Inalok ng Lalaki ang Dalaga ng Trabaho sa Kumpanya Niya; ‘Di Nila Inakala na ‘Pag-ibig’ Pala ang Kahahantungan Nila
‘Di sinasadyang nagkita ang magkaibigang sina Benedict at Mylene. Dati silang magkaklase sa hayskul, sobrang malapit sila noon sa isa’t isa. Pareho pa rin naman sila nang pinasukang kolehiyo pero magkaiba na ang kursong kinuha nila. Nagtapos si Benedict sa kursong Business Management samantalangAccountancy naman ang natapos ni Maylene. Naglalakad ang dalawa sa isang kalye sa Ortigas nang magkasalubong sila.
“Mylene!” gulat na sabi ng lalaki.
“B-Benedict!” wika naman ng dalaga.
Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa labi ni Mylene nang muling makita ang binata pero hindi pa rin maipagkakaila na mayroon siyang problemang dinadala.
“Kumusta ka na? Tagal nating hindi nagkita, a!” nakangiting sabi ni Benedict.
“Oo nga eh, ngayon lang uli kita nakita. Balita ko kasi’y nag-aral ka pa sa States kahit gradweyt ka na rito. Nakabalik ka na pala? Kung tinatanong mo ako well…medyo hindi mabuti, eh. Wala kasi akong trabaho. Nagtanggalan dun sa dati kong pinapasukang kumpanya. Kaya nga narito dahil naghahanap ako ulit ng mapapasukan,” sagot niya.
Pero sadya yatang pinagtagpo sila ng tadhana sa araw na iyon dahil…
“What a coincidence! Mukhang ako yata ang sagot sa problema mo, a!” masayang wika ng lalaki.
“B-bakit naman?”
“Magbubukas kasi ako ng business and i need an accountant. Tapos ka ng accounting, ‘di ba?”
“Oo. Same school pa nga tayo, ‘di ba? Business Management ang natapos mo? Big time ka na ha, nagamit mo talaga ang natapos mong kurso at may business ka na ngayon! Edi okey pala itong pagkikita nating ito, hulog ka ng langit sa akin,” sabi ni Mylene sa kausap.
“Short course lang about business ang pinag-aralan ko sa States. Tamang-tama sa bubuksan kong negosyo. By the way, asikasuhin mo na ‘yung mga credentials mo para wala nang problema, okey?”
“Yes, boss, masusunod po,” pabirong sabi ng dalaga.
Natawa naman si Benedict. “Very good!”
Kinagabihan ay tuwang-tuwa si Mylene habang nakahiga siya sa kama. Naiisip pa rin niya ang muli nilang pagkikita ni Benedict, sa wakas ay nasilayan niya uli ang binata. Ang totoo ay hindi pagkakaroon ng trabaho ang labis na nakakapagpaligalig sa kaniya kundi…
“After so many years…makikita ko na naman siyang palagi. Hindi pa rin siya nagbabago, guwapong-guwapo pa rin,” kinikilig na sabi niya sa isip.
Noon pa man ay may lihim na siyang pagtingin kay Benedict. Kahit noong nasa hayskul pa sila ay crush na crush na niya ito dahil magandang lalaki at matalino. Kahit na mas nakakaangat ang buhay nito sa kaniya ay hindi nag-iba ang pakikitungo nito, napakabait at mapagkumbaba ang binata.
‘Di nagtagal ay madaling naisaayos ang lahat. Nagsimulang magtrabaho si Mylene sa kumpanya ni Benedict. Naging maayos naman ang samahan nila bilang boss at empleyado. Naging mas inspirado pa nga ang dalaga dahil araw-araw niyang kasama sa opisina ang lalaking pinapangarap. Mabilis na lumipas ang anim na buwan at…
“Ang galing ng investment ng kumpanya natin kaya humanda ka, ibo-blow out kita mamaya, okey?” masayang sabi ng lalaki.
“How could i say no to a good boss?” sagot naman niya sa pabirong tono.
Naging matagumpay ang negosyo ni Benedict. Sa isip nga ni Mylene ay suwerte niya dahil buti na lang at sa kumpanya siya nito nakapasok. Maganda na ang pasahod, mabait at guwapo pa ang boss. Kaya nga sa araw-araw na pumapasok siya sa opisina, pakiramdam niya’y siya na ang pinakamaligayang babae.
“Haayy, parang ayaw ko nang umuwi sa bahay. Ayokong nawawala sa paningin ko si Benedict. Habang tumatagal ay mas napapamahal ako sa kaniya. I-I love you, boss!” kinikilig na sabi niya habang pasulyap-sulyap sa lalaki.
Pero maya maya ay tumayo ito sa kinauupuan at nilapitan siya.
“Kanina ko pa napapansing tingin ka nang tingin sa akin. Siguro…may gusto ka sa akin, ano?” diretsang tanong ni Benedict sa kaniya.
“Pinamulahan ng pisngi si Mylene. Nakaramdam siya ng pagkapahiya kaya ang naging reaksyon niya’y…
“Y-yabang mo naman! Diyan ka na nga!” aniya saka inismiran ang binata at umalis.
Nagulat naman si Benedict sa inasal niya. Binibiro lang naman siya nito.
“H-hey, M-Mylene! Wait!”
Hinabol siya ni Benedict. “T-teka, Mylene…so-sorry ha? Na-offend yata kita, hindi ko sinasadya. Promise…mula ngayon hindi na kita bibiruin ng ganoon,” sinserong sabi ng lalaki.
“I’m sorry sir, nagulat lang din ako sa biro mo. Kalimutan na natin ‘yon, okey?” tanging naisagot ni Mylene pero sa loob niya’y may kilig siyang nararamdaman kahit ‘biro’ lang iyon ni Benedict.
Nasa bahay na si Mylene pero parang nagsisi siya sa sinabi niya sa kaniyang boss.
“Sana pala ay sumakay na lang ako sa biro niya. O, I love you, Ben,” sambit niya sa isip.
Kinabukasan, sa opisina…
“O, sige…Lyka, susunduin kita mamaya sa airport. Take care of yourself, sweetheart! Tsup! Babay!” malambing na sabi ni Benedict sa kanilang linya. Babae ang kausap sa telepono.
Narinig iyon ni Mylene. Halos madurog ang puso niya, may nobya pala ang lalaki at susunduin sa airport.
“No…”
Hindi iyon matanggap ng dalaga. Wala na pala siyang pag-asa sa lalaking lihim niyang iniibig. Sa isip niya, kung mananatili pa siya sa kumpanya ay masasaktan lang siya kapag makikita niya si Benedict kaya aalis na lang siya.
Nang sumunod na araw, hindi nakita ni Benedict si Mylene sa opisina, ang nakita lang niya ay ang resignation letter ng dalaga na nakapatong sa desk nito.
“A-ano na naman kaya ang nagawa ko sa kaniya?” nagtatakang sabi ng binata sa isip.
Kinagabihan ay tinungo ni Benedict ang bahay ni Mylene at kinausap ito.
“Bakit ngayon pang kailangang-kailangan kita, saka ka nag-resign?” tanong niya.
“Don’t worry, Benedict, madali ka namang makakakuha ng kapalit ko…marami namang naghahanap ng trabaho ngayon, eh,” tugon ng dalaga.
Hinawakan ni Benedict ang mga kamay ni Mylene.
“Hindi mo ako naiintindihan, eh. What i mean is…kailangan kita sa buhay ko.”
Hindi na papadala pa ang dalaga sa mabulaklak nitong dila kaya…
“Ngayon ko lang nalaman na bolero ka pala, Benedict. Pwede ba, huwag kang mamamangka sa dalawang ilog,” diretsa niyang sabi.
Alam na ni Benedict ang tinutukoy niya kaya…
“Ang narinig mo sa opisina ay gawa-gawa ko lang, Mylene. Hindi totoong may kausap akong babae sa telepono. Naisip kong pagselosin ka upang mahuli ko ang tunay mong nararamdaman sa akin. Ngayon ay natitiyak ko nang pareho tayo ng damdamin, Mylene. Noon pa man ay may pagtingin na rin ako sa iyo. Hindi lang kita niligawan dahil gusto ko munang may mapatunayan at magtagumpay sa buhay bago ko ihayag sa iyo ang nararamdaman ko, At ngayong stable na ako’y handa na kitang pakasalan sa lahat ng simbahan,” bunyag ng lalaki.
Ikinabigla ni Mylene ang pagtatapat na iyon ni Benedict. Hindi niya inakala na matagal na rin pala siyang tinatangi nito. Nag-antay lang ito ng tamang pagkakataon. Namalayan na lamang niya na umiiyak na siya nang yakapin siya ng lalaki.
“I love you, Mylene,” sinserong sabi ni Benedict saka hinalikan siya sa labi.
“I love you too,” tangi niyang naisagot.
‘Di nagtagal ay inasikaso na nila ang preparasyon sa kanilang kasal. Ang sabi nga ni Mylene ay dapat ligawan muna siya si Benedict bago sila ikasal pero ang sagot ng binata, kung nagkakaunawaan na ang kanilang mga puso ay hindi na iyon kailangan. Magtiwala na lang sila sa nararamdaman nila sa isa’t isa dahil iyon naman talaga ang pinakamahalaga.
Makalipas ang isang taon ay nagbunga ang pagmamahalan nila ng isang malusog na sanggol. Naging maligaya ang pagsasama nila bilang mag-asawa lalo pa’t ganap na silang mga magulang.