Inday TrendingInday Trending
Umani Siya ng Panlalait Dahil sa Kaniyang Lumang Sapatos; May Malungkot Palang Istorya Ito

Umani Siya ng Panlalait Dahil sa Kaniyang Lumang Sapatos; May Malungkot Palang Istorya Ito

Maingat na pinunasan ni Cara ang kaniyang gasgas na sapatos bago lumabas ng bahay.

Lakad takbo ang ginawa niya upang makarating nang mabilis sa kanilang sa eskwelahan.

Malayo pa sa gate ng school ay tanaw na tanaw niya na ang kumakaway na kaibigang si Anya.

“Cara! Bilisan mo! Magsisimula na ang laro!” Narinig niya sigaw nito mula sa malayo.

Isang basketball player si Cara. Bago lamang siya sa team at iyon ang unang unang beses na makakapaglaro siya.

Sa narinig ay kumaripas ng takbo si Cara. Sigurado kasi siya na mapapagalitan na naman siya ng kanilang coach.

Narinig niya pa ang pagsigaw nito. “Goodluck!”

“Delos Reyes! Bilisan mo, ilang minuto na lang, magsisimula na ang laro!” Malakas na sigaw ng kaniyang coach.

Nang makalapit siya ay napako ang tingin nito sa kaniyang lumang lumang sapatos. Tumaas ang kilay nito.

“Ano ‘yang suot mo?” Nakapamewang na sabi nito.

“Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na palitan mo na ‘yang sapatos mo na bulok? Mamaya maka-apekto pa ‘yan sa puntos na kaya mong ibigay sa team!” Mataray na talak nito.

“Coach wala naman po ‘yun sa sapatos. Nasa determinasyon po ‘yun. Nag-training naman po tayo, sigurado akong kayang kaya manalo ng team natin.” Sagot ni Cara.

“Cara, wala ka bang ibang sapatos? Mamaya niyan madapa ka pa mamaya, matalo pa ang team natin!” Sabad naman ni Aria, isa sa mga itinuturing na “star player” ng team nila.

Sumabog ang malakas na tawanan habang pawang nakatingin ang mga ito sa lumang sapatos ni Cara.

“May dahilan kung bakit mahalaga sa akin ang sapatos na ito. Sana ay respetuhin niyo ‘yun.” Nakayukong sagot ni Cara sa mga ka-team.

“Yaan niyo na, siguro ‘yan lang ang nag-iisang sapatos ni Cara.” Nakangising sabat ni Zel, isa din sa mga hindi niya makasundo sa team.

Kumuyom ang kamay ng pobreng si Cara. “Madami akong sapatos.” Sagot ni Cara.

Muli silang nagtawanan. “Sabi mo e.” Nang-aasar na sagot ni Zel at nakipag-apir pa kay Aria.

Naputol lamang ang tawanan nila nang sumigaw ang kanilang coach. “Magsisimula na, pumwesto na kayo!”

Kakaibang determinasyon ang naramdaman ni Cara. Gusto niya patunayan sa mga kalaro na hindi kailangan ng magandang sapatos upang maging magaling na manlalaro.

Nagsimula na nga ang laro. Sa unang kalahati ng laro ay lumamang kaagad ang kalaba. Kahit marami ang magaling mag-shoot ng bola sa team nila Cara, mas maliksi ang mga miyembro ng kabilang team kaya naman madalas maagaw ng kalaban ang bola.

“Kailangan niyo pantayan ang likso ng kabilang team.” Wika ng coach. “Kung hindi ay matatalo tayo.”

Mas lalong naging determinado si Cara sa narinig. Mahalaga sa kaniya ang manalo.

Sa huling isang minuto ay napunta kay Cara ang bola. Lamang ng dalawang puntos ang kalaban.

Kapag nai-shoot ko ang bola, lalamang kami ng isang puntos, sa isip isip ni Cara. Nang luminga siya sa paligid, nakita niya ang kaniyang mga teammate. Puno ng pag-asa ang mga mata ng mga itong nakatutok sa gagawin niya.

Isang maikling dalangin ang inusal niya bago shinoot ang bola bago pumikit.

Umugong ang malakas na sigawan. Nang dumilat si Cara, nakita niya ang kaniyang mga teammate na palapit sa kinaroroonan niya. Masaya ang mukha ng mga ito.

“Nanalo tayo!” Sigaw ng mga ito.

Maraming lumapit sa kaniya upang bumati, dahil siya raw ang “nagpanalo” sa kanilang team.

Habang nakatingin sa nagkakagulong mga estudyante, bumulong si Cara. “Lara, nanalo tayo.” May pait sa kaniyang ngiti.

“Gusto niyo bang sumama sa bahay? Nag-invite ang mama ko, mahahanda daw siya para sa pagkapanalo ng team.” Maya maya ay aya niya sa mga ka-team.

Natigilan ang mga ito. Iyon kasi ang unang beses na nagyaya siya sa kanilang bahay dahil siya ang pinakabagong miymebro ng team. Isa pa ay hindi naman siya gaanong close sa mga ito.

“Tara! Para naman mas makilala natin si Cara.” Masiglang pagtanggap ni Carson sa kaniyang imbitasyon.

Masigla nilang nilisan ang eskwelahan.

“Wow! Ang laki ng bahay niyo, Cara!” Awang ang labi ni Aria nang makarating sa kanilang tahanan.

Sinalubong naman sila ng butihing ina. “Mabuti naman at nakarating kayo.” Nakangiting wika ng ina.

“May ipapakita ako sa inyo.” Agad na yaya ni Cara sa mga ka-team nang makapasok sila sa malaking bahay.

Sabay sabay napasinghap ang kaniyang mga kasama nang ipakita ni Cara sa mga ito ang isang kwarto na punong-puno ng mamahaling sapatos.

Iba ibang klase ng sapatos ang makikita doon, may rubber, sneakers, high-heeled shoes, boots, leather, at madami pang iba.

Nagtatanong ang mga mata ng mga ito na bumaling kay Cara. “Kung marami kang sapatos, bakit nagtitiyaga ka sa lumang sapatos na ‘yan?”

Mapait na ngumiti si Cara. Saglit na lumabas ng silid na iyon at bumalik na hawak-hawak ang isang larawan.

“May kakambal ka?” Pawang gulat ang gumuhit sa mukha ng mga ito nang makita ang larawan.

“Oo. Dati,” malungkot na sagot ni Cara.

“Siya si Lara. Ang kakambal ko. Pangarap niyang maging isang basketball player. Pero nung nakaraang taon lang, pumanaw siya mula sa isang car accident kasama ang papa ko.” May tumulong luha sa mga mata ni Cara.

“At ang sapatos na ito ang paborito ni Lara. Kaya naman mahalaga ito sa akin dahil kapag suot ko ito, parang kasama ko pa rin siya.”

Matagal na namayani ang katahimikan. Walang nakapagsalita, bawat isa ay tila inaaalala ang mga masasakit na salitang binanggit kay Cara at sa luma nitong sapatos.

Unang nakabawi si Aria.

“Pasensiya ka na, Cara ha. Hindi ko naman alam na may malungkot palang kwento ang luma mong sapatos,” nahihiyang paumanhin nito.

“Hindi pa ako naniwala sa sinabi mo na marami kang sapatos. Totoo pala!” nakangiwi namang wika ni Zel.

“Siguro ay tinulungan din tayong manalo ni Lara, ano?” Nakangiting saad ni Carson.

“Simula ngayon, maglalaro na tayo para kay Lara.” Napalingon sila sa pinto nang may magsalita.

“Coach!” Sabay sabay nilang sigaw.

Humingi din ng pasensiya si Coach Mila kay Cara.

“Tama ka, Cara. Wala sa ganda ng sapatos ‘yan. Masusukat sa determinasyon ang tagumpay. At kung ano ang inspirasyon mo sa mga bagay na ginagawa mo.”

Nakahinga naman nang maluwag si Cara. Parang isang tinik ang nawala sa kaniyang dibdib. Mukhang nakahanap din siya ng mga bagong kaibigan sa katauhan ng kaniyang bagong team.

Advertisement