Inday TrendingInday Trending
Palaging Nakasunod sa Uso ang Dalaga, Hanggang Kailan Kaya Tatagal ang Ugali Niyang Ito?

Palaging Nakasunod sa Uso ang Dalaga, Hanggang Kailan Kaya Tatagal ang Ugali Niyang Ito?

“Teka, bagong bili ba ‘yang suot mong relo? Hindi ba’t ayan ‘yong nauusong relo ngayon sa social media dahil pupwede rin ‘yang gawin selpon?” pang-uusisa ni Toni sa kaniyang dating kamag-aral sa kolehiyo, isang gabi nang mapansin niya ang suot nitong relo habang nagaganap ang kanilang reunion.

“Oo, ito nga ‘yon, ang ganda, ano?” pagyayabang ni Ellie habang ibinibida ang suot na relo sa iba pa nilang kamag-aral na andoon din sa kanilang lamesa.

“Diyos ko, ang mahal mahal niyan, Ellie!” sigaw nito dahil sa pagkamangha.

“Hindi naman, sakto lang para sa aming mga mayayaman. Sa katunayan, tatlo ang relo kong ganito. Isang kulay itim, puti at ang pinakapaborito ko, itong kulay ginto. Hindi lang kasi ito kulay ginto, gawa ito sa tunay na ginto,” pabibida niya pa rito, kitang-kita niya ang pagkamangha ng kaklase niyang ito.

“Hindi nga? Edi sobrang mahal niyan?” tanong pa nito.

“Kailan ba ako nagsinungaling?” nakangisi niyang tanong. “Iba talaga ang yaman ng pamilya niyo, ano? Ampunin mo naman ako!” sambit nito na ikinatawa niya.

“Naku, pasensiya ka na, ayaw mag-alaga ng aso ng mga magulang ko,” tugon niya dahilan upang mapataas ng kilay nito.

“May pera ka nga, pero ang ugali mo, pang-iskwater! Kaya wala kang kaibigan, eh!” sambit nito.

“Ayos lang na walang kaibigan, huwag lang walang pera, tsismosa!” sagot niya dahilan upang iwanan siya sa lamesang iyon ng kaniyang mga kamag-aral.

Laging nakasunod sa uso ang dalagang si Ellie. Dahil nga siya’y mula sa pamilya ng mga negosiyante, lahat ng mga gamit, damit o kung ano pa mang kolerete sa katawan, mahal man o abot kaya, kaniya agad itong nakukuha nang hindi niya pinaghihirapan.

Labas lang siya nang labas ng pera upang mabili ang kaniyang mga gusto at ito’y maipagyabang sa social media. May pagkakataon pa ngang binili niya ang kaisa-isang mamahaling painting na nagkakahalaga ng milyun-milyon dahil talamak ito sa social media.

Nang ilagay niya sa kaniyang social media account ang larawan nito, inulan siya ng maraming komento na labis niyang ikinatuwa.

Pagsabihan man siya ng iba niyang tiyahin o pinsan tungkol dito na pawang mayayaman din naman dahil sa kanilang negosyo, pinasasawalang-bahala niya lamang ang mga ito.

At sa tuwing pagsasabihan ng mga magulang tungkol sa kaniyang paggastos, imbis na sumunod dahil hindi niya naman sariling pera ang ginagastos niya, nagagalit pa siya at nagrerebelde.

Noong araw na ‘yon, matapos siyang layasan ng kaniyang mga kamag-aral, natawa na lang siya at agad na nagpunta sa entablado.

“Iyang mga kaklase ko noon na kasama ni Toni, huwag niyong pakainin, ha? Nakalimutan yata nilang halos ako na ang sumagot sa reunion na ito kaya iniwan nila ako sa lamesa,” wika niya gamit ang mikropono dahilan upang mapatigil ang mga taong nandoon.

Pagkatapos ng selebrasyong iyon, agad na siyang umuwi habang nagliligpit pa ang ilan sa kaniyang mga kamag-aral. Ngunit pagkauwi niya, tumambad sa kaniya ang mga magulang niyang nag-iiyakan dahilan upang tanungin niya ang mga ito.

“Tuluyan nang nalugi ang negosyo natin, anak. Ginawa na namin ang lahat, isinangla na namin ‘tong bahay, ang mga sasakyan natin, pati ibang ari-arian pero ang laki na talaga ng perang nawala kaya ito, sarado na tayo,” wika ng kaniyang ama sa gitna ng mga paghikbi dahilan upang siya’y labis na mapatulala at mabigla.

Minabuti niya munang iwan ang kaniyang mga magulang doon at siya’y umiyak sa kaniyang silid na punong-puno ng mga nauusong bagay simula noong siya’y bata pa.

Maya-maya, sumunod sa kaniya ang kaniyang ina at siya’y kinukumbinsing ibenta ang mga gamit niyang hindi niya naman talaga kailangan upang maipandagdag sa kanilang bagong pagsisimula.

Lingid man ito sa kagustuhan niya, nang lumuhod na sa harapan niya ang kaniyang mga magulang, wala na siyang nagawa kung hindi ang sundin ang mga ito.

Kinuhanan niya ng litrato ang mga bagay na ayaw na niya at ito’y ibinenta sa mababang halaga. Ngunit dahil nga hindi na ito uso, tinatawaran pa ito ng iba na labis niyang ikinaiinis.

“Sige na, ibigay mo na, kaysa naman matambak lang d’yan. Sayang din ang kikitain mo riyan,” pangaral ng kaniyang ina.

Doon niya napagtantong kasabay ng paglipas ng panahon ay ang paglipas ng halaga ng mga hindi gaanong importanteng bagay na binibili niya para lang makasunod sa uso.

“Kung natuto lang akong maging wais sa paggastos ng pera, edi sana, nakapagpatayo na ako ng sariling negosyo noon pa man at matutulungan ko ang mga magulang ko. Kung may kaibigan lang din sana ako, edi sana, may masasandalan ako,” iyak niya habang binabasa ang komento ng mga taong nais bumili ng kaniyang gintong relo.

Advertisement