Ipinagkalat ng Lalaki na Gold Digger Daw ang Kaniyang Nobya; Mapapahiya Siya Kapag Nalaman ang Katotohanan
“Niloko mo ako Silva! Ang sabi mo sa’kin ay ako lang. Bakit ngayon ay may iba ka na? Hinuthutan mo lang ako!” Galit na wika ni Marco sa nobyang si Silva.
“Wala akong iba, Marco. Masyado ka lang talagang mapaghinala kaya nasakal ako sa’yo,” umiiyak na wika ni Silva.
“Ibalik mo sa’kin ang lahat ng bagay na ibinigay ko sa’yo. Mula doon sa selpon at mga alahas, pati na rin ‘yong wine na mamahaling iniregalo ko! Lahat Silva, lahat!” Galit pa ring wika ni Marco.
“Grabe ka naman, Marco. Kusa mong ibinigay ang lahat nang iyon, hindi ko hiningi ‘yon sa’yo. Binigay mo ‘yon dahil ang sabi mo mahal mo ako.”
“Nagbago na ang lahat. Ngayon ay binabawi ko na. Isa kang gold digger, Silva,” puno nang hinanakit na wika ni Marco, sabay putol nito sa tawag.
Umiiyak na tinitigan ni Silva ang selpon na ngayon ay nakababa na. Mali si Marco sa sinabing isa siyang gold digger, dahil minsan man ay hindi niya hinuthutan ang nobyo. Kusang loob nitong ibinigay ang lahat sa kaniya, dahil ayon dito ay mahal na mahal siya nito. Pero sadang nasasakal na siya sa pagmamahal ni Marco, kaya siya nakikipaghiwalay rito ngayon.
Makalipas ang tatlong araw ay nakipagkita na rin siya sa dating nobyo, bitbit ang mga kagamitang pinapabalik nito sa kaniya– mga gamit na nasa kaniya pa rin hanggang ngayon.
“Dala ko na ang lahat nang gamit na hiningi mo. P-pero Marco ‘yong iilan ay hindi ko na maibabalik pa,” mahinahong wika ni Silva.
“Ang mahahalagang bagay lang Silva, gaya no’ng wine, selpon, titulo ng lupang pinabili ko para sana matirhan natin kapag nag-asawa na tayo at ‘yong mga damit pantulog na binigay ko. Mahal ang mga iyon, pikit mata kong binili para sa’yo tapos lolokohin mo lang ako nang ganito,” galit na sumbat ni Marco.
“Alam ko Marco, pero sana maisip mo rin na hindi ko hiningi ang mga bagay na iyon mula sa’yo. Kusa mong binili at ibinigay. Tapos ngayong makikipaghiwalay ako sa’yo ay babawiin mo at pagbibintangan mo pa akong gold digger. Teka lang kailan ba kita hinuthutan? Dahil wala akong matandaan!” Dere-deretsong sambit ni Silva sa inis.
“Binigay ko ‘yon para ipaabot sa’yong mahal na mahal kita.”
“Kaya nga! Ibinigay mo ‘yon sa’kin nang kusa. Kaya huwag mong sasabihin sa gold digger ako. Dahil hindi ko hiningi ang mga bagay na ‘yan!” Sagot naman ni Silva.
“Pero manloloko ka, Silva!”
“Hindi kita niloko Marco, ikaw lang ang laging nag-iisip nang bagay na iyan. Mahal kita, minahal kita nang sobra. Pero wala kang tiwala sa’kin.” Namamasang mga mata na wika ni Silva. “Hindi por que magkalayo tayo ay lagi mo na lang iisipin na lolokohin kita. Dapat nagtiwala ka sa’kin Marco, pero ni minsan hindi mo ako pinagkatiwalaan. Lagi mo na lang akong pinagdududahan.
Hindi ko lang masagot ang tawag mo, iniisip mo kaagad na nanlalalaki na ako. Sa t’wing nag-aaway tayo, isinusumbat mo lagi sa’kin ang mga mamahaling gamit na ibinigay mo,” umiiyak na wika ni Silva.
“Hindi ko maiwasang isipin na niloloko mo lang ako Silva,” prangkang wika naman ni Marco. “Habang nandoon ako sa USA lagi kong iniisip na nagpapakasasa ka dito sa perang pinapadala ko habang ginagamit ang mga gamit na galing sa’kin.”
“Lahat ng gamit ba ibinigay mo ay nar’yan at dala ko. Pati ang bank account ng perang pinadala mo. Hindi iyan kumpleto dahil nagamit ko na ang iba pati na ang pera, pero sigurado akong halos lahat ng ibinigay mo ay nar’yan.” Turo ni Silva sa mga dalang gamit. “Ayokong masabihang gold digger kaya ibabalik ko na ang mga iyan sa’yo.”
Tameme namang nakatitig lang si Marco sa kaniya at sa mga gamit na dala niya.
“Iyang wine, hindi ko pa ‘yan nabubuksan. Ang mga damit pantulog naman na iyan ay hindi ko pa nasusuot. Hindi ako sanay magsuot nang ganyan ka seksing damit, dahil sapat na sa’kin ang pajama. Iyang selpon, nagamit ko na ‘yan, pero sinisiguro kong maayos pa iyan dahil iningatan ko ‘yan. Ang titulo ng lupa ay na r’yan na rin. Kung alam ko lang Marco na babawiin mo rin naman pala lahat sana sa t’wing magbibigay ka ay itinago ko na lang. Baka kumpleto ko pang maibabalik ang lahat ng gamit mo.”
“Silva—”
“Hindi lahat ng babae ay pera at materyal lang na bagay ang habol. Hindi ako gold digger, sana napatunayan ko na iyon sa’yo Marco. Masaya akong naging parte ka ng buhay ko. Naibigay ko na ang lahat ng gamit mo, kaya hanggang dito na lang siguro tayo,” aniya saka nagpaalam na sa lalaki at agad na ring umalis.
Masakit mapagbintangan lalo na kung hindi ka naman talaga gano’ng klaseng babae. Ang mas masakit pa ay ang pagbintangan ka ng lalaking dati mong minahal at akala mo’y lubos na nakakakilala sa iyo.