Inday TrendingInday Trending
Binalak ng Dalaga na Isumbong ang Kaibigan Nang Malamang Nataasan Siya Nito sa Trabaho, Natameme Siya Nang Makita ang Katotohanan

Binalak ng Dalaga na Isumbong ang Kaibigan Nang Malamang Nataasan Siya Nito sa Trabaho, Natameme Siya Nang Makita ang Katotohanan

“Elsa, nabalitaan mo na bang tumaas na ang posisyon no’ng kaibigan mong si Rita dito sa restawran natin? Grabe no, ang galing, supervisor na siya!” balita ni Shella, bakas sa mukha nito ang saya sa tagumpay ng kanilang katrabaho.

“Anong magaling doon? Sadyang magaling lang sumipsip ‘yong taong ‘yon sa manager natin! Nakakainis, nauna ako sa kaniya dito, nauna pa siyang umangat sa akin!” pabalang na sagot ni Elsa habang padabog na pinupunasan ang lamesa sa restawran na pinagtatrabahuhan.

“Maghunos-dili ka, Elsa, kaibigan mo naman ‘yon, eh. Akala ko pa naman magiging masaya ka sa balita ko,” dismayadong sagot ng kaniyang katrabaho.

“Paano nga ako magiging masaya kung nauna siyang umangat sa akin, ha? Isang taon pa lang siya dito, eh, ako tatlong taon na, isa pa rin akong serbidora!” inis niya pang ika saka bahagyang sinipa ang isang upuan.

“Naku, Elsa, huwag kang ganyan. Dadating din ang pag-angat mo, huwag kang mag-alala,” payo nito sa kaniya upang bahagya siyang kumalma.

“Ewan, nakakasira ng araw!” bulyaw niya pa saka nagmadaling pumasok sa kusina.

Isang serbidora sa isang restawran sa loob ng isang kilalang hotel ang dalagang si Elsa. Pagkatapos na pagkatapos niya sa kolehiyo, agad na siyang nagtrabaho dito. Ni hindi na niya nga nagawang makahanap ng nobyo dahil sa pagkasubsob sa trabaho.

Maganda ang pasahod dito dahilan upang unti-unti siyang makaipon para sa kaniyang pamilya. Ito rin ang dahil para ipasok niya ang matalik niyang kaibigang nangangailangan talaga ng trabaho para may maipakain sa pamilya.

Matagumpay niya namang naipasok ang kaibigan. Tuwang-tuwang pa nga sa kaniya ang kanilang manager dahil maaasahan ang kaniyang pinasok na empleyado. Binigyan pa nga siya nito ng karagdagang sahod bilang gantimpala sa kaniyang ginawa.

Masaya naman siyang nakatrabaho ang matalik na kaibigan ngunit ilang buwan lang ang nakalipas, naramdaman niyang tila hindi na siya napapansin ng kanilang manager at tanging ito na lamang ang palagiang pinupuri dahilan upang magtanim siya ng sama ng loob dito at umiwas.

Lalo pang umigting ang galit sa kaibigan nang malaman niyang naging supervisor na ito. Labis na inggit ang kaniyang naramdaman at pakiramdam niya, tinapakan nito ang kaniyang puri at galing sa pagtatrabaho dahilan upang makapag-isip siya ng paraan para matanggal ito sa trabaho.

“Kukuhanan ko talaga ng bidyo ‘yang babaeng ‘yan na nagbubulsa ng tip na dapat para sa lahat!” galit niyang sambit, makailang bes na niya kasing nahuhuling nagbubulsa ito ng tip ng mga kumakain na dapat inihuhulog sa kanilang alkansya at paghahatian ng lahat.

Kinabukasan, ginawa niya ang kaniyang balak. Sakto namang huling araw ng kaniyang kaibigan sa pagiging serbidora kaya sinigurado niyang makukuhanan niya ng bidyo ang maling ginagawa nito.

Matagumpay niya ngang nakuhanan ito ng bidyo nang minsan nitong ligpitin ang pinagkainan ng isang grupo ng mga ginang. Kitang-kita sa bidyo kung paano nito binulsa ang dalawang daang pisong tip.

Pagkakuhang-pagkakuha ng bidyong iyon, agad siyang tumakbo sa kanilang manager na nakatayo sa pintuan ng kanilang restawran.

“Sir, may ipapakita po ako sa inyo!” sambit niya dito saka pasimpleng kinuha ang kaniyang selpon. Bahagya siyang napatingin sa kaibigan at laking gulat niya ng ihulog nito ang dalawang daang piso sa kanilang alkansya dahilan upang mapatigil siya.

“Ano ‘yon, Elsa? Ano bang ipapakita mo? At saan ka ba galing kanina pa kita hinahanap, eh, halika sumama ka sa akin sa opisina, may maganda akong balita sa’yo,” dire-diretsong sabi ng kanilang manager saka siya hinila sa opisina habang lumulutang ang kaniyang isip.

Sumunod lang siya sa kanilang manager at naupo sa opisina nito. Ngunit tila isang panaginip ang binalita nito sa kaniya.

“Mangingibang-bansa na ako, Elsa, at bilang pinakamagaling kong empleyado, ikaw ang napili kong pumalit sa akin,” nakangiting sambit nito na labis niyang ikinagulat, “Maswerte ka na, magagaling din ang supervisor mo,” dagdag pa nito na talagang nagpaiyak sa kaniya.

Sa loob-loob niya, “Kung sinumbong ko pala si Rita, baka mawalan pa ako ng magaling na katuwang o baka hindi pa natuloy ang pag-angat kong ito dahil sa maling sumbong ko,” saka siya napailing-iling, “Tama nga si Shella, dapat akong maghunos dili dahil dadating din ang panahon ng pag-angat ko. Akalain mo ‘yon, manager na ako?” mangiyakngiyak niyang sambit saka nagtatatalon.

Masaya siyang sinalubong ng lahat ng empleyado pagkalabas niya sa opisinang iyon. Agad siyang niyakap ng kaniyang kaibigan saka nagpasalamat sa kaniya. Gumanti naman siya ng yakap saka sinabing, “Paangatin pa natin ang restawran na ito,” tumango-tango lang ito, nagsigawan naman ang ibang empleyado bilang pagbubunyi sa bagong yugto ng kanilang trabaho.

Simula noon, natuto na ang dalagang maghintay para sa kaniyang panahon. Natuto na rin siyang palakpalakan ang bawat tagumpay ng kaniyang mga hawak na empleyado kabilang na ang kaniyang matalik na kaibigan.

Ito ang naging dahilan upang lalo siyang umangat sa buhay at mabigyan na ng magandang buhay ang kaniyang buong pamilya.

Nagawa niya na ring makatagpo ng isang lalaking tunay ngang makakatuwang niya sa kaniyang personal na buhay na labis niyang ikinasaya.

Madalas tayong makaramdam ng inggit kapag nagtatagumpay ang isang taong malapit sa atin. Mangyari lamang na maghintay tayo para sa ating pag-angat dahil tiyak, mas maganda ang plano ng Diyos para sa atin.

Advertisement