot dahil malayo siya sa kaniyang mga minamahal ngunit naiibsan naman ang kaniyang pangungulila dahil sa ilang kaibigan doon.

Araw ng mga puso at ang lahat ay kinikilig nang surpresang padalhan si Lorie ng kaniyang asawa ng mga bulaklak at tsokolate. Kasama pa nito ang isang love letter.

“Wala nang gumagawa ng bagay na ‘yan ngayon, Lorie! Ang swerte mo talaga kay Cesar!” saad ng kaibigang si Amanda.

“Bakit? Maswerte din naman si Cesar dito kay Lorie dahil siya ang nagsakripisyong lumayo para magkaroon sila ng magandang buhay,” saad naman ng kaibigang si Joan.

“Huwag na nga kayong magtalo pang dalawa! Maswerte kami sa isa’t isa. Ganoon naman kasi dapat ang mag-asawa. Kailangan ay tulungan at malawak ang pang-unawa sa isa’t isa,” wika naman ni Lorie.

Parehong galing sa sawing relasyon ang dalawang kaibigang ito ni Lorie. Kaya naman sobra ang inggit nila sa kaniya.

Madalas niyang kasama itong si Amanda. Parang kapatid na ang turing ni Lorie dito. Sa katunayan nga ay malapit din ito kay Cesar. Sa tuwing may surpresa kasi ang ginoo para sa kaniyang asawa ay kasabwat itong si Amanda.

“Hindi ka natatakot sa sitwasyon ninyo ni Cesar, Lorie? Tingnan mo kami ng dyowa ko, naghiwalay kami agad kasi ang layo namin sa isa’t isa,” tanong ni Amanda.

“Wala naman akong magagawa kung hindi ang magtiwala sa kaniya. Saka itong ginagawa ko namang ito ay para sa pamilya namin. Ramdam ko namang mahal na mahal niya ako at sinigurado naman niya sa aking hindi siya gagawa ng mga bagay na ikakasira namin,” sagot naman ni Lorie.

“Nakakainggit talaga kayong dalawa. Sana ay makakita rin ako ng tulad ni Cesar. Gwapo na nga ay tapat pa at mapagmahal,” saad ni Amanda.

“Hayaan mo at darating din ang panahon na makakatagpo ka ng lalaking mamahalin ka nang tapat,” tugon naman ng ginang.

Ito talaga ang nais ni Amanda noon pa man ngunit ang hindi alam ni Lorie ay unti-unti nang nahuhulog ang loob ng kaibigan sa kaniyang asawa.

Isang araw ay nakatakdang magbakasyon si Amanda sa Pilipinas.

“Ayos lang ba na ipasabay ko ‘tong balikbayan box ko talaga, Amanda? Baka naman nakakahiya sa iyo. Ikaw pa itong magdadala sa mag-ama ko,” sambit ni Lorie sa kaibigan.

“Ano ka ba, ayos lang ‘yun! Nais ko rin namang makita ang inaanak ko! Iyayakap kita sa kaniya!” wika naman ni Amanda.

Makalipas ang ilang araw at nasa Pilipinas na nga si Amanda. Pinuntahan niya sa bahay ang mag-ama ni Lorie upang ibigay ang pasalubong ng mga ito. Humarap sa kaniya si Cesar.

Higit palang magandang lalaki at matipuno ito sa personal kaya hindi na napigilan pa ni Amanda na tuluyang mahulog ang kaniyang loob.

Mula nang araw na iyon ay naging madalas na ang pagpunta ni Amanda sa bahay ni Cesar. Madalas pa nga silang umalis upang ipasyal ang bata.

“Hindi ka ba naiilang sa ginagawang ito ni Amanda? Napapansin ko kasing madalas silang magkasama ng asawa mo,” saad naman ni Joan.

“Ayaw kong bigyan ng kulay ang ginagawa ni Amanda para sa mag-ama ko. Kaibigan niya ako at hindi n’ya ‘yun gagawin sa akin,” sagot naman ni Lorie.

Ngunit ang totoo’y iba na rin ang kaniyang kutob ngunit nagtitiwala pa rin siya sa kaniyang asawa’t kaibigan.

Tatlong buwan rin ang nakalipas at nagulat ang lahat nang sabihin ni Amanda na hindi na siya babalik pa ng Canada.

“Bakit biglang nagbago ata ang isip niyang si Amanda? Hindi ba’t siya pa ang pursigido noon na makapag-migrate dito? Ang labo naman ata niya,” saad ni Joan.

Dito na lalong tumindi ang hinala ni Lorie. Upang mawala ang kaniyang iniisip ay palagi niyang kinakausap ang asawa. Ngunit may mga pagkakataon na hindi siya sinasagot nito. Madalas rin itong wala sa bahay at kasama ang anak na umaalis.

Hanggang sa napilitan na si Lorie na kausapin ang kaniyang anak. Dito na niya napatunayan na totoo nga ang kaniyang kutob. Ngunit imbes na awayin niya ang asawa’t kaibigan mula sa ginawang pangtatraydor sa kaniya ay may iba siyang plano.

Ang akala ni Amanda tuloy ay ligtas na sila sa paningin ni Lorie.

Isang araw habang nagde-date ang dalawa ay nagkaroon ng problema sa pera si Cesar.

“Hindi na raw gumagana ang mga credit card ko. Kahit ang ATM card ko ay hindi na rin gumagana pa,” saad ng lalaki.

“S-sige, ako na muna ang magbabayad ng lahat ng ito. Nag-iisip lang ako, Cesar, hindi kaya alam na ni Lorie ang lahat ng ito? Kung sabagay, hindi naman ako natatakot na malaman niya ang lahat. Ipaglalaban mo naman ako, ‘di ba?” saad pa ni Amanda.

Habang nasa restawran ang dalawa ay nagulat sila sa kanilang nakita. Si Lorie mismo ang nasa kanilang harapan.

“Akala n’yo ba ay hindi ko malalaman ang lahat ng ito? Akala ninyo ay kaya n’yo akong paikutin nang matagal? Alam ko na ang relasyon ninyo. Noon pa man ay malakas na ang kutob ko pero pinili kong magtiwala, pero mali pala ako ng mga taong pinagkatiwalaan!” saad ni Lorie.

“Tanggapin mo na lang kasi, Lorie, na nagmamahalan kaming dalawa ni Cesar. Kaya kong ibigay sa kaniya ang lahat ng pagkukulang mo! Ako na ang mahal niya ngayon!” sambit naman ni Lorie.

“Sa totoo lang, Amanda, hindi naman ako nakikipagpaligsahan pa sa iyo kung sino ang laman ng puso ni Cesar. Wala na akong pakialam doon. Nandito lang ako para sabihin sa inyo na alam ko na ang lahat. At para sabihin ko rin kay Cesar na tapos na ang lahat sa amin. Hindi ka naman sa akin dapat pang magpaliwanag. Hindi ko naman na siya aagawin pa sa iyo. Ang dapat mo sigurong kausapin ay ang ibang babae pa niya. Baka sila ang umalma,” dagdag pa ng ginang.

Hindi makapaniwala si Amanda na mayroon pang iba bukod sa kaniya.

“A-anong ibig sabihin nito, Cesar? Hindi lang kami ni Lorie ang pinaglalaruan mo? May iba pa?” gulat na wika ni Amanda.

“Bakit hindi mo sabihin sa kaniya ang totoo, Cesar? Ilang beses na ba kitang nahuli at pinatawad. Ang pangako mo sa akin ay magbabago ka na pero heto ka na naman. Tinalo mo pa ang kaibigan ko. Hindi ko na nga pinapaalam sa kanila ang tunay na kwento ng buhay natin para malinis ka sa paningin nila pero ano itong ginawa mo?” sambit muli ni Lorie.

“Unawain mo naman ako. Hindi ko naman talaga balak seryosohin itong si Amanda. Siya naman itong lumapit sa akin, e. Sabi ko naman sa’yo magbabago na ako kapag nakapunta na ang pamilya natin sa Canada. Patawarin mo na ako, Lorie. Ikaw ang mahal ko, kayo ng anak natin!” pagsusumamo ni Cesar.

Lalong nanliit si Amanda sa mga sinasabi ng iniibig. Lalo siyang nanlumo nang malamang hindi pala talaga maayos na lalaki itong si Cesar.

“Tapos na ang lahat sa atin, Cesar. Ayos na rin ang papeles ng anak ko at isasama ko na siya sa Canada. Doon ay hindi mo na kami masusundan. Hindi mo na kami magugulo pa. Sana ay maging maayos ang pagsasama niyong dalawa. Hangad ko ang kaligayahan ninyo,” wika muli ni Lorie.

“Sandali lang, Lorie, mag-usap muna tayo! Patawarin mo na ako! Hindi ko na talaga uulitin pa! Magbabago na ako!” pagmamakaawa ng mister.

Pinigilan naman ni Amanda si Cesar sa pagsusumamo nito ngunit hindi siya nito inintindi at iniwan na lang siya sa restawran habang pinagtitinginan siya ng marami,

Tinalikuran ni Amanda ang trabaho sa Canada para kay Cesar sa pag-aakalang tunay silang nagmamahalan. Hindi rin naman siya sineryoso nito.

Si Cesar naman ay tuluyan na ring iniwan ni Lorie at ng kanilang anak upang mamuhay sa Canada. Ang huli niyang balita ay maganda na ang buhay ng mag-ina. Tatlong taon matapos ang kanilang paghihiwalay ay nakapangasawa ng isang doktor si Lorie at mas maginhawa na ang buhay.

Hinayaan na lang ni Lorie ang tadhana ang maningil kina Amanda at Cesar. Dito napatunayan na sadyang walang magandang ibubunga ang paninira ng pamilya. Tunay na may karmang nakalaan para sa mga gumagawa ng kasalanan.

Advertisement