Sulsol Mula sa Kaniyang Kumare ang Nagbigay ng Hinala sa Misis na May Ibang Babae si Mister; Iba Pala ang Kaniyang Matutuklasan
“Mare, may kailangan kang malaman tungkol sa asawa mo…”
Nagulat si Maring sa pagtawag ng kumareng si Ising. Nagwawalis siya ng kanilang bakuran, umagang-umaga, kaya nagulat siya sa bungad nito sa kaniya.
“Anong problema, Mare? Bakit ka humahangos?”
“Huwag kang magugulat ah. Nakita ko si kumpare na may ibang babaeng kasama sa may bandang plaza. Kung ako sa iyo, komprontahin mo siya at magalit ka sa kaniya. Napakaseksing manamit ng babae,” sabi ni Ising.
“Mare, baka naman kausap lang ni Gusting ang babaeng tinutukoy mo. Masyado ka namang mapanghusga! Paano ka nakakatiyak na babae nga niya iyon? Mahal na mahal ako ni Gusting at hindi niya magagawa sa akin ang mga ibinibintang mo,” kalmadong sabi ni Maring sa kaniyang kumare.
“Sinasabi mo bang sinungaling ako, mare? Hindi ka ba naniniwala sa sinasabi ko na mukhang may ibang babae si kumpare?” tila nagtatampong pangongonsensya ni Ising sa kaniyang kumare.
“Hindi naman sa ganoon kaya lang, kailangan muna nating makasiguro,” sabi na lamang ni Maring.
Pinag-isipan ni Maring kung kailangan ba niyang komprontahin si Gusting hinggil sa mga ibinalita sa kaniya ni Ising. Subalit naisip niya, tiyak na hindi naman aamin ito. Walang lalaki na aamin sa mga kasalanang nagawa nila.
Kaya napagpasiyahan ni Maring na obserbahan ang bawat kilos ng asawang si Gusting na isang lineman. Palihim niyang tinitingnan ang mga kuwelyo ng mga uniporme nito kung may ibang amoy ng pabango, o kaya naman ay may mantsa ng lipstick. Bigo naman siyang mahanap ni bakas.
Maging ang mga panloob at pantalon nito ay mataman niyang sinusuri. Wala ring anumang ebidensiya. Gusto na niyang tanungin ang mister subalit wala rin naman siyang maramdamang kutob. Sabi, kapag kinutuban na ang babae, ibang usapan na iyon.
Subalit iginigiit pa rin ni Ising na may ibang babae si Gusting.
“Ano, natuklasan mo na ba, mare?” minsan ay tanong sa kaniya ng kumare. Nakakaramdam na ng pagkairita si Maring sa pangingialam ng kaniyang kumare, subalit pinili niyang magtimpi.
“Mare, wala eh. Mukhang nagkamali ka sa mga sinasabi mo tungkol sa asawa ko. Baka naman namalikmata ka lang. O baka naman kliyente niya. O baka naman kasamahan niya sa trabaho,” pagtitiyak ni Maring.
“Kung ako sa iyo, para makatiyak ka, palihim mong sundan sa mga pinupuntahan niya,” sabi ni Ising. Ipinagkibit-balikat lamang ito ni Maring.
Subalit isang gabi, napansin ni Maring na may palihim na kausap sa kaniyang cellphone ang asawa. Batay sa timbre ng tinig nito, sadyang hinihinaan upang walang makarinig. Parang madiin din ang pagkakabigkas nito ng mga salita. Parang may kaaway.
“Gusting? Ayos ka lamang ba?” usisa ni Maring. Para namang namutla si Gusting nang makita siya.
“W-wala, kuwan… sa trabaho… wala iyon,” tugon ni Gusting.
Dito na nagsimulang maghinala si Maring na mukhang totoo ang sinasabi ni Ising hinggil sa mister. Kaya naman, isang desisyon ang ginawa niya. Palihim niyang sinusundan ito sa mga pinupuntahan nito. Isang araw, nahuli siya nito.
“Bakit mo ako sinusundan, Maring?”
“Umamin ka nga. May babae ka ba?” untag ni Maring sa mister.
“At saan mo naman nasagap ang balitang iyan?”
“Mahalaga pa ba ‘yon? Sagutin mo ang tanong ko. May babae ka ba?” galit na tanong ni Maring sa asawa.
“Wala akong babae. Mukhang alam ko na kung sino ang nagsabi sa iyo niyan. Si Ising ba? Siya ba?” tanong ni Gusting.
“Wala ka na roon. Basta! Nararamdaman ko may tinatago ka sa akin,” sabi ni Maring.
Naputol ang komosyon sa pagitan ng mag-asawa nang mag-ring ang cellphone ni Gusting. Pinilit na tiningnan ni Maring kung sino ang tumatawag. Ito ay walang iba kundi si Ising.
“Bakit may number ka ni Ising?” takang tanong ni Maring.
“Ngayon, malalaman mo ang katotohanan. Makinig ka,” sabi ni Gusting. Sinagot nito ang tawag ni Ising at ini-on ang loud speaker upang marinig ni Maring ang magiging usapan nila.
“Hello Gusting my love… hindi ka pa ba papayag sa gusto kong mangyari? Sinabi ko na kay Maring na may ibang babae ka para awayin ka na. Kapag hindi ka pumayag sa gusto ko, gagawa ako nang paraan para hiwalayan ka niya. Kapag pumayag ka sa gusto ko, ihihinto ko na ang paggawa ng kuwento,” sabi ni Ising.
Hindi makapaniwala si Maring sa kaniyang mga narinig mula sa kaniyang kumare.
Hinablot niya ang cellphone mula kay Gusting.
“Walang hiya ka, Ising! Babae pala ah?! Kapal ng mukha mo ah. Huwag na huwag kang magpapakita sa akin kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso! Ginagawan mo pa ng kuwento ang asawa ko para mag-away kami at matikman mo siya? Isa kang ahas!” galit na galit na banta ni Maring.
Sa takot, kaagad na ibinaba ni Ising ang linya ng cellphone.
“Matagal na siyang nagbabanta nang ganiyan, Maring. Inilihim ko ito dahil magkaibigan kayo at magkumare. Pero maniwala ka, kahit kailan ay hindi ako pumayag sa gusto niyang mangyari,” paliwanag ni Gusting.
Simula noon ay hindi na nagpakita si Ising sa mag-asawa. Lalo namang tumibay ang pagmamahalan nina Maring at Gusting. Napatunayan ni Maring na hindi dapat agad-agad naniniwala sa mga sabi-sabi.