Binalikan ng Mag-irog ang Kanilang Nakaraan Matapos Maghiwalay ng Ilang Taon; Tama Ba ang Desisyong Iyon?
“Bakit pa ba tayo naririto, Jeffrey?” Salubong ang kilay na sambit ni Cristy.
“Wala naman. Gusto ko lang sanang maalala mo kung paano nagsimula ang pagmamahalan nating dalawa… noon,” sinadya ni Jeffrey na bitinin ang huling sinabi.
“Wala nang saysay upang balikan ang mga bagay na iyon. Limang taon na ang nakakalipas mula noong naghiwalay tayo. Kaya ano pang dapat nating balikan,” humalukipkip na wika ni Cristy.
“Naalala mo ba noong high school pa tayo, Cristy?” patuloy pa rin na wika ni Jeffrey. Nagbibingi-bingihan sa sinabi ng dating nobya. “D’yan kita unang nakita. Mula no’ng araw na iyon ay hindi ka na natanggal pa sa isipan ko. Ang totoo, ikaw ang first love ko.”
“Ano namang paki ko?” Irap pa ni Cristy.
Ang gusto lang naman niya ibigay na ng lalaki ang mga gamit niya, pati na ang share niya sa bahay na tinirhan nila noon, na ibinenta na nito ngayon.
“Ang cute mo dati. Lalo na kapag pinipilit mong abutin ang bakal na ‘yan para kunyari lumaki ang muscles mo sa braso—”
“Hoy! Libangan ko lang ‘yon noon,” putol ni Cristy sa nais sabihin ni Jeffrey.
“E ‘di wow! Kaya pala kulang na lang maglabasan ang ugat mo sa leeg noon,” natatawang sambit ni Jeffrey. “Mula high school hanggang sa nag-kolehiyo tayo ay lagi tayong magkasama ‘no. Ilang taon ngang tumagal ang relasyon natin?”
“Twelve years,” maiksing sagot ni Cristy.
“Ang tagal rin ‘no,” mapait na ngumiti si Jeffrey saka tumingin sa malayo.
“Oo matagal rin. Ang dami na nga nating pinagdaanan e. May mga oras na parang gusto na nating sumuko at bitawan ang kamay ng isa’t-isa pero mas pinipili pa rin natin noon ang mag-stay dahil sa maliit na dahilan. Ang dami ko ring katangahang ginawa noon para sa’yo, Jeff.” Mapait na wika ni Cristy.
“Ikaw lang ba? Ako rin naman ah,” nakangiting wika ni Jeffrey. “Sa tagal natin, hindi ko na talaga naisip na maghihiwalay pa tayong dalawa. Ang buong akala ko ikaw na ang makakasama ko habang buhay, Cristy. Ginawa ko naman ang lahat para maging maayos lang ang magiging future natin, naging mas responsable ako—”
“Pero hindi ko sinabing iwanan mo ako, Jeffrey,” muling putol ni Cristy. “Ayos naman tayo noon, kahit medyo kapos sa pera ay masaya naman tayo. May naiipon rin, pero mas pinili mong mangibang bansa at iwan ako. Sinasabi mong para sa future natin, pero hindi mo ako tinanong kung iyon ba talaga ang gusto ko.”
“Wala akong ibang hinangad kung ‘di ang mapabuti ka.”
“Pero limang taon mo akong iniwan. Mula noon hindi ka na nagparamdam. Inaamin kong hinintay kita Jeff, sinubukan ko. Pero hindi ko kinaya. Masaya na ako ngayon, sana mahanap mo rin ang kasiyahang nararanasan ko ngayon. Siguro nga hindi tayo para sa isa’t-isa.
Tama nga sila na wala iyon sa tagal nang pinagsamahan. Tulad nating dalawa, ang tagal nating magkasama, pero hindi naman tayo ang itinadhana. Siguro tama ring binalikan natin ang nakaraan natin, para may closure naman tayo,” mahabang wika ni Cristy, saka nilapitan si Jeff.
Tabinging ngumiti si Jeffrey saka hinawakan ang kamay ni Cristy. “Hindi mo na ba talaga ako mahal?”
Agad namang ngumiti si Cristy at ngumuso. “Mahal pa rin kita, but not in a romantic way. Kumbaga, nandito ka pa rin sa puso ko, pero hindi na gaya noon. Parang nag-aalala pa rin ako sa’yo, pero hindi na pangalan mo ang tinitibok nito, kundi si Ben na.”
“Gusto kong masaktan. Pero masaya ako, dahil nakikita kong masaya ka nga sa piling niya. Nandito pa rin ako Cristy, bilang isang kaibigan. Huwag kang mahihiyang humingi sa’kin nang tulong kapag nagigipit ka, okay? Ipangako mo ‘yon sa’kin. May pinagsamahan pa rin tayo kaya hindi naman magandang maging magkaaway tayo dalawa,” wika ni Jeffrey.
“Okay. Maayos naman akong kausap basta ibigay mo sa’kin ang parte ko sa mga binenta mo noong magkasama pa tayo,” nakangising wika ni Cristy sabay kindat.
Agad namang humalakhak si Jeffrey at inakbayan si Cristy. “Hindi ka pa rin pala nagbabago. Madugas ka pa rin pagdating sa pera,” biro pa niya.
Agad namang pinalo ni Cristy ang braso ni Jeffrey. “Sira!” aniya saka sabay silang humalakhak.
May mga magkarelasyong kapag natapos na ang relasyon ay pumapangibabaw ang galit at poot na nararamdaman sa isa’t-isa. May iba namang mas pinipiling maging magkaibigan at kalimutan na lang ang pangit na nakaraan.
Alin man sa dalawa ang nais niyong piliin, huwag niyong kakalimutan na kahit papaano ay may pinagsamahan kayong dalawa at minsan niyong pinagsaluhan ang tamis ng pagmamahal.