Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Ginang na Maging OFW upang Guminhawa ang Kanilang Buhay; Magugulat Siya sa Isinukli ng Mister Niya sa Kaniya

Pinili ng Ginang na Maging OFW upang Guminhawa ang Kanilang Buhay; Magugulat Siya sa Isinukli ng Mister Niya sa Kaniya

“Hindi ba dapat ang asawa mo ang magtrabaho? Kababae mong tao, ikaw pa talaga ang lilipad ng ibang bansa para magpakaalila,” sambit ng ina ni Lisa sa si Aling Nora.

“Huwag na kayong tumutol, ‘nay. Pansamantala lamang naman ito. Mabuti na rin ito dahil kahit papaano ay may maitutustos kami sa mga bata. Pagkatapos naman ng aking kontrata ay si Dave ang susubok sa ibang bansa,” paliwanag ng ginang.

“Napakatamad ng asawa mo. Ni hindi man lang niya ikaw pigilan. Kung tunay siyang lalaki ay siya ang gagawa ng paraan para mabuhay kayo!” dagdag pa ng ina.

Lubusan ang pagtutol ng ina ni Lisa sa kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa. Lalo pa nang malaman nitong hihinto na sa pagtatrabaho ang kaniyang asawang si Dave para mabantayan ang mga anak nila. Noon pa man kasi ay wala nang kumpansya ang kaniyang ina kay Dave dahil hindi raw ito nababagay sa kaniyang anak.

Ngunit kahit anong pagtutol ang gawin ng ina ay buo na ang loob ni Lisa na mangibang-bansa. Lumalaki na kasi ang mga bata at lumalaki na rin ang kailangan pantustos sa kanilang pangangailangan. Lalo pa nang isa ang kaniyang mister sa mawawalan ng trabaho sa kanilang kumpanya.

Tuluyan nang lumipad patungong Dubai si Lisa. Habang ang kaniyang mga anak ay naiwan sa kalinga ng kaniyang mister. Buwanan kung magpadala si Lisa at sa bawat padalang ito ay nakabantay ang kaniyang ina.

“Kung sa akin mo na lang kaya ipadala ang pera?” sambit ni Aling Nora. “Wala talaga akong tiwala sa asawa mo. Dapat nga ay dito mo na lang iniwan ang mga anak mo para maalagaan ko ng maayos,” dagdag pa niya.

“Paano naman ang asawa ko, ‘nay? Iiwan nyong mag-isa sa bahay? Hayaan niyo na siya nang sa gayon ay maaliw rin sa pag-aalaga ng mga anak niya. Matagal na rin niyang hiningi na makapiling ang mga bata at pagkakataon na niya ngayon,” paliwanag ni Lisa.

“Lahat ba ng sahod mo ay ipinadadala mo sa asawa mo? Huwag, a! Magtira ka ng para sa sarili mo. Baka mamaya ay kung saan lamang noon dinadala ang pera mo!” payo ng ina.

“Kulang pa nga po ang napapadala ko, ‘nay. Marami din kaming kailangang bayaran dahil sa pag-alis ko. Saka magpapasukan na sa isang buwan. Maraming kailangan ang mga bata,” paliwanag ng ginang.

Upang matigil na lang ang ina ay sumang-ayon na lamang si Lisa sapagkat alam niyang hindi siya titigilan nito.

Patuloy pa rin sa pagmamatyag si Aling Nora sa kaniyang manugang. Isang araw ay nakita niyang bumili ito ng bagong motor. Kaya agad niyang sinabi ito kay Lisa.

“Alam ko po ang plano na pagbili niya ng motor. Pero hindi ko alam na ngayon na,” saad ng anak.

Dahil dito ay mas minatyagan pa ni Aling Nora si Dave. Nararamdaman niyang may ginagawang kalokohan ang kaniyang manugang. Lalo pang nadagdagan ang kaniyang hinala nang minsan ay iniiwan niya ang mga anak sa bahay ng magulang ni Dave.

Minsan ay tinanong ni Aling Nora ang mga bata kung saan nagtutungo ang kanilang ama.

“Hindi po namin alam, lola. Basta minsan po ay may tumatawag sa kaniya tapos po ay kailangan niyang umalis. Masaya naman kami dahil pupunta dito si Lola Marya at pagbalik po ni tatay ay may dala siyang pasalubong,” paliwanag ng panganay na anak.

Isang araw ay nakita niya si Dave malapit sa isang pamilihan na may umangkas na isang babae. Dito na nabuo ang espekulasyon ni Aling Nora na gumagawa nga ng kalokohan ang kaniyang manugang.

“Umuwi ka na kaagad dito, Lisa. Ang asawa mo, may ibang babae! Kitang kita ng dalawang mata ko!” sumbong ni Aling Nora sa anak.

Hindi naman makapaniwala si Lisa sa tinuran ng ina.

“Huwag mong ipapaalam ang pag-uwi mo nang sa gayon ay magulat siya at mahuli mo sa akto!” dagdag pa ng ina.

Sinunod ni Lisa ang sinabi sa kaniya ng ina. Hindi nga naman niya kailangan pagdudahan ang sinabi ng ina sapagkat alam niyang hindi nito magagawang magsinungaling lalo pa na nasa malayo siya.

Hiningi na ni Lisa sa kaniyang amo ang kaniyang bakasyon para makauwi ng Pilipinas. Mabuti na lamang ay mababait ang mga ito at agad siyang pinayagan. Pag-uwi ni Lisa, kasama ang kaniyang ina ay agad nilang hinanap si Dave at naabutan mismo nga nila sa nasabing lugar na may ibinaba itong babae galing sa pagkakasakay sa kaniyang motor.

Doon ay kinumpronta na ni Lisa agad ang asawa.

“Paano mo ito nagawa sa akin, mahal? Nagtatrabaho ako sa ibang bansa samantalang ikaw ay ito ang inaatupag mo!” sambit ni Lisa na naiiyak sa sama ng loob.

“Huwag ka nang tumanggi, Dave. Kitang-kita ko!” dagdag pa niya.

Natawa na lamang si Dave sa tinuran ng asawa.

“Mahal, ano ba ang sinasabi mo riyan? Wala akong babae. Hindi ako nambabae kailanman!” paliwanag ni Dave.

“E, ano ang nakita ko?” saad ng ginang.

“Dahil gusto kong makaipon tayo kaagad at makauwi ka na ay bumili ako ng motor. Umeekstra akong taga-hatid at sunod ng mga pasaherong ayaw maipit sa trapik. Minsan ay naghahatid din ako ng mga pagkain o mga bagay na gusto nilang ipa-deliber. Lahat ng ito ay ginagawa ko para sa mga anak natin at para sa’yo,” pahayag ng mister.

“Hindi ko na sinabi sa’yo sapagkat gusto ko sana makaipon at surpresahin ka. Para makauwi ka na agad, mahal. Nangungulila na kami sa’yo!” dagdag pa ng ginoo.

Naantig ang puso ni Lisa sa sinabi ng kaniyang asawa. Humingi siya ng pasensiya sa paghihinala na kaniyang ginawa. Maging si Aling Nora ay hiyang-hiya sa maling pag-iisip niya sa manugang. Nais lamang pala nito na makatulong sa kaniyang pamilya.

Mula noon ay naging maayos na ang tingin ni Aling Nora sa kaniyang manugang. Si Lisa naman ay nilubus-lubos ang kaniyang bakasyon sa Pilipinas kasama ang kaniyang mag-anak.

Nang makaipon ang mag-asawa ay permanente nang bumalik ng Pilipinas si Lisa at nagtayo na lamang sila ng isang maliit na negosyo na agad nilang napalago. Hindi na kailanman bumalik ng ibang bansa si Lisa upang magtrabaho.

Advertisement