Magaspang ang Ugali ng Ginang sa mga Bagong Kapitbahay; May Makapagpabago pa Kaya sa Ugali Niyang Hindi Katanggap-tanggap?
Agad na sumama ang timpla ni Ester nang marinig niya ang mga bata na tila naglalaro sa tapat ng bahay niya.
Nang sumilip siya sa bintana ay nakita niya ang isang malaking trak na naglalaman ng gamit ng mga bago niyang kapitbahay.
Kasalukuyang ibinababa ng mga kalalakihan ang mga gamit sa trak.
Nakita niya ang dalawang batang lalaki na naghahabulan habang malakas ang hagikhik.
Padabog niyang binuksan ang kaniyang pinto bago taas kilay na sinulyapan ang mga bata.
“Mga bata, ‘wag kayong maingay! Nakaka-istorbo kayo!” inis na puna niya sa dalawa.
Tila bahag naman ang buntot na nagtago ang dalawa sa likod ng babae na nahinuha niyang ang ina ng mga bata.
Malapad ang ngiti na lumapit ito sa kaniya.
“Hi, kami ang bago niyong kapitbahay. Ako nga pala si–”
Bago pa matapos ang babae ang linya nito ay padabog niya nang naisara ang pinto.
Inis siyang bumalik sa sofa upang ipagpatuloy ang panonood ng telebisyon.
Maya-maya ay lumapit ang kaniyang nag-iisang anak upang magpaalam.
“‘Ma, pwede ba akong makipaglaro sa mga bata?” tanong nito.
Agad na umangat ang kilay niya.
“Bakit?”
“Kasi po kapitbahay natin sila. Hindi ba dapat nakikipagkaibigan tayo sa kanila?” tila nagtataka na usisa nito.
Pinandilatan niya ng mata ang anak.
“Hindi ba’t sinabi ko na na hindi natin kailangan ng kapitbahay? Tigilan mo ‘yan kung ayaw mong malintikan sa akin!” babala niya sa anak.
Kimi itong tumango bago bumalik sa paglalaro sa isang panig ng bahay.
Napairap na lang si Ester. Totoo ang sinabi niya ukol sa pakikipagkaibigan sa mga kapitbahay. Pakiramdam niya kasi ay aabusuhin lang ng kung sino man ang kabaitan niya.
Kinagabihan, kumakain silang mag-ina ay sunod-sunod na katok ang narinig nila.
Nabungaran niya sa pinto ang bagong kapitbahay. May bitbit itong isang mangkok ng umuusok na sinigang.
Awtomatikong ngumiti ito, tila limot na ang ginawa niyang pagbagsak ng pinto sa harapan nito.
Tinitigan niya lang ang hawak nitong pagkain.
“Hindi kami kumakain ng pagkain mula sa mga hindi namin kakilala,” mataray na sagot niya.
Tila napahiya naman ito.
“Pasensya na… Hindi pa pala ako nakapagpakilala–”
Sa ikalawang pagkakataon ay ibinagsak niya ang pinto sa harap ng bagong kapitbahay.
Narinig niya pa ang buntong hininga na pinakawalan nito, bago ang papalayo nitong yabag.
Inis na bumalik siya sa hapagkainan.
Kinabukasan ay nagising na lamang siya ng maingay na hagikhikan mula sa labas ng bahay. Lalabasin niya na sana ang mga nag-iingay, ngunit pinigilan niya ang sarili at sinubukang ‘wag na lang iyong pansinin.
Bandang alas nuwebe nang magpaalam ang anak niya. Maglalaro raw ito sa tapat ng bahay.
“‘Wag kang lalapit sa mga bagong kapitbahay,” bilin niya pa sa anak.
Inabala niya ang sarili sa paglilinis ng bahay.
Ngunit maya-maya lang ay pumasok ang anak niya. Iyak ito nang iyak, habang may malaking sugat ito sa tuhod.
“Mama… ‘yung bata sa labas, itinulak ako…” hikbi nito.
Taranta niyang kinuha ang first aid kid saka inasikaso ang anak na nadisgrasya.
Nang masiguro na maayos na ito ay walang pag-aalinlangan niyang sinugod ang mga kapitbahay.
“Ano ba ‘yang mga anak niyo, walang disiplina! Kay bago-bago niyo rito, kung ano-ano na kaagad ang dumating na problema sa akin! Pati ang anak ko nadisgrasya!” litanya niya.
Tumikim ang ginang.
“Pasensya na ho nagkasiyahan at nagkatulakan, mga bata kasi,” katwiran nito na lalong nagpagalit sa kaniya.
Hindi maiwasan na tumaas ang boses niya.
“Basta, ‘wag na kayong lumapit sa amin! Ayaw namin sa inyo!” galit na bulyaw niya bago nag-martsa pabalik sa bahay niya.
Nagising na lang siya sa kalagitnaan ng gabi nang maramdaman niya ang panginginig ng anak. Nang hipuin niya ito ay naalarma siya dahil mainit na mainit ito, kaya naman nagmamadali siyang kumuha ng gamot, thermometer, at basang bimpo para sa anak.
Ngunit hindi bumababa ang lagnat nito!
Tuluyan na siyang naalarma noong nagsimulang kumbulsyunin ang anak niya. Naisip niya na kailangan niya nang isugod ang anak sa ospital.
Subalit paano? Dis-oras ng gabi, mahirap kumuha ng masasakyan.
Nang mapako ang tingin niya sa katapat na bahay ay alam na niya ang gagawin.
Tinakbo niya ang distansya ng kaniyang bahay at bahay na katapat saka nangalampag.
“Tulong! Tulong! Parang awa niyo na!”
Ang pupungas-pungas na babae ang sumungaw sa pinto. Bagaman wala siyang makitang galit. Bagkus ang naroon ay pagtataka.
“May nangyari ba?”
Umiiyak na nagkwento siya sa kapitbahay, umaasa na sana ay pagbigyan nito ang pakiusap niya.
Nasorpresa siya sa sagot nito.
“Sandali at kukunin ko ang susi ng sasakyan para madala natin ang anak mo sa ospital,” anito.
Nang makarating sila sa ospital ay ganoon na lang kalaki ang pasasalamat niya sa kapitbahay na nagpakilalang si Belinda.
“Ligtas na ang anak mo. Mabuti at naisugod agad sa ospital ang bata,” anang doktor.
Nang masiguro na ayos na ang lahat ay saka lamang napasalampak sa lapag si Ester na tila isang nauupos na kandila.
Ilang minuto siyang nakatulala hanggang sa may nag-abot sa kaniya ng isang tasa ng umuusok na kape.
Nalingunan niya ang kapitbahay. Halos hindi niya ito matitigan dahil sa labis na hiyang nadarama niya.
“Salamat…” halos pabulong na bigkas niya.
“Salamat sa pagbubukas mo ng pinto, kahit na puro kagaspangan lang ng ugali ang ipinakita ko…” yukong-yuko na wika niya.
Ngumiti ito.
“Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo rin, ‘di ba? Naisip ko na may malalim kang dahilan kaya ganoon ka,” nakangiting sabi nito.
“Sa totoo lang, iniisip ko na hindi ko naman kailangan ng kahit na sino. Akala ko kaya namin ng anak ko na kami lang. Pero ngayon alam ko na…”
Sumulyap siya kay Belinda.
“Kaya kung may kailangan ang pamilya mo na kahit ano, umasa ka na parating bukas ang pinto ko,” pangako niya.
“Sabi na nga ba’t walang matigas na puso ang hindi napapalambot ng masarap na kape,” biro ni Belinda, dahilan upang magkatawanan sila.
Tunay nga na lumambot na ang matigas na puso ni Ester. Ngunit hindi iyon dahil sa kape—dahil iyon sa kabutihan at pang-unawa ng kaniyang mabait na kapitbahay.