Kinalinga ng Ginang ang Baldado Niyang Ama Kahit na Gipit Siya; May Natuklasan Siyang Lihim na Tinatago Nito
Naiiyak na ibinaba ni Tere ang kaniyang cellphone. Natawagan niya na kasi ang lahat ng kapatid niya, ngunit wala sa mga ito ang handa na tumulong sa tatay nila.
Kahapon ay isinugod sa ospital ang kanilang ama matapos itong ma-stroke. Ang sabi ng doktor ang naparalisa ang kalahating bahagi ng katawan nito.
Gusto niya man alagaan ito ay alam niya na mahihirapan siya. Isang taong gulang pa lang kasi ang bunso niya, at wala siyang kakayahan na magdagdag pa ng panibagong alagain sa bahay.
“Diyos ko, ano ba ang gagawin ko?” bulalas niya, bago namomroblemang napahilamos sa kaniyang mukha.
Noon naman dumating ang asawa niya.
“Ano, may sumagot na ba sa mga kapatid mo?” agad na tanong nito. Alam niya na maging ito ay pinoproblema ang nangyari sa tatay niya.
Dismayado siyang umiling.
“Lahat may kani-kaniyang dahilan.”
Tuluyan nang napaiyak si Tere. Naghalo na ang awa niya para sa pobreng ama at sa mga kapatid na hindi man lang nagpakita ng pakialam sa kanilang ama. Palibhasa ay matanda na ito at wala nang pera.
Napabuntong hininga ang asawa niya bago sumulyap sa kaniyang ama na nakatulala sa bintana.
“Tara, iuwi na natin si Tatay. Wala naman siyang ibang mapupuntahan. Ilabas na natin siya para imbes na ipambayad natin sa ospital ay maibili na lang natin ng gamot,” anito bago nagpatiuna nang makipag-usap sa isa sa mga nars.
“Paano na ang plano natin na mag-ipon para sa bahay, Nestor?” hindi niya maiwasang itanong sa asawa. Alam niya kasi na hindi biro ang responsibilidad na aakuin nila.
Ngumiti ito bago hinawakan nang mahigpit ang kamay niya.
“Saka na ‘yun. Hindi naman pwedeng pabayaan natin ang tatay mo. Maaatim mo ba na ipaalaga siya sa iba, o kaya dalhin mo na lang siya sa isang bahay-ampunan para sa matatanda?” tanong nito, kahit na alam naman nito ang magiging sagot niya.
Umiling siya bago napaiyak.
“Makakaraos din tayo, mahal. Tiyaga lang,” anito.
Napatango na lang siya habang lumuluha pa rin.
Sa totoo lang ay inaasahan niya na iyon mula sa kaniyang asawa. Malapit kasi ito sa kaniyang ama noon pa man.
Sa buong pamilya niya kasi ay ang kaniyang ama lang ang trumato rito nang maayos. Alam niya na mahirap din para rito ang nangyari sa kaniyang ama.
Gaya ng plano ay iniuwi nila ang kaniyang ama sa kanilang bahay.
Nahirapan sila noong una, ngunit nang magawan na nila ng sistema ang pag-aalaga sa matanda, kahit paano ay gumaan-gaan din ang buhay nila.
Makalipas ng ilang buwan ay unti-unti nang muling nakapagsalita nang tuwid ang kaniyang tatay.
Kaya naman kahit paano ay nakikipaglaro na ito sa mga anak niya.
Napapangiti na lang siya sa tuwing nakikita niya ang ama na aliw na aliw sa pakikipaglaro sa mga anak niya.
Simula kasi noong mawala ang kaniyang ina ay namuhay na ito nang mag-isa, kaya marahil ay tuwang-tuwa ito na madalas nitong makalaro ang mga apo.
“Kahit paano ay may mabuti ring nagawa ang sitwasyon na ito,” sa isip-isip ni Tere.
Isang araw ay naabutan niya ang ama na nakatanaw sa bintana. Mukhang may malalim itong iniisip.
Tinapik niya ang matanda, na bahagya pang napapitlag.
Awtomatiko itong napangiti nang makita siya.
“Anak, ikaw pala ‘yan,” nakangiting wika nito.
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila bago ito muling nagsalita.
“Anak, salamat ha. Sa pagpapatuloy mo sa akin dito. Alam ko na marami kayong isinakripisyo para sa akin. Alam ko na bibili sana kayo ng bahay. Pasensya na,” malungkot na turan ng kaniyang ama.
Humilig siya sa balikat ng ama, gaya ng madalas niyang gawin noong bata pa siya.
“‘Wag niyo ponng alalahanin ‘yun, ‘Tay. Pamilya namin kayo, at alam ko po na gagawin niyo rin ito para sa amin kung nabaligtad ang sitwasyon,” aniya.
Inakbayan siya ng matanda.
“Hayaan mo, anak, babawi ako sa’yo,” pangako nito.
Matapos ang pag-uusap nila ng ama ay napansin niya na naging abala ito. Ilang araw itong may kausap sa telepono.
Nagtataka man ay hindi niya na inusisa ang ama dahil mukhang seryoso ito sa kung anumang inaasikaso nito.
“Saka ko na tatanungin si Tatay,” sa isip-isip niya.
Ngunit hindi niya na naisakatuparan ang plano dahil isang umaga ay nagising na lamang siya sa malakas na yugyog ng kaniyang asawa. Kasunod noon ay ang masamang balita.
Muli raw na-stroke ang kaniyang ama. Sa pagkakataong iyon ay hindi na ito nakaligtas pa.
Labis ang pagtangis ni Tere. Hindi niya inakala na ganoon kabilis na kukunin sa kaniya ang kaniyang ama. Inakala niya na magtatagal pa ito, lalo pa’t mukhang bumubuti naman ang lagay nito.
Ni wala sa hinagap niya na may espesyal na naiwan ang kaniyang ama.
Isang buwan matapos mawala ang kaniyang ama, habang kasalukuyan niyang inililigpit ang gamit nito ay narinig niyang may tumatawag sa kaniya mula sa labas.
“Ate Tere, Ate Tere!”
Nang lumabas siya ay nakita niya si Mario, ang kasa-kasama ng kaniyang ama noong nagtatrabaho pa ito bilang isang mekaniko.
Iniabot ng binata sa kaniya ang isang envelope.
“Ate, pinaasikaso po ito noon sa akin noon ng tatay niyo. Ngayon ko lang nakuha mula sa abogado,” paliwanag nito.
Nang makita niya ang laman ng envelope ay halos lumuwa ang mata niya sa pagkagulat. Isa kasi iyong dokumento na nagsasabi na ibinibigay ng kaniyang ama sa kanilang mag-asawa ay naiwan nitong bahay.
“Pero, Mario, hindi ba’t hindi naman si Tatay ang may-ari ng lupang ‘yun? Hindi ba’t nakasangla ‘yun sa bangko?” takang tanong niya.
Nagkamot pa ito ng ulo bago sumagot.
“Nabili niya ‘yun noon, Ate. Noong malakas pa ang kita namin sa talyer. Hindi niya lang pinaalam sa inyo kasi natatakot siya na baka pag-awayan niyong magkakapatid. Pero sa huli ay nagdesisyon siya na sa inyo na lang ibigay ang lupa. Bilang kabayaran daw po sa lahat ng kabutihan na ipinakita niyo sa kaniya,” kwento ng binatilyo.
Matagal nang nakaalis ang binata ay tigagal pa rin si Tere.
Hindi niya inasahan ang sorpresa na iyon mula sa yumaong ama.
Nang humangin nang malakas ay lumuluhang bumulong siya. “Salamat, Tatay. Mahal na mahal ka namin…”
Sa huli ay ginamit nilang mag-asawa ang ipon nila upang mapaganda ang bahay. Ilang buwan lang ay lumipat na sila sa bago nilang tahanan. ‘Di-hamak na mas malaki iyon at mas maganda sa una nilang plano.
Araw-araw ay nagpapasalamat ang mag-asawa sa yumaong matanda. Sigurado sila na kung nasaan man ito ay masaya rin ito para sa pamilya nila.