
Malakas ang Loob ng Binata na Gumawa ng Mali Dahil Lagi Siyang Pinapatawad ng Magulang; Hindi Niya Akalaing Kaya Pala Siyang Tikisin ng mga Ito
Humahangos si Eva nang magtungo sa presinto nang araw na iyon. Nakatanggap kasi siya ng tawag mula sa kaniyang kaisa-isang anak dahil nasa piitan daw ito.
“Ano na naman itong ginawa mo, Bryan? Malilintikan ka na talaga nito sa daddy mo!” bungad ni Eva sa anak nang makaharap niya ito.
“Napa-trouble kami kagabi, ‘ma. Hindi naman talaga kami ang nagsimula. Nadamay lang kami dito. Tapos pati kami ay dinampot. Gawan n’yo na ‘to ng paraan nang makalaya na ako dito. Napakasikip at napakabaho!” reklamo naman ng binata.
“Hindi magugustuhan ng daddy mo ito kapag nalaman niya! Lagi na lang sakit ng ulo ang dala mo,” wika pa ng nag-aalalang ina.
“Kaya dapat ay hindi na ito makarating pa kay daddy. Sige na, ma. Ibigay mo na sa mga pulis ang kailangan nila nang makauwi na tayo!” giit pa ni Bryan.
Napapailing na lamang si Eva sa mga ginagawa ng kaniyang anak.
Agad na inasikaso ni Eva ang lahat upang makalaya ang anak. Nang mapiyansahan na ito ay agad silang umuwi ng bahay.
Nang makauwi sila ay nariyan na ang kaniyang ama at agad silang sinalubong. Hindi na dapat pa sasabihin ni Eva ang nangyari sa kaniyang mister ngunit kalat na pala ang balita.
“Anak, bakit ka na naman pumasok sa gulo? Hindi ba nag-usap na tayo na aayusin mo na ang buhay mo? Bakit gan’yan na naman ang nangyari sa’yo?” tanong ng amang si Romeo kay Bryan.
“Dad, pangako… Hindi talaga kami ang nagsimula ng gulo at nadamay lang kami. Saka pwede bang saka na natin ito pag-usapan dahil ang sakit na ng ulo ko. Hindi ako nakatulog magdamag sa kulungan,” tugon naman ng binata.
“Hindi, Bryan, kailangan nating pag-usapan ngayon ang ginagawa mo sa sarili mo. Hindi porket nakakaangat tayo sa buhay ay gan’yan na lang ang gagawin mo sa buhay mo! Paano na ang mga negosyong ipapamana namin sa iyo ng mommy mo? Paano na ang buhay mo kung puro alak at sugal ang inaatupag mo?” pahayag pa ng ama.
“Dad, hindi naman agad mauubos ang pera n’yo. Saka hindi pa naman kayo matanda. Kayang-kaya n’yo pa ni mommy na pamunuan ang negosyo. Kapag hindi n’yo na talaga kaya ay saka n’yo ako turuan,” pabalang na sagot pa ni Bryan sabay talikod sa mga magulang.
Wala nang nagawa pa ang dalawa.
“Kailangan na ata nating paghigpitan ‘yang si Bryan. Baka mamaya ay kung saan na lang pulutin ang anak nating ‘yan! Swetuhin mo ang anak mo bago pa mahuli ang lahat. Umiinit na rin ang ulo ko sa kaniya!” wika ni Romeo kay Eva.
Dahi mayaman ang pamilya, laki si Bryan na nakukuha ang lahat ng kaniyang gusto. Ngunit hindi naman akalain ng kaniyang mga magulang na lalaki siya na puro pasarap lamang sa buhay ang alam. Hindi rin naman matiis nila Romeo at Eva ang binata dahil kaisa-isa nila itong anak.
Nang makakita si Eva ng pagkakataon ay kinausap niya nang masinsinan ang kaniyang anak na si Bryan.
“Anak, nag-aalala lang kami ng daddy mo. Hindi palaging narito kami. Kailangan mong ayusin ang buhay mo, hindi para sa amin kung hindi para sa kinabukasan mo,” paliwanag ni Eva sa anak.
Ito ang mga tagpong ayaw ni Bryan. Ayaw niyang pinaghihigpitan at ayaw niyang napagsasabihan. Upang matigil na ang pagsesermon ng kaniyang mga magulang ay humingi na lamang siya ng tawad.
Nakaisip siya ng paraan kung paano ang hindi na siya mahahawakan pa ng mga magulang sa leeg.
“Dad, pasensiya na kayo ni mommy sa mga nagawa ko. Tama po kayo, hindi na ako bumabata at kailangan ko nang ayusin ang sarili ko. Kaya naisip ko po na magtayo ng negosyo sa Maynila. Tutal ay matagal ko naman na itong binabalak. Baka lang po pwede n’yo akong pahiramin ng pera nang makapagsimula ako,” pakiusap ni Bryan sa ama.
Sa pag-aakalang magbabago na talaga ang anak ay muling pinatawad ni Romeo ang anak at sinuportahan niya ang nais nito. Binigyan niya ito ng sampung milyong piso upang makapagsimula ng negosyo sa Maynila.
“Ibibigay namin ng mommy sa iyo ang buong tiwala namin at suporta, anak. Alam kong sa pagkakataong ito ay hindi mo na kami bibiguin,” saad naman ng ama.
Ngunit ginamit lamang ni Bryan ang pagkakataon na ito upang makalayo sa kaniyang mga magulang at mabuhay sa paraang nais niya. Nagrenta siya ng isang condo unit at doon nanirahan. Laman siya palagi ng casino at ng bahay-inuman.
“Pare, ako na ang nakokonsensya sa mga ginagawa mo, e. Paano kung malaman ng mga magulang mo na wala ka talagang inaasikasong negosyo dito at winawaldas mo lang ang pera nila?” saad ni Jay, kaibigan ni Bryan.
“Nag-iisang anak ako ng mga ‘yun. Hindi ako matitiis ng mommy at daddy ko. Madali namang solusyunan ang lahat ng ito. Sasabihin ko lang na nalugi pero ginawa ko naman ang lahat. Hihingi ako ng tawad. Kaunting bola ko lang sa mga iyon ay patatawarin nila ako kaagad. Hindi ako matitiis ng mga magulang ko lalo na ng mommy ko,” pagmamalaki pa ng binata.
Hindi nagtagal ay naubos na nga ang pera ni Bryan. Nagkabaon-baon na rin siya sa utang dahil sa kaniyang pagsusugal.
Naisipan niyang umuwi na lamang sa kanila.
“Sigurado ka ba sa gagawin mong ito, Bryan? Baka paimbestigahan ng mommy at daddy mo ang lahat, pati ako ay masabit,” saad ni Jay.
“Basta sundan mo lang ang sasabihin ko. Sabihin mo ay magkasosyo tayo. Kaunting drama lang ay hindi na ako matitiis ng mga ‘yun. Sinisigurado ko ‘yan sa’yo!” pagmamayabang muli ni Bryan.
Nang makarating sila sa mansyon ay agad na sinalubong ng mag-asawa ang kanilang anak.
“Ma, Dad, patawarin n’yo ako at hindi nagtagumpay ang negosyong nais ko. Sinayang ko lang ang tiwala at perang ibinigay n’yo sa akin. Sana ay mapatawad n’yo ako,” pagdadrama ni Bryan sa mga magulang.
Nakatitig lamang si Romeo sa kaniyang anak at sa kaibigan nito.
“Pinapatawad ka na namin, anak. Pinapatawad ka na namin ng daddy mo,” saad ni Eva sa kaniyang anak.
“Maraming salamat po, mommy at daddy. Miss na miss ko na po kayo! Kung alam ko lang na hindi ako magtatagumpay sa Maynila ay hindi na lang ako umalis,” dagdag pa ng binata sabay yakap sa kaniyang mga magulang.
Niyakap din siya ng mga ito.
Lumingon si Bryan sa kaniyang kaibigan at tila nagmamalaki.
Ngunit nang tangkang papasok na si Bryan sa loob ng mansyon ay agad siyang hinarang ng kaniyang ina.
“Pinapatawad ka na namin, Bryan. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ka na parte ng pamilyang ito. Alam namin ng daddy mo ang totoong ginawa mo. Nakakasama ng loob hindi dahil sa malaking halaga na nilustay mo kung hindi sinira mo ang tiwala at pagkakataon na ibinigay namin ng daddy mo sa sa’yo nang paulit-ulit. Hindi nararapat sa iyo ang yaman na pinaghirapan namin ng daddy mo,” mariing sambit ni Eva.
“Ngayon ay malaya ka na mula sa amin ng daddy mo. Sana ay makayanan mo nang mag-isa. Sana sa susunod nating pagkikita ay maayos na ang kinahinatnan mo. Ngayon ay maaari ka nang umalis sa aming harapan,” dagdag pa ng ina sabay sarado ng pinto ng mansyon.
Labis na ikinagulat ni Bryan ang ginawang ito ng kaniyang mga magulang. Mas lalong nakakagulat dahil nanggaling pa ang lahat ng ito sa kaniyang inang alam niyang lagi siyang pinapatawad at inuunawa.
Nang tanungin ni Romeo ang asawa kung bakit niya ito nagawa ay ito lamang ang sambit ni Eva.
“Kilala ko masyado ang anak natin, Romeo. Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata na wala man lamang kahit anong bahid ng kaunting pagsisisi. Kung sakali mang bigyan natin siyang muli ng pagkakataon, uulitin at uulitin lang niya ang mga kalokohang ginagawa niya. Sana ay matuto siya sa aral na ito. Kaya ko siyang tikisin kung ito lamang ang magpapagising sa kaniya upang ayusin niya ang kaniyang buhay,” saad ni Eva sa asawa.
Mula noon ay nabuhay sa hirap itong si Bryan. Wala man lamang siyang matakbuhang mga kaibigan na naroon noong siya ay marami pang pera. Lubos ang kaniyang pagsisisi dahil sa pagkakataong ito ay kailangan niya talagang napatunayan sa kaniyang mga magulang na tuluyan na siyang nagbago.