Lubusan ang Inis at Inggit ng mga Kapatid ng Binatang Ipinaampon sa Tiyuhin Nilang Nakakariwasa sa Buhay; Siya Pala ang Magsasalba sa Kanila sa Kahirapan
“Wala ka bang balak mag-asawa, Kuya?” saad ni Mang Ador sa kaniyang nakakatandang kapatid na si Mang Saturnino.
“Hindi naman sa pinangungunahan kita. Hindi na tayo bumabata at napag-iiwanan na tayo ng panahon. Baka pagdating ng araw ay tuluyan ka nang hindi makapag-asawa. Sino ang mag-aalaga sa’yo?” dagdag pa ng kapatid.
“Masaya na ako kung ano ang ipagkakaloob sa akin. Kung hindi ako makakapag-asawa at magkaka-anak ay tatanggapin ko ng maluwag. Masaya na akong nakikita ang malaki mong pamilya,” tugon ni Mang Saturnino.
Parehas na magsasaka ang magkapatid. Ngunit mas nakakaluwag sa buhay itong si Mang Saturnino dahil nga wala itong pamilya. Si Mang Ador kasi ay may anim na anak sa kaniyang asawang si Aling Remedios. At dahil dito ay madalas na isang kahig at isang tuka lamang sila. Pasalamat na lamang niya at nariyan ang kaniyang kuya na madalas na umagapay sa kanila.
Nakikisaka lamang sa ibang lupa itong si Mang Ador samantalang si Mang Saturnino naman ay nakabili ng kaniyang sariling taniman. Masagana man ang buhay ay may lungkot pa rin itong nararamdaman sapagkat mag-isa lamang ito.
Kaya naisipan ni Mang Ador na ipaampon na lamang sa kapatid ang isa niyang anak na lalaki na si Roger na noon ay tatlong taong gulang pa lamang.
“Salat talaga rin kasi kami sa buhay, kuya. Hindi ko kaya na tustusan ang pangangailangan niya sa gatas at sa iba pa. Kaya kung maaari ay sa’yo na muna siya. Palakihin mo siya bilang tunay mong anak. Nang sa gayon ay may makakasama ka rin sa buhay. Ito na lamang ang gawin mong tulong sa pamilya ko. Kaysa sa iba ko siya ipaampon,” pakiusap ni Mang Ador.
Lubusan ang pagkahabag na naramdaman ni Mang Saturnino sa bata at sa kaniyang kapatid kaya maluwag niyang tinanggap ang pakiusap nito. Minahal niya ang bata at tinuring na kaniyang tunay na anak.
Dahil nag-iisang anak ay naibigay lahat ng pangangailangan ni Roger. Nakakapag-aral siya at hindi niya kailangan pa maghirap para lamang makuha ang kaniyang nais. Taliwas ito sa buhay na mayroon ang lima pa niyang kapatid. Dahil sa sitwasyon na ito sila ng inggit kay Roger.
Noon pa man ay alam na ni Roger na si Mang Ador at Aling Remedios ang kaniyang mga magulang. Hindi ito itinago sa kaniya ni Mang Saturnino. Ngunit dahil nga ang ginoo ang nagpalaki sa kaniya ay mas malapit ang loob niya dito at talagang itinuring niyang kaniyang sariling ama.
Dahil madalas na nag-iisa ay gusto rin ng lumalaking si Roger na makihalubilo sa mga kapatid. Ngunit sa tuwing lumalapit siya ay pilit na lumalayo ang mga ito.
Kahit nais niyang ipalaro ang kaniyang magagarang laruan ay ayaw ng mga ito.
“Hindi ko maintindihan, ‘tay, kung bakit ganoon ang mga kapatid ko sa akin. Hindi ko naman po sila pinagdadamutan,” pahayag niya kay Mang Saturnino.
“Ikaw na ang umunawa, anak. Basta kahit ano ang mangyari ay huwag mo silang pagdadamutan at huwag na huwag kang susuko na ilapit ang sarili mo sa kanila. Tandaan mo na kapatid mo sila,” payo ng matanda.
Nakalipas ang ilang panahon ay nag-aral na ng kolehiyo si Roger habang ang lima niyang mga kapatid ay hindi na nakapag-aral pa at maagang nagsikayod para sa pamilya.
“Bakit ka nandito?” sambit ng isang kapatid ni Roger. “Baka madumihan pa ang uniporme mo! Narito ka ba para ipamukha sa amin ang narating mo?” dagdag pa ng kapatid.
“Hindi sa ganoon, kuya. Gusto ko lang naman kayong makita. Tapos na kasi ang klase ko at wala akong mapuntahan. Kaya minabuti kong saluhan kayo sa pananghalian,” paliwanag ni Roger.
“Umalis ka na. Hindi ka nababagay rito!” pagtataboy ng mga ito sa binata.
Pilit na itinago ni Roger ang kaniyang hinanakit. Ang tanging nais lamang naman niya ay makasama ang kaniyang mga kapatid.
Lumipas ang maraming panahon at hindi na ipinagsiksikan ni Roger ang kaniyang sarili sa mga ito. Nakatapos ng pag-aaral ang binata at naging isang ganap na inhinyero. Nabalitaan na lamang niya sa kaniyang ama-amahan na ang tunay niyang ina ay mayroong matinding karamdaman.
Agad na nagtungo si Roger sa tahanan ng tunay na pamilya. Kahit na pilit siyang pinapaalis ng mga kapatid ay ipinaglaban ng binata ang kaniyang karapatan.
“Hayaan nyo akong tumulong kay nanay. Hayaan ninyo akong magpakaanak sa kaniya. Hindi ko maintindihan kung saan nagmula ang galit ninyo sa akin,” sambit niya sa mga kapatid.
“Matagal na panahon kong kinimkim ito. Hindi ko lubusang maintindihan kung ano ang naging kasalanan ko inyo. Hindi ba ako dapat ang magtampo sapagkat ako ang napiling maging hindi na bahagi ng pamilyang ito?” paglalahad pa niya.
“Ngunit ikaw ang pinakanagtamasa ng magandang buhay!” sambit ng isang kapatid.
“Ipinagpapasalamat ko iyon sa Panginoon kaya ginawa ko ang lahat para lang maging matagumpay sa buhay,” wika ni Roger.
Bigla na lamang sumingit sa usapan si Mang Saturnino.
“Sa totoo lamang ay hindi kayo dapat sa akin nagpapasalamat sa tuwing may ibinibigay ako sa inyong tulong. Matanda na ako at matagal nang walang ikinabubuhay. Si Roger ang lahat ng nagbigay sa inyo ng lahat ng tulong na iyon,” pag-amin ng matanda.
Hindi nakaimik ang magkakapatid.
“Kung mas mahalaga ang buhay ng nanay ninyo kaysa sa sarili niyong prinsipyo ay hayaan niyong ipagamot siya ni Roger. Bigyan niyo siya ng karapatan na ibahagi kung anong mayroon siya,” dagdag pa ng matanda.
Dahil dito ay naliwanagan na ang lahat. Agad na ipinagamot ni Roger ang kaniyang ina hanggang sa tuluyan itong gumaling. Lubusan ang paghingi ng tawad ng kaniyang mga kapatid sa kanilang nagawa. Walang hanggang pasasalamat din dahil sa tulong na ginawa niya para sa tunay na inang si Aling Remedios.
Simula noon ay natanggap na ng magkakapatid si Roger bilang isa sa kanila. Natupad na ang pangarap ng binata na maramdaman ang pagmamahal ng kaniyang buong pamilya. Tinulungan ni Roger ang kaniyang mga kapatid na makapag-aral kahit ng bokasyunal upang tulad niya ay umangat din ang mga ito sa buhay.
Sama-sama silang namuhay ng masaya kapiling ang kanilang tunay na magulang at si Mang Saturnino na nag-aruga at nagbigay sa kaniya ng buong pagmamahal.