Inday TrendingInday Trending
Pinagtabuyan ng Ginang ang Nobyo ng Anak Dahil Mahirap Lang Ito, Naliwanagan Siya nang Makitang Masaya ang Anak sa Piling Nito

Pinagtabuyan ng Ginang ang Nobyo ng Anak Dahil Mahirap Lang Ito, Naliwanagan Siya nang Makitang Masaya ang Anak sa Piling Nito

“Nataniel, hinahamon mo ba talaga ako? Hindi mo ba talaga ako papakinggan? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, layuan mo ang anak ko? Hindi kayo bagay, hindi kayo magkapantay!” bulyaw ni Aling Elita sa nobyo ng anak, isang araw nang dumalaw ito sa kanilang bahay.

“Hindi naman po hadlang ang estado ko sa buhay para po mahalin ang inyong anak,” giit nito saka pilit na iniaabot sa kaniya ang mga prutas na dala.

“Hindi sapat ang pagmamahal mo, Nataniel! Maipapakain mo ba sa anak ko ‘yon? Ang kailangan niya, pera at pagmamahal, hindi pagmamahal lang!” sigaw pa niya saka ibinalik ang isang supot na prutas.

“Handa naman po ako magbanat ng buto para sa kaniya. Gagawin ko po ang…” hindi na niya pinatapos pa ang binata sa pagsasalita at agad na niya itong pinaalis.

“Tumigil ka na! Ayoko sa’yo, hiwalayan mo ang anak ko sa lalong madaling panahon!” sigaw niya pa saka padabog na isinara ang pintuan ng kanilang bahay.

May bahay ng alkalde sa kanilang lalawigan si Elita habang isa naman siyang negosiyanteng nagbebenta ng mga palamuti sa mukha na naging dahilan upang sila’y umangat sa buhay. Nagawa nilang pag-aralin sa naggagandang mga unibersidad sa Maynila ang kanilang tatlong anak na ngayon, may sari-sarili nang trabaho.

Maayos at masaya naman ang kanilang buhay lalo na’t sagana sila sa lahat ng materyal na bagay. Ngunit tila bigla na lamang sumakit ang kaniyang ulo sa balitang dala ng kaniyang bunsong anak.

Pinakilala ng kaniyang bunsong anak ang nobyo nito na isang serbidor sa isang restawran na paborito nilang kainan na labis niyang ikinadismaya dahilan upang tutulan niya agad ang relasyon ng mga ito.

Nakikita niya mang malungkot ang anak sa tuwinang tinataboy niya ang nobyo nito sa bawat pagbisita sa kanila, lagi niyang sinasabi sa anak, “Inililigtas lang kita sa mahirap na buhay na maaari mong makamtam sa kaniya.”

Noong araw na iyon, pagkasara niya ng kanilang pintuan, nadatnan niya ang kaniyang anak na humahagulgol sa isang sulok. Nilapitan niya ito upang kausapin ngunit bigla siyang nagulat sa sinabi nito.

“Sobra na ‘tong ginagawa niyo, mommy, ayoko na!” sigaw nito saka tumakbo patungo sa kwarto.

“Anong sobra? Ikaw ang sobra, sobrang t*nga mo sa pamimili ng lalaking mamahalin! Kung gusto mo talaga do’n sa lalaking ‘yon, lumayas ka sa pamamahay ko!” bulyaw niya dito at sa sobrang inis, nagkulong din siya sa kaniyang kwarto.

Pilit niyang ikinalma ang sarili saka nagpunta sa kwarto ng anak upang ito’y paliwanagan ngunit bigla siyang nanlambot nang makitang ni isa sa mga gamit ng anak ay wala na. Agad niyang tinawagan ang kaniyang asawa upang agad na ipahanap ang anak.

Pinuntahan din nila ang nobyo nito at doon na nga nilang nakumpirmang nakipagtanan na ang kaniyang anak.

Ginawa ng kaniyang asawa ang lahat upang matunton ang anak at ilang araw lang ang lumipas, pumutok ang balitang nasa probinsya raw ang dalawa. Wala silang segundong sinayang at agad na bumiyahe patungo kung nasaan ang anak. Desidido ang ginang na si Elita na bawiin ang anak. Paulit-ulit niyang sinasabi, “Hindi maaaring maging mahirap ang anak ko, hindi ako papayag.”

Apat na oras ang nakalipas at natunton na nga nila ang tinutukoy na bahay ng binata sa probinsya. Tanaw-tanaw nila mula sa malayo ang isang bahay-kubo kung saan sinasabing naninirahan ang kanilang anak.

“Kawawang bunso ko, tiyak hindi siya nakatutulog ng ayos d’yan,” awang-awa niyang sambit, napabuntong hininga lang ang kaniyang asawa.

Ngunit bigla silang napatigil sa paglalakad nang biglang lumabas ng bahay ang kanilang anak. Naupo ito sa lamesa sa harapan ng bahay-kubo at masayang iniayos ang mga pagkain dito. Mayamaya pa, lumabas na rin ang binatang si Nataniel, at tinulungan itong mag-ayos. Ilang saglit lang, lumabas na rin ng bahay ang mga kapamilya ng binata at salu-salo silang kumain.

Walang nasabi ang ginang sa kasiyahang kaniyang nakita.

“Unang bes kong nakitang humalakhak nang ganyan ang anak natin,” sambit niya sa asawa.

“Siguro nga, Elita, kailangan na natin siyang pabayaan sa nais niya, lalo na kung doon siya mas sasaya. Tingin ko, hindi na kailangan ng anak natin ang pera, mayroon na siya noon, eh, ang kailangan niya, pagmamahal na puro at totoo, na hindi natin naibigay sa kanilang magkakapatid,” sambit ng kaniyang asawa na labis niyang kinaiyak. Agad siyang niyakap ng asawa at mayamaya lang, napagdesisyunan nilang lumapit sa pamilyang masayang kumakain.

“Pwede ba kaming makisalo?” sambit ni Elita na labis na ikinagulat ng kaniyang anak.

“Mo-mommy?” gulat na gulat na sambit ng kaniyang anak habang pinagmamasdan siyang makisalo sa pagkain.

“Kailan niyo ba balak ikasal, Nataniel?” nakangiting tanong niya na agad na pinagbunyi ng buong pamilyang nakarinig nito.

Ilang taon pa ang nakalipas, matagumpay na ngang ikinasal ang dalawa. Nag-umapaw ang luha’t saya ng ginang na si Elita dahil sa sayang nakikita niya sa mata ng kaniyang anak habang naglalakad sila patungong altar.

“Ngayon napatunayan ko nang mas mahalaga ang pagmamahal kaysa sa pera,” sambit niya saka iniabot ang kamay ng anak sa binatang dati’y itinataboy niya.

Bilang mga magulang, ayaw nating makaranas ng hirap ang ating mga anak dahilan upang maging mapili tayo sa kanilang mapapangasawa. Ngunit lagi rin nating isaisip, walang silbi ang pera kung walang pagmamahal na humuhubog sa isang relasyon.

Advertisement