
Ibinenta Niya ang Anak sa Murang Halaga; Labis ang Inggit na Nadama Niya nang Muli Silang Magkita
Halos mapatili si Osang sa inis nang marinig niya ang malakas na palahaw ng bagong silang na anak.
Wala naman sa plano niya na mag-anak pa lalo pa at lima na ang anak nila.
Kaso ang walang hiya niyang asawa, nabuntis na naman siya! Tuloy ay may nadagdag pang palamunin, gayong ang hirap hirap na nga ng buhay nila!
“Ano bang gusto mong mangyari, Jamie? Uminom ka na ng gatas, hindi naman basa ang lampin mo! Ano bang gusto mong bata ka?” kunsumidong pagkausap niya sa sanggol na para bang nakakaintindi ito.
Subalit malakas na iyak lamang ang naging sagot niya.
Mas lalo pa siyang naburyong nang marinig niya ang pag-aaway ng dalawa pa niyang anak.
“Hoy! Magsitigil nga kayo! Kaya hindi makatulog si jamie dahil ang ingay ingay niyo, eh!” nanlalaki ang matang sita niya sa dalawa.
Tila nasindak na umupo naman ang dalawa sa isang sulok at nanahimik.
Inis naman niyang ipinaghele ang anak hanggang sa tuluyan itong makatulog.
Problemado si Osang. Dahil walang mag-aalaga sa bagong luwal na sanggol ay napilitan siyang huminto sa pagtatrabaho sa pabrika.
Kulang na kulang tuloy ang panggastos nila, at halos dalawang beses na lang kung kumain sila.
Ang mas ikinaiinis niya pa ay hindi na siya makapaglibang. Nakagawian niya nang dumayo sa bahay ng kaniyang mga kapitbahay upang makipaglaro ng tong-its subalit hindi niya na magawa iyon sa kawalan ng pera. At alangan namang isama niya ang bata sa sugalan?
Isang araw, bitbit ang anak ay lumabas si Osang sa kauna-unahang pagkakataon.
“Grabe, Osang! Minana ng anak mo ang ganda mo! Sigurado akong lalaki ‘yang maganda,” ngiting ngiting puri ni Esme, isa sa kaniyang mga kapitbahay.
“Naku! Lalaki ‘yan kung may makakain pa kami sa mga susunod na araw!” pabirong tugon niya na may halong katotohanan.
Sumeryoso ang mukha ng kapitbahay. Lumapit ito sa kaniya at bumulong.
“Kung hindi mo kayang matustusan, interesado ka bang ipaampon? May kakilala ako na naghahanap ng maaampon. Babayaran ka nila ng malaking halaga!”
Nanlaki ang mata ni Osang. Aba’y hindi niya iyon tatanggihan! Marami na naman siyang anak. Hindi na kabawasan kung ipapamigay niya ang bagong silang niya. Magkakapera pa siya!
Isang linggo lang ang lumipas ay nakadaupang palad niya na ang mag-asawang Danilo at Emily. Baog si Danilo kaya naman walang tiyansa magkaanak ang mga ito.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Osang? Ayaw naman namin na magbago ang desisyon mo kapag napalapit na kami sa bata,” tanong ni Emily habang minamasdan ang anak niyang natutulog.
Pinakiramdaman niya ang sarili kung may nararamdaman siyang panghihinayang. Wala siyang makapa na kahit na ano. Hindi niya naman kasi nais talagang magkaanak pa.
“Oo, Emily. Sigurado na ako. Dagdag bibig na kakain lamang ang batang ‘yan sa pamilya namin,” balewalang tugon niya.
Hindi niya napansin ang pagsimangot ng babae.
“Hinding hindi mo na makukuha sa amin si Jamie, maliwanag ba?” matigas na tanong ni Danilo.
Nang magkapirmahan sila ng mga dokumento ay ibinigay ng mag-asawa ang tseke kagaya ng napag-usapan.
Nagningning ang mata niya nang makita ang limandaang libong piso.
“Maraming salamat!” nakangising wika niya sa mag-asawa bago lumisan. Ni hindi niya man lang na sinulyapan ang bata na ipinamigay niya na para lamang isang laruan.
Napakinabangan naman nila ang pera. Sa maikling sandali ay iyon ang tumustos ng pangangailangan nila subalit madali rin iyong naubos at bago pa mamalayan ni Osang ay naubos na ang perang tila inihip lang ng hangin. Ilang buwan lang ang lumipas ay bumalik din sila sa buhay nilang isang kahig, isang tuka.
Dahil wala nang sanggol na nangangailangan ng pag-aalaga ay nakabalik naman si Osang sa pagtatrabaho niya sa pabrika.
Namalayan niya na lamang na matatanda na pala ang kaniyang mga anak at nagkaroon na ang mga ito na sari-sariling buhay.
Kaya nang pumanaw ang kaniyang asawa ay naiwan siyang nag-iisa.
“Anak, dalawin niyo naman ako ng mga apo ko minsan,” iyon ang madalas niyang iungot sa kaniyang mga anak.
Ngunit bihirang bihira siyang mapagbigyan ng mga anak. Ang mga masasayang okasyon sana na dapat pamilya ang kasama niya ay lumilipas lamang na nag-iisa siya.
Hindi niya tuloy maiwasang maalala ang bunsong anak niyang si Jamie, na ipinamigay niya noong bata pa ito.
“Kumusta na kaya siya?” sa loob loob ni Osang.
Hindi niya inakalang muli niyang makikita ang anak.
Linggo. Dumaan si Osang sa simbahan upang mag-alay ng dasal para sa kaniyang asawang namayapa.
Magsisimula na sana siyang magdasal subalit hindi niya magawa dahil hindi niya maiwasang marinig ang dasal ng babae sa kaniyang harapan.
“Diyos ko, panatilihin Niyo pong malakas ang aking Mama at Papa. Gusto ko pa pong makilala sila ng mga magiging anak ko. Sana po ay makasama ko pa sila nang mahabang panahon.”
Ilang sandali pa ay tumayo na ang dalagang umagaw ng atensyon niya. Ngunit para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang masilayan niya ang mukha ng dalaga.
Kamukhang kamukha niya ito! Ganoong ganoon ang mukha niya noong dalaga pa siya, hindi siya maaaring magkamali!
“Jamie?” sambit niya.
Nagulat siya nang lumingon ang dalaga.
“Kilala niyo po ako?” namimilog ang matang tugon ng dalaga.
Hindi makaapuhap ng sasabihin si Osang.
Isang pilit na ngiti ang isinukli niya sa dalaga.
“Ah, hindi. Jamie kasi ang pangalan ng anak ko, hinahanap ko siya,” palusot niya.
Subalit malakas talaga ang hinala niya na ito ang batang ibinenta niya noon.
Naging interesado siya sa kung ano na ang naging buhay ng bunsong anak kaya naman palihim niyang sinundan ito.
Isang pamilyar na babae ang sumalubong dito. Noon niya nakumpirma ang hinala.
“Emily…” mahinang bulong niya.
“Anak, ano na naman ang ipinagdasal mo?” nakangiting usisa nito kay Jamie.
“Sana po’y hindi kayo magkasakit ni Papa. Sana po’y lagi ko kayong kasama.” Nakangiting yumakap ito sa babaeng itinuturing na ina.
“Ikaw talaga, ang bait bait mong bata ka! Kaso, anak, hindi naman pwedeng lagi mo kaming kasama. Paano na lang kapag may may sarili ka nang pamilya?” sagot ni Emily.
“Basta po, hindi ko kaya iiwan! Alam ko pong mamahalin din kayo nang sobra ng mga apo niyo, Mama!” tugon ni Jamie.
Tila nanigas siya nang marinig ang salitang “Mama.”
Napakatagal na kasi simula nang marinig niya ang salitang iyon. Tila kasi nakalimutan na siya ng kaniyang mga anak.
Binalot ng matinding pagsisisi ang kaniyang puso. Maraming katanungan ang naglalaro sa isipan niya.
Kung hindi niya kaya ito ipinamigay noong sanggol pa lang ito, mananatili kaya ito sa kaniyang tabi at mamahalin kaya siya nito kagaya ng pagmamahal nito ngayon sa kinikilalang ina?
Napaluha si Osang. Wala na siyang pagkakataong malaman ang sagot sa kaniyang mga tanong dahil ayaw niya nang guluhin ang masayang buhay nito.
“Masaya ako na masaya ka sa kinalakhan mong pamilya, Jamie,” bulong niya habang sinusundan ng tingin ang papalayong bulto ng mag-ina.