Lumabas ang Pagiging Ampalaya ng Dalaga sa Araw ng mga Puso; May Magsusurpresa rin Pala sa Kaniya
Unang taon ni Ella na hilingin sa Maykapal na gisingin na lamang siya nito kapag tapos na ang araw ng mga puso. Ayaw niya kasing makakita ng mga magkasintahang sabay na pinagdiriwang ang espesyal na araw na ito. Lingid sa kagustuhan niyang may makitang masayang dalagang nakatanggap ng tsokolate, bulaklak, cake o teddy bear sa manliligaw o nobyo nito.
Kamakailan lang kasi, nahuli niyang may kasamang ibang babae ang kaniyang nobyo at sa mismong lugar pa kung saan sila nagkakilala. Buong akala niya noon, sa mga pelikula o mga tsismis niya lamang mapapanuod at maririnig ang ganitong klaseng pangyayari, ngunit pati pala siya’y mabibiktima nito.
Sa katunayan, hindi niya lubos akalain na magagawa siyang lokohin ng nobyo niyang ito. Bukod kasi sa magsasampung taon na silang magkasintahan, ni isang dahilan upang siya’y ipagpalit nito ay wala siyang nakita. Palagi siya nitong binibigyan ng pansin habang sinisiguro niyang minamahal niya ito nang tama, hindi labis, hindi kulang.
Kaya naman, nang malaman niya ang kataksilang ginawa nito ngayong buwan ng Pebrero, ganoon na lamang siya labis na nanghina. Hindi niya mapigilang hindi tanungin ang Poong Maykapal sa masakit na regalo nito para sa kaniyang ngayong buwan ng pag-ibig.
Kahit pa ganoon na ang nangyari sa kaniya, pilit niyang ikinukubli sa kaniyang mga magulang ang sakit na kaniyang nararamdaman. Ni minsan ay hindi niya pinakita sa mga ito na siya’y nahihirapan at nasasaktan na sa mga nangyayari sa buhay niya. Ikinuwento lamang niya ang kanilang paghihiwalay at sinabi sa mga ito na siya’y ayos lang.
Ito ang dahilan para kahit kakagaling niya lamang sa hiwalayan, pinipilit niyang ngumiti sa harap ng mga ito at pumasok sa trabaho nang may pilit na galak sa puso.
Kaya naman, ganoon na lamang siya napabuntong-hininga nang sumapit na nga ang araw ng mga puso. Maaga pa lang, marami na siyang nakikitang pulang rosas, pulang lobo, at kahit ano pang pangregalo sa mga minamahal sa gilid ng kalsadang dinadaanan niya papasok ng opisina.
“Nagsasayang lang kayo ng pera! Hihiwalayan din naman kayo ng pagbibigyan niyo!” singhal niya sa mga taong nagkukumahog na bumili ng mga pangregalo na talagang ikinatawa ng kaibigan niyang lagi na siyang sinasamahan sa paglalakad papuntang trabaho.
“Ay, naku, Ella, napaghahalataang mapait ang Valentine’s Day mo ngayon! Huwag ka ngang gan’yan! Kung nasaktan ka ng isang walang kwentang lalaki, hayaan mong maging masaya ang ibang babae!” sabi nito sa kaniya habang winawagayway ang dala nitong mga bulaklak.
“Ikaw manahimik ka, ha! Porque nabigyan ka na ng bulaklak ng nobyo mo! Gusto mo bang tapak-tapakan ko ‘yan?” panakot niya rito.
“Alam mo, Ella, pakiramdam ko talaga kailangan mong ilabas ang bigat sa dibdib mo, eh! Tama na ang pagpapanggap! Gusto mo bang mag-inom tayo mamaya?” yaya nito.
“Naku, tigilan mo ako! Sabi ko naman sa’yo, ayos lang ako!” bulyaw niya saka mabilis na naglakad upang maikubli ang mga luhang gusto nang lumabas mula sa kaniyang mga mata.
Maya maya pa, agad na rin siyang nakarating sa kaniyang opisina. Habang ang iba niyang mga katrabaho ay nagpapalitan ng mga simpleng regalo at nagkakasiyahan, siya’y agad na naupo sa kaniyang opisina saka agad na sinimulan ang kaniyang trabaho.
Kaya lang, ilang minuto lang ang nakalipas, may bigla namang kumatok sa kaniyang opisina at nang ito’y bumukas, agad siyang napatayo nang makitang may bitbit-bitbit na cake at lobo ang kaniyang ina habang may hawak na bulaklak at malaking teddy bear naman ang kaniyang ama.
Habang papalapit ang dalawa sa kaniya, hindi na niya napigilan ang sarili at siya’y napahagulgol na.
“Happy Valentine’s Day, anak! Pupwede ka ba naming mai-date ngayon?” sabay na sigaw ng dalawa na lalo niyang ikinaiyak.
Doon niya labis na naunawaan na nariyan pa rin ang kaniyang mga magulang na tunay na nagmamahal sa kaniya. Natutuhan niya ring ang araw ng mga puso ay hindi lamang para sa magkasintahan kung hindi ay pati na rin sa nagmamahalang pamilya.
“Iwan ka man ng lahat, hindi mo man ipakita sa aming nanghihina ka na, narito pa rin kami ng papa mo, anak. Hindi ka namin kailanman iiwan,” bulong ng kaniyang ina saka siya mahigpit na niyakap.
“Ilabas mo lang lahat ng sama ng loob mo, anak! Handa akong maligo ng luha mapagaan lang ang dibdib mo. Basta ipangako mo, ha? Pagkatapos mong umiyak, lumaban ka ulit sa buhay!” payo ng kaniyang ama saka rin siya mariing niyakap.
Dahil sa pangyayaring iyon, guminhawa nga ang kaniyang pakiramdam at ganoon niya na lamang nasulit ang araw na iyon kasama ang kaniyang mga magulang.
Hindi kailangan ng kasintahan para ipagdiwang ang araw ng mga puso, ang kailangan natin ay ang mga tamang taong lubos tayong minamahal.