Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kaniyang Kakaibang Sakit ay Natanggal Siya sa Trabaho; Makatao Ba ang Dahilan sa Likod Nito?

Dahil sa Kaniyang Kakaibang Sakit ay Natanggal Siya sa Trabaho; Makatao Ba ang Dahilan sa Likod Nito?

“Oy, Gabriel paparating na si boy utot oh!” Natatawang wika ni Michael nang makitang paparating na ang kasamahan nilang si Boy Ututin na si Harold.

Agad namang siniko ni Michael ang kaibigan. “Manahimik ka nga r’yan. Alam mo namang hindi sinasadya ni Harold ang ma-utot lagi. Kung ikaw ang magkaroon ng sakit na gaya niya. Malamang mararamdaman mo rin ang hiyang nararanasan niya,” inis na wika ni Gabriel.

“Kalma! Masyado ka namang apektado. Hindi naman ikaw si Harold,” nakataas kamay na wika ni Michael.

“Hello, good morning!” bati ni Harold sa mga kasamahan niya.

“Ano ba naman ‘yan, Harold, nag-amoy utot no’ng dumaan ka!” ismid na reklamo ni Anna sabay takip ng ilong.

“G-gano’n ba? Pero hindi pa naman ako umuutot, Anna…” Nahihiyang sambit ni Harold sabay yuko.

“Malamang ‘yong utot mo Harold, nakakabit na sa buong katawan mo. Kaya nag-aamoy utot ka na kahit hindi ka pa naman nagbubuga ng masamang hangin,” natatawang singit naman ni Yani, officemate din nila.

Sa inis ni Gabriel ay agad siyang tumayo upang ipagtanggol si Harold, ngunit agad naman siyang pinigilan ni Michael.

“Huwag ka na lang makialam p’re,” pigil ni Michael.

“P-pero—”

“Palampasin mo na. Biruan lang naman ‘yon,” anito.

May biro bang nakakasakit ng damdamin? Kung gano’n ang biro ay huwag na lamang sanang magbato ng biro ang mga ito. Hindi kasalanan ng isang tao kung may kapansanan siya.

“Gabriel, Gabriel!” Humahangos na tawag ni Michael sa kaibigan.

“Ano ba iyon? Para namang timang ‘to,” wika ni Gabriel.

“Nakarating na ba sa’yo ang balitang tinaggal na si Harold sa trabaho, dahil sa pagiging boy ututin niya?”

“Ano kamo?!”

“Oo. Kakasagap ko lang nang balitang iyan kanina. Grabe nakakaawa naman si Harold. Dahil sa karamdaman niya kaya siya nawalan ng trabaho. Ang sabi kasi ay marami daw ang nagreklamong nangangamoy ut*ot na daw ang buong paligid dahil kay Harold, kaya nakapagdesisyon si Sir Russel, na tanggalin na lang si Harold para wala nang problema.”

“Iyon lang ang dahilan nila kaya tinanggal nila si Harold?” May halong inis na wika ni Gabriel.

Agad namang tumango si Michael at malungkot na yumuko.

“Grabe naman sila. Walang taong perpekto. Saka oo pala-utot nga si Harold, pero sobra naman ‘yong bintang nilang nangangamoy utot na ang buong paligid,” salubong ang kilay na sambit ni Gabriel. “Maghahalf day ako p’re.”

“Saan ka pupunta?”

“Kay Harold. Tutulungan ko siyang magpaliwanag sa boss natin. Ang tagal na niya rito sa kumpanya natin para tanggalin na lang nang gano’n kadali. Walang hustisya ang gano’ng pangyayari.” Naiinis na wika ni Gabriel.

Saka pumunta sa gitna para paringgan ang mga maaarteng kasamahan. “Masaya na ba kayo? Masaya kayong may nawalan ng trabaho dahil sa kaartehan niyo? Lahat naman tayo umuut*ot, dahil wala namang perpekto sa’ting lahat. Pero sadyang napakaarte niyo lang at gusto niyo pang matanggal si Harold. Grabe! Hindi niyo man lang naisip ang pamilyang kailangang buhayin no’ng tao.”

Nasa mismong opisina si Gabriel ngayon kasama si Harold. Hindi pwedeng matanggal na lang si Harold nang basta-basta na tila ba hindi nila pinakinabangan ‘yong tao.

“Marami na kasing reklamo ang nakarating sa’kin Harold. Ang sabi nila ay nangangamoy masamang hangin na sila dahil sa’yo,” pormal na wika ni Boss Russel.

“Pasensiya na po kayo sir kung palagi akong nagbubuga ng masamang hangin. Ang totoo po kasi sir ay mayroon akong impeksyon sa colon, hindi pa naman siya cancer. Pero iyon po ang dahilan kung bakit ganoon. Nagpapagamot naman po ako at may maintenance na iniinom, pero talagang hindi ko maiwasang umutot. Hindi ko naman po ginusto iyon…

Ayon sa doktor na tumitingin sa’kin ay side effect daw iyon ng gamot na iniinom ko at normal daw ang pag-utot lalo na kapag may infection ka sa loob ng tiyan. Kaya patawarin niyo po ako kung mayrpon akong gano’ng klaseng kapansanan,” mangiyak-iyak na wika ni Harold.

“Pero Sir Russel, kailanman ay hindi naging kasalanan ng isang taong may kapansanan siya. Kaya hindi sapat na dahilan ang kapansanan niya para tanggalin niyo siya nang gano’n na lang. Matagal din siyang nagserbisyo sa kumpanya niyo, tapos sa maliit na kapansanan niya’y babalewalain niyo na lamang siya,” sabat naman ni Gabriel.

“Ayos lang ‘yon p’re,” kausap ni Harold sa nanggagalaiting si Gabriel.

“Ganito na lang, Harold. Babawiin ko ang sinabi ko sa’yo kaninang umaga. Pasensiya ka na kung hindi ko pinakinggan ang eksplanasyon mo bago ako nagdesisyon. Para wala ka nang maperwisyong kasamahan. Bibigyan na lamang kita nang sarili mong opisina. ‘Yong ikaw lang mag-isa, para wala na akong marinig na reklamo sa iba. Ayos lang ba iyon?” wika ni Russel.

“Sobra-sobra na po iyon, sir! Maraming salamat po…” mangiyak-iyak na sambit ni Harold.

Iyon na nga ang ginawa ni Russel, sa hiwalay na pwesto inilagay si Harold, upang wala nang magreklamo pa. Laking pasasalamat naman ni Harold kay Gabriel, dahil ito lamang ang bukod tanging tumulong sa kaniya— kahit hindi naman sila malapit sa isa’t-isa.

Kailanman ay hindi kasalanan ang magkaroon ng kapansanan. Huwag basta-bastang manghusga, dahil lahat tayo ay hindi perpekto.

Advertisement