Mas Prayoridad ng mga Magulang ang Panganay na Anak na Arkitekto sa Maynila Pero Nakalimot ang Binata sa mga Ito; Sa Pag-Uwi Niya ay Luha ang Sasalubong sa Kaniya
Pagkatapos makagradweyt ni Gilmer sa kursong Arkitektura ay lumuwas agad siya sa Maynila para maghanap ng trabaho. Mas marami kasing oportunidad ang naghihintay sa kaniya roon kumpara sa probinsya. ‘Di nagtagal ay natanggap siya sa isang kilalang construction firm sa Makati.Dahil mahusay na arkitekto ay tambak ang mga ginagawa niyang proyekto. Palagi rin siyang pinupuri ng kaniyang boss sa taglay niyang galing at sipag sa trabaho.
Tuwing katapusan ng buwan siya umuuwi sa kanila para dalawin ng mga magulang at kapatid. Gustuhin man niya na umuwi sa probinsya kada araw ng Sabado ay hindi niya magawa sa sobrang dami ng kaniyang ginagawa.
Sa tuwing umuuwi siya, malayo pa’y natatanaw na niya ang amang si Mang Waldo na isang magsasaka. Dahil sa pagsasaka ay napagtapos siya nito sa pag-aaral.
“Itay, narito na po ako!” sigaw niya.
“O, anak napaaga yata ang dating mo, a! Sandali lang baka marumihan ka!” sagot ni Mang Waldo nang makita nakaapak na sa putik ang anak.
“Huwag niyo po akong alalahanin itay, sanay naman ako na marumihan, eh. ‘Di ba, tinuruan niyo ako na magsaka?” sabi niya.
“P-pero, anak, iba na ngayon, sa Maynila ka na nagtatrabaho kaya hindi ka na nababagay sa putikang ito. Umalis ka na diyan at uuwi na tayo. Kanina ka pa hinihintay ng nanay mo’t kapatid,” wika pa ng ama.
Sa ayos na iyon ni Mang Waldo ay maraming natatawa, puro putik ang buong katawan sa maghapong pagsasaka pero para kay Gilmer ay ipinagmamalaki niya ito. Proud siya na ang tatay niya ay isang magsasaka.
“Mang Waldo, nariyan na pala ang anak mong arkitekto, a!” wika ng isa sa mga kapitbahay.
“Oo, Pareng Cardo kaya nga kakat*yin ko itong tandang para ma-tinola. Paborito ito ng anak ko, eh,” sagot ng lalaki.
“Napakasuwerte niyo namang mag-asawa, may propesyunal na kayong anak na nagtatrabaho sa Maynila,” sabad ng isa pa.
“Naku, sinabi mo pa! Matalino at masipag kasi ‘yang panganay kong iyan, mana sa akin,” natatawang sabi ni Mang Waldo. “Teka nga, Gino, ipag-igib mo ng pampaligo ang Kuya Gilmer mo!” sigaw nito sa bunsong anak.
Kapag umuuwi si Gilmer sa kanila ay espesyal ang trato sa kaniya ng ama dahil siguro panganay siya.
“O, Olivia, ipagluto mo ng masarap ang anak natin ha? Pagod ‘yan sa biyahe. Makahigop man lang ng mainit na sabaw,” sabi pa ng lalaki sa asawa.
“Hindi mo kailangang sabihin ‘yan sa akin, Waldo. Ipagluluto ko talaga ng espesyal na tinola itong anak natin,” sagot ng babae.
Kahit noon ay siya ang prayoridad ng mga magulang porket matalino.
“Itay, inay, ibig ko pong kumuha ng kursong Arkitektura kaso magastos po, eh,” sabi ni Gilmer noon sa mga magulang.
“Huwag kang mag-alala, anak, akong bahala. Kunin mo kahit anong gusto mong kurso,” sagot ni Mang Waldo.
“O, narinig mo iyon, Gino? Saka ka na lang mag-aral ha? Pagkatapos ng kuya mo,” sabad naman ni Aling Olivia sa bunsong anak.
“Tama ang nanay mo, anak. Hayaan mo muna ang kuya mo dahil siya ang magdadala sa pamilya, dapat lang na nasa kaniya ang importansya,” wika pa ng ama.
Kapag naiisip iyon ni Gilmer ay natutuwa siya. Ganoon siya kahalaga sa mga magulang niya. Siya ang pinaka-importante sa mga ito.
Hindi nagtagal at bumalik na siyang muli si Maynila.
“Huwag kayong mag-alala, inay, itay, mas lalo ko pang pagbubutihan sa trabaho para mabigyan ko pa kayo ng mas magandang buhay,” bulong niya sa isip habang nasa biyahe.
Ngunit kahit anong sipag at galing ng isang tao ay nadadala sa tawag ng tukso.
“Hoy, mga pare, mag-boys night out naman tayo! Huwag tayo masyadong masipag sa trabaho,” yaya ng isa sa mga kasama niya.
“Oo nga, Gilmer, sumama ka naman sa amin. Mag-enjoy ka naman!” sabad ng isa.
Sadya yatang malakas ang kamay ng tukso na bumuyo sa kaniya sa masamang bisyo. Dahil doon ay unti-unti niyang napabayaan ang kaniyang trabaho. Malakas makaimpluwensya ang mga kasama niya sa opisina, nalulong siya sa iba’t ibang bisyo gaya ng sugal, alak, at pambababae.
Sa kapabayaan niya ay ilang beses siyang pumalpak sa mga proyektong hinahawakan niya. Paano ba naman siya hindi papalpak, pumapasok siya sa opisina nang lasing o puyat. Mayroon pa nga, malaking halaga ang nawala sa kumpanya nila dahil sa mga pagkakamali niya kaya ayun, kahit isa siya sa mahusay na arkitekto sa kumpanya ay tinanggal siya sa trabaho ng kanilang boss.
“Diyos ko! Nang dahil sa pagbibisyo ko’y nawalan ako ng trabaho. Nabigo ko sina inay at itay sa kanilang pangarap,” nagsisisi niyang sabi sa isip.
Sa nangyari ay wala siyang mukhang maihaharap sa mga magulang kung kaya napilitan siyang maghanap uli ng trabaho.
Madali naman siyang natanggap sa inaplayang kumpanya. Ipinangako niya sa sarili na ihihinto na niya ang mga bisyo niya’t pagtutuunan na ang kaniyang trabaho. Pero tila nasobrahan yata ang kasipagan niya, kung dati ay umuuwi siya sa probinsya para dalawin ang kaniyang pamilya, ngayon ay hindi na. Hindi na rin siya tumatawag sa mga ito. Kapag ang mga magulang naman niya ang tumatawag sa kaniya ay hindi niya ito nasasagot dahil palagi siyang abala sa trabaho. Nakalimutan man lang niyang kumustahin ang mga ito.
Lumipas ang mga buwan at muli na naman siyang tumuntong sa putikang lupa nila sa probinsya. Naisip niya na matagal siyang nawalan ng komunikasyon sa kaniyang pamilya kaya babawi siya sa mga ito. Sosorpresahin niya ang nanay at tatay niya. Nakabili siya ng bahay at lupa sa Maynila at isasama na niya ang mga magulang at kapatid niya roon para sama-sama na sila. Pahihintuin na niya sa pagtatrabaho sa bukid ang ama.
“Matagal na rin pala kaming ‘di nagkikita nina inay at itay. Ngayon ay tiyak na matutuwa sila,” sabik na sabi niya.
Pero biglang napakunot ang kaniyang noon dahil…
“B-bakit wala man lang sumalubong sa akin?” pagtataka niya.
At ang nabungaran niya ay walang pananabik na…
“K-kuya, mabuti’t dumating ka,” lumuluhang sabi ng kapatid niyang si Gino.
“O, Gino, nasaan sina inay at itay?”
“Kuya, sa anim na buwang hindi mo pag-uwi at pagtawag sa amin ay marami nang nangyari. T-tulad ng pagkawala nina inay at itay. Naaksidente ang sinasakyan nilang bus papunta sa kabilang bayan, agaw buhay sila sa ospital pero hindi rin sila nagtagal at….” hagulgol ng kapatid.
Sa narinig ay parang sumabog ang ulo ni Gilmer.
“Ano?! A-anong nangyari?! Bakit ngayon ko lang ito nalaman? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin, sana’y gumawa ka ng paraan para makontak ako sa Maynila!”
“Dahil iyon ang bilin nila inay at itay bago sila sabay na mawala, kuya. Ayaw ka na nilang bigyan ng alalahanin. Etong bank book kuya…lahat ng pera mong ipinapadala sa kanila’y dito nila inilagak. Mas kailangan mo raw ‘yan sa oras na mag-asawa ka na. Para sa kanila ay sobra-sobra na ang naibigay mo sa ating pamilya. Hanggang sa huli ay ikaw pa rin ang prayoridad nila, kuya,” tugon ng kapatid.
Bumuhos ang luha sa mga mata ni Gilmer, puno siya ng pagsisisi, hindi man lang niya nadalaw at nakausap ang mga magulang sa huling pagkakataon. Para saan pa ang mga pinaghirapan niya kung wala na ang mga ito?
“Inay, itay, patawarin ninyo ako!” hagulgol niya nang puntahan niya ang puntod ng mga magulang sa sementeryo.
Hindi na niya maibabalik ang buhay ng nanay at tatay niya pero hindi pa naman natatapos sa pagkawala ng mga ito ang lahat dahil ang mga pinaghirapan niya’y ilalaan naman niya sa kaniyang bunsong kapatid na si Gino. Dito niya ibubuhos ang lahat ng pagsisikap niya. Kung noon, siya ang prayoridad ng mga magulang nila, ngayon ay ang kaniyang kapatid naman ang prayoridad niya.
‘Di nagtagal ay nakatapos din sa pag-aaral si Gino at naging mahusay ring arkitekto gaya niya. Kahit dalawa na lang sila ay patuloy nilang hinarap ang hamon ng buhay nang magkasama. Panigurado’y nakangiti ang kanilang mga magulang habang ginagabayan sila ng mga ito mula sa langit.