Inday TrendingInday Trending
Sama ng Loob ang Natatanggap Niya Tuwing May Okasyon sa Buhay Nilang Mag-Asawa; May Dahilan Pala Kaya Walang Naibibigay sa Kaniyang Regalo ang Mister

Sama ng Loob ang Natatanggap Niya Tuwing May Okasyon sa Buhay Nilang Mag-Asawa; May Dahilan Pala Kaya Walang Naibibigay sa Kaniyang Regalo ang Mister

Sama ng loob ang naiipon ng ginang na si Shiela sa mga nagdaang taon. Halos tatlong taon na niya kasing napapansin na nawawala na ang pagiging romantiko ng kaniyang asawa. Wala man siyang nararamdamang paghihinala rito na baka mayroon itong ibang kinakasama, hindi niya pa rin maiwasan ang magdamdam lalo na’t tuwing may darating na espesyal na okasyon ay wala itong binibigay na kahit anong regalo upang maiparamdam sa kaniya ang pagkaespesyal niya.

Labis siyang naninibago sa pag-uugali ngayon ng kaniyang asawa. Kung dati ay pagsapit pa lang ng alas dose ng gabi ay mayroon na itong ibinibigay na bulaklak, tsokolate, o kahit anong regalo sa kaniyang tuwing sasapit ang kaniyang kaarawan, kanilang anibersaryo, Araw ng mga Puso, Pasko, at kung ano pa mang okasyon, ngayon ay madalas, una pa itong naghihilik sa kaniya.

Naiintindihan niya namang nagtitipid ito dahil nga sakto lang ang sinasahod nito sa pangangailangan nilang mag-iina pero naroon pa rin sa kaniyang puso ang tampo na hindi man lang siya nito nilalambing sa mga araw na iyon.

Binabati lang siya nito, hahalikan sa noo at hihingi ng tawad, pagkatapos noon, buong maghapon na naman itong wala sa kanilang bahay.

Kaya naman, ngayong Valentine’s Day, grabe ang inggit niya nang magkita-kita sila ng kaniyang mga kaibigan at nalaman niya kung paano ipinaramdam ng kani-kanilang mga asawa ang pagmamahal sa mga ito.

“Napakaswerte ko talaga sa asawa ko! Mantakin niyo, wala man siya sa tabi ko, nasurpresa niya pa rin ako! Ang dami ko ngang tsokolate sa bahay! Gusto niyo ba? Hindi ko alam kung paano ko uubusin ‘yon, eh!” kwento ng isa.

“Naku, ipamigay mo na lang sa mga batang kalye! Sandamakmak na tsokolate rin ang bigay ng asawa ko, eh! May kasama pa ‘yong mga bulaklak, ha!” pagmamalaki pa ng isa na tuluyan niyang ikinatahimik.

“Diyos ko, panandalian lang ‘yang mga ‘yan! Mabuti pa ang asawa ko, cash ang ibinigay sa akin!” pagyayabang naman ni Liza, “Ikaw, Shiella? Anong binigay sa’yo ng asawa mo? Kanina ka pa tahimik d’yan, eh!” tanong nito nang siya’y mapansing nananahimik sa isang sulok.

“Wala nga, eh. Tatlong taon na siyang walang binibigay na regalo sa akin. Ewan ko ba roon, nawala na ang pagiging romantiko! Sa una lang magaling!” nguso niya sabay padabog na binaba ang tasa ng kaniyang kape.

“Baka naman may surpresa siya sa’yo? Huwag naman agad sumama ang loob mo!” payo nito.

“Surpresa? Anong surpresa naman ang ibibigay sa akin no’n? Wala nga ‘yong…” hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil may iniabot na sa kaniyang kahon si Liza, “Ano ‘to?” tanong niya saka agad na binuksan ang kahon at siya’y labis na nagulat nang makitang isang susi ang bigay nito.

Bago pa siya muling makapagtanong, agad na siyang sinakay ng mga kaibigan sa nag-aabang na sasakyan at siya’y dinala sa isang bagong bahay. Halos manghina siya nang makitang naroon na ang kaniyang dalawang anak at ang kaniyang asawang may bitbit-bitbit pang bungkos ng mga bulaklak.

Agad nitong bungad sa kaniya, “Pasensya na, mahal, sa mga taong hindi ko nagpaparamdam sa’yo ang pagmamahal ko sa pamamagitan ng mga materyal na bagay. Nasasaktan din ako kapag nakikita kong nalulungkot ka dahil wala akong maibigay sa’yo, napunta na kasi rito lahat sa pangarap nating bahay ang mga ipon ko,” na talagang nagpabuhos sa kaniyang luha. Wala siyang ibang nagawa kung hindi ang humagulgol dahil sa labis na pagpapasalamat sa asawa na ikinaiyak na rin ng kaniyang mag-aama.

Maya maya pa, tuluyan na nga niyang binuksan ang kanilang bahay gamit ang susing nasa kaniyang kamay at wala na siyang mahihiling pa dahil kumpleto na ang lahat ng gamit dito.

Doon na rin siya kaagad na humingi ng tawad sa kaniyang asawa sa sama ng loob na tinanim niya rito dahil lang wala siyang natatangagp na regalo mula rito.

“Ayos lang iyon, mahal, ang mahalaga sa akin ngayon, nakabawi na ako sa tatlong taong pagtatampo mo sa akin,” nakangiti nitong wika.

“Kung alam ko lang na may ganitong klase kang balak, sana hindi na ako nakapagbitaw ng masasakit na salita sa’yo, mahal. Pasensya ka na talaga,” hikbi niya habang pinagmamasdan ang kanilang mga anak na masayang naghahabulan sa maluwag nilang tahanan dahilan para siya’y yakapin nito nang mahigpit at hagkan sa kaniyang noo.

Wala na siyang ibang mahihiling pa simula noon. Muling nanumbalik ang sigla ng kanilang pagsasama at mas sumaya pa ang kanilang buong pamilya na ngayon ay komportable na sa kanilang bagong bahay.

Advertisement