
Grabe Kung Pagsalitaan ng Lalaki ang Tatay Niyang Baldado; Napaiyak Siya nang Isang Araw ay Magising Siya na Nagbago na Ito
“Ronald! Ronald!”
Sa kalagitnaan nang malalim na gabi ay naalimpungatan si Ronald nang marinig niya ang pagtawag ng kung sino sa kaniyang pangalan.
“Tatay?” antok na antok na anas niya bago tinungo ang silid ng ama.
Nakita niya itong nakaupo sa kama. Sa mata nito ay kita niya ang pagkalito.
“Anak, nasaan ang nanay mo? Bakit wala siya?” tanong nito nang makita siyang nakatayo sa may pintuan.
Lalo lamang lumalim ang gatla sa noo ni Ronald.
“‘Tay? Wala na ho si Nanay, matagal na ho…” alanganing sagot niya sa ama. Nagtataka siya kung bakit nito hinahanap ang asawa nitong matagal nang yumao.
Napamulagat ito. Subalit tila agad din itong natauhan nang tapikin niya ang balikat nito.
“Naku, ano bang pinagsasasabi ko? Marahil napanaginipan ko lang ang nanay mo at naalimpungatan ako kaya hinahanap ko siya. Pasensiya na anak, at mukhang nagambala ko ang pagtulog mo,” tila nahihiyang paghingi nito ng dispensa sa kaniya.
Nakakaunawang nginitian niya ang ama.
“Wala na ho ba kayong kailangan, Tatay? Babalik na ho ako sa silid ko,” paalam niya.
Nakangiting tumango ito.
Ipinagkibit-balikat na lamang ni Ronald ang pangyayaring iyon.
Subalit nang mga sumunod na araw ay tila naging bugnutin ang kaniyang ama.
Madalas siya nitong tawagin upang humingi ng kung ano-ano. Wala naman siyang magawa kundi sundin ang kapritso ng ama lalo pa’t baldado ito at wala naman itong kayang gawin nang mag-isa.
“Ronald, natapon ang pagkain, linisin mo!”
“Ronald, nahulog ang kutsara, pulutin mo!”
“Ronald, mainit, buksan mo ang electric fan!”
“Ronald, buksan mo ang TV, manonood ako!”
Sa totoo lang ay pilit niya na lang pinagpapasensiyahan ang ama dahil may kapansanan ito subalit dumating din ang panahon na naubos na ang pasensiya niya at napagsalitaan niya ng hindi maganda ang ama.
“‘Tay, ano ba naman ho kayo! Puro na lang kayo Ronald! Masyado na ho kayong nakakaabala sa akin! Gusto niyo ba na ibalik ko na kayo kay Ate Edna?” galit na sita niya sa ama.
Tila naman natakot ang matanda. Ayaw kasi nito sa bahay ng kaniyang panganay na kapatid dahil hindi nito kasundo ang napangasawa ng kapatid niya.
“Mabuti nga ho ay inaalagaan ko kayo rito, Tatay! Pero ‘wag naman ho sana kayong umabuso!” inis pang dagdag niya bago iniwan ang ama mag-isa.
Simula noon ay kapansin-pansin ang pananamlay ng kaniyang ama. Ngunit sinunod naman nito ang sinabi niya. Mula noon nga ay hindi na siya nito tinatawag, maliban na lamang kung hindi talaga nito kayang gawin ang isang bagay, kagaya ng pagbaba ng hagdan.
Akala ni Ronald ay babalik na ang lahat sa normal ngunit nagkamali siya.
Dahil isang araw nang magising siya ay may sinabi ang kaniyang ama na gumulat sa kaniya.
“Sino ka? Nasaan ang anak kong si Edna?” kunot-noong tanong nito sa kaniya.
Natatawang sinagot niya ang ama na inakala niyang nagbibiro.
‘“Tay, ako ho ito, si Ronald, ang bunso niyo!”
“Ronald? Sinong Ronald? Wala akong anak na Ronald! Si Edna lang ang anak ko!” pagpupumilit nito.
Nabalot na ng seryosong ekspresyon ang mukha ni Ronald nang mapagtanto niya na hindi nagbibiro or umaarte ang kaniyang ama.
“Tatay, ano pong nangyayari sa inyo?” nag-aalalang tanong niya sa ama.
“‘Wag mo akong tawaging Tatay! Hindi kita anak! Hindi kita kilala!” pagtataboy nito sa kaniya.
Tila may patalim na tumarak sa dibdib ni Ronald nang marinig niya ang sinabi ng ama. Bakit hindi siya nakikilala ng tatay niya?
Pilit niya itong pinakalma subalit paulit-ulit lamang nitong hinahanap ang kaniyang Ate Edna kaya naman wala siyang magawa kundi tawagan ito upang pakalmahin ang kanilang ama.
Nang ipasuri nila ito sa isang espesyalista ay ganoon na lamang ang panlulumo nila nang malaman na nag-uulyanin na ang kanilang ama. Malaking bahagi na ng memorya nito ang nawala.
Kaya pala noong mga nakaraang araw ay bugnutin na ito at hinahanap ang kaniyang ina na yumao na.
Mga lumang alaala na lamang ang naiwan sa isipan nito. Kaya naman ang kaniyang Ate Edna na lang ang naalala nito.
Tila naglahong parang bula sa isipan nito ang mga alaala ng bunsong anak na si Ronald.
“Ayokong tumira dito, hindi ko siya kilala,” ungot ng kanilang ama sa kay Edna nang magpaalam ang kapatid niya.
Kahit anong pangungumbinsi ang gawin nila ay hindi nila napilit manatili ang kaniyang Tatay sa kaniyang sariling bahay.
Nang makaalis ang mga ito ay tila isang malaking bahagi rin ng kaniyang puso ang nawala. Agad niya naramdaman ang kahungkagan sa pagkawala ng kaniyang ama sa bahay.
Hindi niya na naririnig ang malakas nitong pagtawa sa tuwing nanonood ito ng telebisyon. Ang panenermon nito sa tuwing nalilipasan siya ng gutom. At higit sa lahat, ang paulit-ulit na pagtawag nito sa kaniyang pangalan. Na marahil ay hindi niya na muling maririnig dahil hindi na siya naalala nito. Hindi na nito kilala si Ronald.
Labis ang pagsisisi ni Ronald. Kung alam lang niya na malilimutan siya ng ama ay sinulit niya na sana ang mga pagkakataon na kasama niya ito.
Subalit laging nasa huli ang pagsisisi.