Inday TrendingInday Trending
Lubos na Inaasikaso ng Mister ang Kaibigan ng Asawa sa Tuwing Ito’y Bumibisita; Nais Pala Nitong Siraan ang Kanilang Pagsasama

Lubos na Inaasikaso ng Mister ang Kaibigan ng Asawa sa Tuwing Ito’y Bumibisita; Nais Pala Nitong Siraan ang Kanilang Pagsasama

Tuwing dadaan sa kanilang bahay ang kaibigan ng asawa niya, todo asikaso rito ang padre de pamilyang si Omer. Pagkarating na pagkarating pa lamang nito sa kanilang bahay, natataranta na siyang abutan ito ng maiinom na kape o juice. Agad niya rin itong tatanungin kung anong pagkain ang gusto nitong kainin na talaga nga namang nakakapagpangiti sa kaniyang asawa.

Minsan na kasi silang nagkaroon ng alitan ng ginang na ito at upang huwag na iyon mangyaring muli, pinapakitaan niya ito nang kabutihang para rin hindi na maapektuhan ang kaniyang asawa na palaging nalulungkot tuwing siya’y may kaaway o kagalit.

Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, napansin niyang tuwing magpupunta ito sa kanilang bahay, palagi nitong niyayang magkwentuhan ang kaniyang asawa sa sarili nilang silid.

Noong mga unang beses ay hinahayaan niya lamang ito. Nakikita niya pa nga itong nakahiga sa kanilang kama, nagsusukat ng mga bagong damit ng kaniyang asawa, at nangangalikot ng kanilang mga gamit.

Kaya lang, nang palagi na siya nitong pinapalabas kapag nakikita siyang pumapasok nang bigla-bigla sa naturang silid, doon na siya kinabahan.

“Ano kayang ginagawa nila sa kwarto namin? Bakit kailangan niya akong paalisin? Huwag naman niya sanang pagnakawan ang asawa ko. Ay, Diyos ko, mali itong iniisip ko!” sabi niya sa sarili habang nilulutuan niya ng pagkain ang asawa niya’t kaibigan nito.

Nang maluto na niya ang hiniling na meryenda ng ginang, agad na niya itong dinala sa kanilang silid. Kaya lang, nang bubuksan na niya ang pinto, nalaman niyang naka-lock pa ito!

Doon na siya tuluyang nagtaka. Agad niyang dinikit ang kaniyang tainga sa naturang pintuan upang marinig niya kung anong nangyayari sa loob.

“Ano ka ba naman, mare? Ang tagal-tagal mo nang asawa ‘yang si Omer, hanggang ngayon, mahirap pa rin kayo! Hanggang kailan ba kita kailangang kumbinsihin na asawahin mo na lamang itong ‘Kano na kakilala ko! Gustong-gusto ka talaga nito, mare, tiyak na ititira at papakasalan ka agad nito sa Amerika!” wika nito na talagang nagpalaki sa kaniyang mga mata. Gustong-gusto na niya sanang sapilitang buksan ang pintuan, kaya lang, biglang nagsalita ang kaniyang asawa.

“Sabi ko naman sa’yo, kuntento na ako sa buhay namin ni Omer. Bukod pa roon, mas may takot ako sa Diyos na nagbigay basbas sa kasal namin kaysa sa hirap na maaari naming maranasan,” sagot nito na bahagyang nagpakalma sa kaniya dahilan para maisip niyang mayroon pala siyang susi ng silid na ito sa kaniyang bulsa.

“Magising ka na sa kahibangan mo! Ni hindi ka nga mabigyan ng anak ng lalaking ‘yan! Hiwalayan mo na ‘yan bago ka pa tuluyang bangungutin!” sigaw nito sa kaniyang asawa.

Doon na siya nagpasiyang buksan ang pintuan gamit ang naturang susi na talagang ikinagulat ng naturang ginang.

“Hanggang kailan mo sisirain ang relasyon naming mag-asawa?” nakangiting tanong niya rito saka niya iniabot dito ang meryendang pinaluto nito.

“Ah, eh, anong pinagsasasabi mo? Ito namang si Omer, masyadong naghihinala sa akin!” tanggi nito.

“Narinig ko naman ang lahat, huwag ka nang mag-akila,” tugon niya habang pilit na ikinakalma ang sarili.

“O, narinig mo naman pala, hayaan mo nang magkaroon ng magandang buhay itong asawa mo! Hindi ‘yong habambuhay mong ikukulong sa hirap!” bulyaw nito sa kaniya habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa, animo nanghuhusga.

“Makakaalis ka na,” sabi niya saka agad na nagpunta sa harap ng asawa, “Mahal, pasensya na, ha? Pinapakitaan ko naman siya nang maganda para sa’yo, eh, kaso sinisira niya na pala tayo,” sabi niya rito.

“Naiintindihan kita,” sabi nito sabay haplos sa kaniyang mukha.

Agad na nitong pinauwi ang ginang saka dali-daling humingi ng tawad sa kaniya.

“Kahit sino mang iharap sa akin, mahal, ikaw lang ang pipiliin ko. Hindi mo man ako mabigyan ng marangyang buhay, binabago mo naman ang sarili mo para sa akin. Alam kong sobra kang naiinis sa kaibigan kong iyon pero kitang-kita ko kung paano mo siya pinakikitunguhan nang ayos dahil inaalala mo ako. Doon palang, tuwang-tuwa na ako. Wala kang dapat ikapag-alala, ha?” nakangiting sabi nito na talagang nagpataba sa puso niya.

Dahil doon, agad na lumuwag ang dibdib niya. Ilang beses mang natapakan ang pagkatao niya dahil sa mga sinabi ng naturang ginang, lahat iyon ay binaon niya kaagad sa limot para sa kaniyang asawa.

Doon niya rin napagtantong kung gaano niya kamahal ang kaniyang asawa, ganoon din siya nito kamahal at kahit hirap ay handa nitong harapin basta’t kasama siya. Talaga ngang swerte sila sa isa’t isa.

Advertisement