Inday TrendingInday Trending
Nilibre Niya ng Pamasahe ang Isang Matandang Lalaki na Hiniya ng Driver; Ikinagulat Niya ang Ibinigay Nito Bilang Pasasalamat

Nilibre Niya ng Pamasahe ang Isang Matandang Lalaki na Hiniya ng Driver; Ikinagulat Niya ang Ibinigay Nito Bilang Pasasalamat

Nakahinga nang maluwag si Ernest nang makaupo siya sa jeep na punong-puno ng pasahero. Akala niya ay aabutin na naman siya ng dilim kakahintay ng masasakyan.

Dumukot siya ng barya sa maliit na bulsa ng kaniyang bag.

“Bayad ho!” wika niya sa driver na hindi kalayuan ang agwat mula sa kaniya.

Napapikit siya nang madama ang bahagyang pagpintig ng kaniyang ulo. Marahil ay dahil iyon sa init ng panahon. Pagod na marahan niyang minasahe ang bandang noohan niya.

Tila lalo lang sumakit ang ulo niya nang maalala niya ang mga gawain na kailangan niyang tapusin. Patapos na kasi ang semestre kaya naman madami siyang kinakailangan ipasa para masigurong papasa siya.

Kinapa niya ang bulsa upang kunin ang kaniyang pitaka.

Nanlumo siya nang makitang bente pesos na lamang ang natitira doon.

“Diyos ko, saan naman ako kukuha ng baon sa mga susunod na araw? Baka wala na ring pera sila nanay,” pabulong na himutok niya.

Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang marinig ang malakas na sigaw ng driver ng jeep.

“O, ‘yung mga hindi pa nagbabayad diyan, makikiabot na lang ho!”

Nagkatinginan ang iilang pasahero bago niya narinig ang bulungan nang iilan, “Basta ako, bayad na.”

Noon niya napansin ang matandang lalaki sa kaniyang tapat. Kanina pa kasi nito kinakalikot ang pitaka nito. Tila wala itong makapang pambayad sa driver.

Mukhang ito rin ang pinariringgan ng driver lalo pa’t sa likuran lamang ito ng driver nakaupo.

Maya-maya ay alanganin itong nagtanong sa driver.

“Boss, may panukli ba kayo sa isang libo?”

“Wala ho! Barya barya lang ho sana kapag nasakay kayo sa jeep!” galit na sagot dito ng driver.

Tila napahiya naman ang matanda lalo pa’t napagtuunan ito ng pansin ng ilang pasahero.

“Kung ganoon eh ‘di–”

Bago pa matapos ang sasabihin ng matanda ay muling sumigaw ang driver.

“‘Wag naman ho tayong para-paraan! Sabihin niyo na lang ho kung wala kayong pambayad!” bulalas nito.

Nakaramdam ng awa si Ernest sa matanda. Hindi naman tama na ipahiya nito ang matanda. Kaya naman bago pa muling makapagsalita nang masakit ang driver ay inagaw niya na atensiyon nito.

“Manong! Ako na lang ho ang magbabayad para sa matanda. ‘Wag niyo na hong pagalitan!”

Bumaling siya sa matanda.

“‘Tay, saan ho ba kayo bababa?”

Nahihiyang ngumiti ito. “Sa Sampaloc, hijo.”

Nakahinga nang maluwag si Ernest. Hindi iyon kalayuan at kasya pa ang natitirang bente sa pitaka niya. Agad niya iyong inabot sa tila napahiyang driver. Sinuklian naman siya nito ng limang piso.

“Hijo, maraming salamat, ha. Nakakahiya naman sa’yo at mukhang estudyante ka pa lang. Nabawasan pa yata ang baon mo,” hiyang hiyang pasasalamat ng matanda.

Isang maluwag na ngiti ang isinukli niya rito.

“Wag niyo ho alalahanin ‘yun, ‘Tay. Kinse lang naman ho ‘yun,” pagsisinungaling niya. Dahil ang totoo, sa isang mahirap na kagaya niya ay napakalaking halaga ng kinse pesos.

Kinuha ng matanda ang pitaka. Nagulat siya nang iabot nito sa kaniya ang isang libo!

“Naku, wala akong barya dito. Hayaan niyo na po iyon,” agaran niyang tanggi. Muli ay unti-unti na namang natuon sa matanda ang atensyon ng kapwa nila pasahero.

Maging ang driver ay pasulyap sulyap sa salamin sa harap nito, na tila pinapanood ang mga kaganapan.

“Hindi, hijo, sa’yo na lahat ‘yan. Pandagdag mo sa baon mo,” nakangiting tugon ng matanda.

Nanlaki ang mata ni Ernest. Napakalaki naman yatang bayad ng isang libong piso kumpara sa kinse pesos na ibinayad niya para sa matanda?

“Hala, hindi na ho! Hindi ko ho matatanggap ang ganiyang kalaking halaga,” matigas na pagtanggi niya.

“Sige na, hijo, tanggapin mo na. Sa totoo lang dapat ibibigay ko na ‘yan sa driver kanina noong sinabi niya na wala siyang panukli. Kaso ay hindi niya ako pinatapos. Kaya sa’yo na ‘yan, bayad ko sa pagtulong mo sa akin,” katwiran nito.

Dinig na dinig niya ang nanghihinayang na pagbulong ng driver, tila sising-sisi ito na hinamak nito ang matandang inakala nitong walang pambayad sa jeep.

Nanatiling nakalahad ang kamay ng matanda na may hawak ng isang libo. Tila wala itong balak na sumuko at gusto talaga nitong tanggapin niya ang pera.

“Kunin mo na, hijo,” nakangiting udyok ng isang matandang babae.

Napaisip si Ernest. Sa totoo lang ay malaking tulong sa kaniya ang pera na iyon. Marahil ay paraan iyon ng Diyos upang tulungan din siya sa kaniyang problemang pinansiyal.

Kaya naman kahit nahihiya siya ay tinanggap niya iyon.

“Sa totoo lang ho ay kailangan ko ho talaga ng ekstrang pera ngayon. Maraming salamat ho, Tatay. Hulog kayo ng langit sa akin,” sinserong pasasalamat niya sa matandang kay laki ng pagkakangiti.

Hindi malilimutan ni Ernest ang karanasan na iyon. Nagbigay siya ng kinse, ngunit hindi lang doble o triple ang bumalik sa kaniya. Tumataginting na isang libo!

Advertisement