Inday TrendingInday Trending
Mga Aso ang Unang Iniligtas ng Asawa Kaysa Kanilang mga Gamit; May Biyayang Naghihintay Para sa Kabayanihang Ito

Mga Aso ang Unang Iniligtas ng Asawa Kaysa Kanilang mga Gamit; May Biyayang Naghihintay Para sa Kabayanihang Ito

Habang nasusunog ang kanilang bahay, hindi maiwasan ng ginang na si Osang na bungangaan ang kaniyang asawa. Ang tatlo kasi nilang aso ang una nitong sinalba kaysa sa mga mamahaling gamit na mayroon sila katulad ng ref, telebisyon, kompyuter, at kung ano pang gamit na importante at tiyak ay mapapakinabangan nila.

“Ano bang nasa isip mo, Lito, ha? Aanuhin mo ang mga asong ‘yan, ha? Kung tutuusin, pabigat pa nga sa akin ‘yan! Bitawan mo na ang mga asong ‘yan at bumalik ka sa bahay natin! Magsalba ka kahit ilang mga damit at gamit!” sigaw niya rito saka agad na pinaghihila sa kamay nito ang mga aso nilang karga-karga nito.

“Naku, Aling Osang, kakagaling ko lang sa looban natin, wala na ang mga bahay natin. Sunog na ang lahat! Ang bilis ngang kumalat ng apoy, eh! Kamuntikan na akong hindi makalabas sa bahay namin!” sabat ng kanilang kapitbahay na puno pa ng dumi sa katawan.

“Diyos ko! Ni isang damit wala kaming naisalba!” mangiyakngiyak niyang sagot saka agad na pinagsususuntok ang dibdib ng asawa, “Kasalanan mo ‘tong lahat, eh! Kung hindi ‘yang mga asong ‘yan ang una mong sinalba, sana may mga gamit pa tayo ngayon!” sermon niya pa rito.

“Mahal, nakakaawa naman kasi sila kung iiwan nating masunog doon. Baka nakakalimutan mo, may buhay din sila katulad natin!” katwiran nito saka hinimas-himas ang kanilang mga alagang nag-iiyak din sa takot.

“Ewan ko sa’yo! Ngayon, maghanap ka ng paraan paano tayo makakapagsimula muli sa buhay! Dahil kung hindi, habambuhay kitang kakasuklaman!” bulyaw niya pa saka naupo na lang sa isang tabi upang pagmasdang masunog ang kanilang buong barangay.

Maya maya pa, nang maapula na ang apoy, agad na rin silang pinapunta ng mga opisyal ng kanilang barangay sa evacuation center kung saan sila mananatili sa mga susunod pang mga araw at dahil nga ni isa ay wala silang naisalbang gamit, walang ibang lumalabas sa bibig niya kung hindi pamamahiya sa kaniyang asawa.

Sa katunayan, hindi niya pa ito hinayaang matulog sa tabi niya sa silid na nakalaan para sa kanila. Bagkus, ito ay pinatulog niya sa labas kasama ang kanilang tatlong asong puro uling na sa mukha at katawan.

Kaya lang, kinabukasan, nagising siya sa hiyawan at palakpalakan ng kanilang mga kabarangay na nasunugan din dahilan para siya’y agad na mapabangon mula sa pagkakahiga sa punit-punit na karton upang malaman kung ano ang kaganapan sa labas.

Siya’y labis na napatulala nang makitang may iniaabot na tseke ang isang organisasyon sa kaniyang asawa!

“Teka, anong nangyayari?” sigaw niya.

“Hoy, Osang! Ang swerte mo’t may asawa kang may malasakit sa mga alaga niyong aso! May isang photographer pala kahapon ang nakakuha ng litrato sa ginawa niyang pagmamalasakit sa mga alaga niyo at ang litratong iyon ay nakarating sa ibang bansa!” kwento ng isa niyang kapitbahay.

“Oo nga, Osang! Ibang klase ang asawa mo! Sa pamamagitan ng litratong iyon, nagtulong-tulong ang mga Pinoy mula sa iba’t ibang bansa upang parangalan at tulungan ang asawa mo sa pamamagitan ng organisasyong kausap niya ngayon!” segunda pa ni Madet na talagang ikinatuwa niya.

“Diyos ko, totoo ba?”

“Hindi ka nananaginip, Osang! Kaya hanggang maaga pa, humingi ka na ng tawad sa asawa mo sa mga ginawa at sinabi mo sa kaniya simula kahapon!” payo pa ni Madet kaya siya’y agad na dumikit sa asawa at pabulong na humingi ng tawad dito.

Ngumiti lang ito sa kaniya at sinabing, “Kapag ginawa mo talaga ang tama, tiyak na bibiyayaan ka ng Diyos. Tandaan mo ‘yan, ha?” saka nito pinagkatiwala sa kaniya ang tsekeng bigay ng naturang organisasyon.

Dahil sa pangyayaring iyon, agad nilang muling naipatayo ang nasunog nilang bahay, nakabili ng mga gamit na kailangang-kailangan nilang mag-asawa, at nakatulong sa kanilang mga barangay na talaga nga namang ikinataba ng kaniyang puso.

Iyon na ang naging simula upang maging mapagmalasakit na siya sa kanilang mga alagaang aso. Kung dati ay ang mga ito ang lagi niyang hinuhuli sa lahat ng bagay, ngayon ay ito na ang kaniyang inuuna. Sabi niya pa, “Kayo pala ang swerte sa buhay naming mag-asawa. Salamat sa inyo, mga anak ko, ha?” Ikinatuwa naman ng kaniyang asawa ang pagbabagong ginawa niya na naging daan din para mas mapalalim nilang dalawa ang kanilang pagmamahalan sa kabila ng trahedyang kanilang naranasan.

Advertisement