Inakala ng Babaeng Ito na Kaya na Niyang Mamuhay Mag-isa, Napagtanto Niyang Mali Siya nang Minsang Maospital ang Ina
“Mama, ano ba ‘yan? Bakit wala pa tayong ulam? Alas diyes na ng gabi, hindi pa ako naghahapunan!” reklamo ni Kath, isang gabi pagkauwi niyang galing trabaho.
“Ay, pa-pasensiya ka na, anak, medyo masama ang pakiramdam ko, eh. Teka, ipagluluto kita,” uutal-utal na sagot ng kaniyang ina saka dahan-dahang tumayo mula sa pagkakahiga.
“Huwag na! Mahiga ka na lang d’yan! Ako na ang magluluto, hindi naman ako pagod sa trabaho, eh,” sarkastikong tugon niya saka padabog na kinuha ang kawaling kaniyang paglulutuan.
“Ako na, anak, nakakahiya naman sa’yo, pasensiya ka na,” kamot-ulong sabi ng kaniyang ina saka pilit na kinukuha ang kawali sa kaniya.
“Ako na nga, sabi, eh! Kaya ko na mag-isa! Mahiga ka na lang doon!” bulyaw niya sa ina habang pilit na hinaltak ang kawali sa kamay nito. Nawalan ito ng balanse dahil sa lakas ng kaniyang haltak dahilan upang matumba ito’t bigla na lang mawalan ng malay, “Mama!” tanging sigaw niya.
Bunso sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Kath at siya na lang ang tanging naninirahan sa piling ang kanilang ina sa bahay na kanilang kinalakihan. Pawang may sari-sarili na kasing pamilya ang kaniyang dalawang kapatid dahilan upang siya na lamang ang bumuhay sa kaniyang ina.
Laking tuwa niya noong mga unang buwan matapos umalis ang kaniyang mga kapatid. Ika niya, “Sa wakas, masosolo ko na ang bahay,” ngunit ilang buwan pa ang lumipas, tila ganoon na lamang siya unti-unting naiinis sa kaniyang ina.
May katandaan na rin kasi ito at unti-unti nang nag-uulyanin dahilan upang palagi nitong makalimutan siyang ipagluto ng pagkain na talaga nga namang kaniyang kinakagalit gabi-gabi.
Noong gabing iyon, napalitan ng pag-aalala ang galit na nararamdaman niya nang bigla na lamang bumagsak ang kaniyang ina. Agad siyang humingi ng tulong at sa kabutihang palad naman, matagumpay na nalunasan sa ospital ang kaniyang ina.
Ngunit kahit pa nalunasan na ang kaniyang ina, kinakailangan pa rin itong obserbahan para tuluyan nang matukoy ang sakit nito, kaya naman namalagi muna ito sa ospital.
Dahil nga kinakailangang kumita upang may maipangbayad sila sa gastusin sa ospital, pinilit niya pa ring pumasok sa trabaho habang bantay ng kaniyang mga kapatid ang kanilang ina.
Papasok siyang gutom, uuwing gutom, ganito ang araw-araw na nararanasan niya simula noong maospital ang ina dahilan upang mapagtanto niyang malaking kakulangan kapag wala ang kaniyang ina.
“Mabuti pa pala noong malakas pa si mama, nagagawa niya pa akong lutuan ng pagkain kahit na minsan nakakalimutan niya. Siguro nga, hindi ko pa kayang mag-isa, ni hindi ko maalagaan ng ayos ang sarili ko,” sambit niya, isang gabi habang siya’y pauwi mula sa trabaho, ipit-ipit ang sumasakit niyang sikmura. Nangako siya sa sariling gagawin ang lahat upang makabawi sa kaniyang ina.
Dumating ang araw na siya naman ang nakatoka upang bantayan ang ina habang umuwi naman sa sariling pamilya ang kaniyang isang kapatid. Labis niyang inasikaso ang ina, punas dito, punas doon, kapag nagigising ito, pinapakain niya ito ng mga prutas at gulay upang lumakas.
Ngunit habang sinusubuan niya ang ina, bigla na lamang ito nagsalita, “Pakiramdam ko, hindi mo na ako kailangan, anak. May trabaho ka na, kaya mo nang gumawa ng mga gawaing bahay, tiyak isang araw bubuo ka na rin ng sarili mong pamilya, saan naman ako pupulutin no’n, ‘di ba? Kaya siguro dapat na rin ako mawala,” saka ito pilit na ngumiti na agad nagpaluha sa kaniya.
“Kailangan kita, mama, hanggang sa dulo ng hininga ko. Ako bahala sa’yo, kahit pa magkapamilya ako,” mangiyakngiyak niyang sambit saka mariing niyakap ang ina.
Ilang araw lang ang lumipas, tuluyan nang nakalabas ang kaniyang ina. Agad niya itong pinasyal at pinakain sa paborito nilang restawran. Kitang-kita niya ang matatamis na ngiti ng ina na talaga nga namang kaniyang ikinatuwa.
Dumating ang panahon na nakatagpo na nga siya ng mamahalin at katulad ng kaniyang pangako sa ina, ginawa niya ang lahat upang hindi ito mawala sa kaniyang tabi.
Kinasal man siya at tuluyan nang nakabuo ng sariling pamilya, hindi siya nag-aalinlangang patuluyin ang ina sa bago nilang tirahan dahil ‘ika niya, “Si mama ang pang habang buhay kong kayamanan.”
Kapag naabot na natin ang ating mga pangarap, may pagkakataong inaakala nating hindi na natin kailangan ang ating ina at kaya nang mamuhay mag-isa. Ngunit nawa’y habang nabubuhay sila, iparamdam nating kahit ano mang mangyari, kailangan pa rin natin sila sa ating buhay.