Inday TrendingInday Trending
Tinanggihan Niya ang Aplikanteng Hindi Nagpabilib sa Kaniya sa Interbyu; May Galing Pala Itong Itinatago

Tinanggihan Niya ang Aplikanteng Hindi Nagpabilib sa Kaniya sa Interbyu; May Galing Pala Itong Itinatago

Nag-iinterbyu ng mga aplikanteng gustong magtrabaho sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya ang dalagang si Jessie. Sa kagustuhan niyang pawang matatalino at mamagaling sa trabaho ang maging empleyado ng naturang kumpanya, sobra siyang nagiging mapili sa pagtanggap ng mga aplikante.

Gusto niyang bukod sa nakapagtapos ng kolehiyo ang mga tatanggapin niyang aplikante, gusto niya ring magaling itong magsalita ng Ingles at may kakayahang sumagot sa mahihirap niyang tanong.

Isang araw, sa dami ng aplikanteng iinterbyuhin niya, isang aplikante ang nakapukaw ng kaniyang pansin. Sa lahat kasi ng aplikante, ito lamang ang nakangiting humarap sa kaniya at mahigpit na nakipagkamay sa kaniya.

“Mukhang ito na ang unang aplikanteng matatanggap ko ngayon, ha?” bulong niya sa sarili habang binabasa ang dala nitong resumé, “Aba, nakapagtapos din siya ng pag-aaral. Ito na yata ang hinahanap kong aplikante,” dagdag niya pa, “Kaya lang, kakaalis niya lang sa trabaho? Ano kayang rason?” tanong niya sa sarili na kalaunan ay tinanong niya rin sa naturang aplikante.

Kaya lang, siya’y hindi nasiyahan sa sagot nito.

“Masyado na po kasing mabigat ang trabaho, ma’am. Wala pang gumagabay o nagtuturo sa akin kung paano po gawin ang trabaho,” tugon nito.

“Edi ibig sabihin, Mr. Julius, hindi mo kayang gumalaw nang walang gumagabay sa’yo? Hindi mo kayang matuto nang mag-isa?” wika niya.

“Hindi naman po sa ganoon, ma’am. Kaya ko naman po, sadyang sobrang hirap lang pong…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad niya na itong pinutol.

“Pupwede ka nang umuwi, tatawagan ka na lang namin,” sagot niya.

“Ma’am, ano po bang kailangan ko pong gawin para po makapasa po ako? Kailangang-kailangan ko na po talaga ng trabaho,” pakiusap nito na hindi niya pinakinggan, agad niya pa itong pinalabas na nakapagpahiya pa rito sa ibang aplikante.

Sa buong maghapong iyon, ni isang aplikante ay walang nakapasa sa interbyu niya. Lahat ay umuwing luhaan at ni katiting na pangongonsenya ay wala siyang naramdaman dahil katwiran niya, ginagawa niya lamang ang kaniyang trabaho.

Kaya lang, habang siya’y naglalakad pauwi ng kanilang bahay, nagulat siya nang makita niyang pinupunasan ng aplikanteng si Julius ang dumi sa mukha ng isang pulubi!

“Hoy! Nababaliw ka na ba? Bakit pati dumi sa mukha ng pulubi, pinupunasan mo? Hindi mo ba alam na sobrang dumi niyan?” sigaw niya rito.

“Ah, eh, nanay ko po ito, ma’am. Hindi po siya pulubi. May sakit po siya sa isip at nakatakas lang po sa bahay namin. Sinundan niya po pala ako sa interbyu ko sa kumpanya niyo para lang ibigay sa akin ‘tong rosaryong ito,” kwento nito habang may pilit na ngiti sa mga labi.

“Wala ka bang mga kapatid na pupwedeng magbantay sa kaniya?” pang-uusisa niya saka niya ito inabutan ng tissue upang ipunas pa sa mukha ng matanda.

“Wala po, ma’am, eh. Ako na lang po ang bumubuhay sa kaniya at sa dalawa kong pamangkin na iniwan naman sa kaniya ng magaling kong ate. Kapag may ganitong lakad po ako, hinahayaan ko lang siyang nasa bahay kasama ang mga bata,” sabi pa nito.

“Edi sana kumuha ka ng kasambahay! Kawawa naman ang nanay mo!” sigaw niya rito.

“Kung may pera lang po ako pambayad, ma’am, bakit hindi? Kaya lang po kasi, wala talaga, eh, wala pa po akong trabaho ngayon. Bukas nga po dapat ang konsulta niya muli sa doktor kaso wala po akong pera,” sabi pa nito na talagang nagbigay nang matinding konsensya sa kaniya.

Dahil sa awang naramdaman niya, muli niyang binalikan ang interbyu niya sa binatang ito at nang mapagtanto niyang pupwede niya naman itong bigyan ng posisyon sa kumpanya, agad niyang iniabot ang kamay niya rito upang makipagkamay.

“A-ano pong ibig niyong sabihin?” tanong nito.

“You’re hired! Magkita tayo sa opisina bukas ng alas siyete ng umaga at gamitin mo ito upang kumuha ng mapagkakatiwalaang taong magbabantay kay nanay pati sa mga pamangkin mo. Huwag mo akong ipapahiya!” sabi niya rito saka niya ito inabutan ng dalawang libong piso na talagang ikinaiyak na lamang sa tuwa ng binata.

Hindi nga siya pinahiya ng binatang ito dahil nang mabigyan niya ito ng trabaho, agad itong nagpakitang gilas at nakapagbigay nang maayos na trabaho sa kanilang kumpanya na talagang naging malaking tulong sa kanilang lahat.

Dahil din sa nagawa nito, hinangaan din siya ng mga nakakataas sa kanila dahil sa pagpili niya ng mga magagaling na aplikante. Kahit pa ganoon, isang aral ang natutuhan niya dahil sa binatang iyon.

“Hindi lahat ng aplikanteng hindi magaling sa interbyu, hindi na magaling sa trabaho. Kailangan ko pang matutuhan kung paano magsala ng mga aplikante upang wala akong mapalagpas na isang katulad ni Julius,” sabi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang binatang si Julius na masayang nakikipagtawanan sa mga katrabaho habang bumubuo ng isang malaking proyekto.

Advertisement