Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Dalagang Ito sa mga Ukay-ukay, Ito pala ang Makapagdadagdag sa Ipon Niya

Ayaw ng Dalagang Ito sa mga Ukay-ukay, Ito pala ang Makapagdadagdag sa Ipon Niya

“May gagawin ka ba ngayong araw, Neneth? Baka pupwede mo naman akong samahan doon sa ukay-ukay sa palengke. Araw kasi ng Sabado ngayon, hindi ba? Tiyak na bagsak presyo ang mga damit doon!” masiglang yaya ni Lily sa kaniyang kaibigang maghapon nang nakababad sa internet.

“Naku, panigurado, mala-basahan na ang mga makikita mo roon! Sino ba namang magbebenta ng magandang damit sa mababang halaga sa panahon ngayon, ha? Nagsasayang ka lang kamo ng pagod, pera at oras mo!” sagot ni Neneth habang patuloy pa rin sa paggamit ng kaniyang selpon.

“Hindi naman, ‘no! Magaling kaya akong maghanap ng mga magagandang damit! Nakita mo itong suot ko ngayon? Bente pesos ko lang ito nabili, mukhang bago pa, hindi ba?” pangungumbinsi pa nito sa kaniya, pinakita pa nito sa kaniya ang suot na damit.

“Mukhang bago nga, nasuot na rin naman ng ibang tao. Baka mamaya, may mabahong kilikili pa ang may-ari niyan o kung hindi naman, baka may nakahahawa pang sakit!” wika niya pa matapos tingnan ang suot na damit ng kaibigan.

“Ewan ko sa’yo! Kung ayaw mo akong samahan, maiwan ka mag-isa rito! Ay, hindi ka pala mag-isa dahil kasama mo ang mga multo rito!” pananakot nito sa kaniya dahilan upang mapilitan siyang tumigil sa ginagawa at agad na mapabalikwas.

“Sasama na ako! Teka!” sigaw niya saka mabilis na inayos ang sarili at sumunod sa kaniyang kaibigan.

Walang bilib sa mga ukay-ukay ang dalagang si Neneth. Kahit na may makita siyang tig-lilimang pisong ukay-ukay kahit saan mang lugar, hindi siya matutuwa o maeenganyo katulad ng karamihang mga dalagang ngayon na humaling na humaling sa mga ito.

Katwiran niya kasi bukod sa mahirap na ngang maghanap ng mga damit dito, hindi niya pa alam kung sino ang unang nagsuot ng mga damit na ito. Katulad ng palagi niyang sinasabi sa kaniyang kaibigang mahilig sa ukay-ukay, “Baka may nakahahawang sakit o putok ang may-ari niyan!” dahilan upang kahit minsan, hindi niya pa nasubukang pumasok at magsayang ng oras sa mga ukay-ukay na kaniyang nakikita.

Kaya lang, sa takot niyang mapag-isa sa inuupahan nilang dormitoryo ng kaniyang kaibigan malapit sa kaniyang pinagtatrababuhang kumpanya, napilitan na siyang sumama rito.

“Hintayin na lang kita sa labas, ha, ayokong pumasok doon, mabaho ang amoy ng mga damit doon, eh,” sambit niya pa sa kaibigan habang sila’y naglalakad patungo sa naturang ukay-ukay.

Nang makarating na sila roon, agad siyang naghanap nang mauupuan sa labas nito. Kaya lang, nang makahanap na siya ng upuan, napukaw ng isang damit ang kaniyang atensyon. Usong-uso kasi ang damit na ito sa ngayon at nagkakahalaga lamang ng sampung piso dahilan upang agad niya itong lapitan at usisain.

At ganoon na lamang siya natuwa nang makita niyang wala itong kahit anong diperensya. Doon na siya nagdesisyong bilhin ito at naengganyong magtingin-tingin pa ng mga damit doon.

Halos sampung damit at pantalon din ang kaniyang nabili noong araw na ‘yon na labis niyang ikinatuwa.

“Ibababad ko na lang ito sa sabon upang malinis maigi bago ko isuot!” masigla niyang sambit sa kaibigan.

“Akala ko ba ayaw mong mag-ukay-ukay?” patawa-tawang sagot nito.

“Wala, eh, ang gaganda pala talaga ng mga damit dito, bukod pa roon, napakamura pa!” sagot niya rito habang sinasayawsayaw pa ang kaniyang mga ipinamili.

“Sinabi mo pa, balak ko ngang itinda ang ilan sa mga ito, tingin mo? Hindi ko naman ‘to lahat masusuot!” wika nito na lalo niyang ikinatuwa.

“Magandang ideya ‘yan, Lily! Magnegosyo tayo nito at ilagay natin sa social media!” tugon niya pa.

Doon na nga nila sinimulan ang ganitong klaseng pagnenegosyo na talaga nga namang usong-uso ngayon. Nilabhan at kinuhanan nila ng litrato ang mga damit na ito saka inilagay sa social media.

Talaga nga namang hindi sila nagsisi sa desisyon nilang ito dahil wala pang isang oras, nabili na lahat ang kanilang mga paninda.

Ginagawa nila ang pagtitindang ito tuwing wala silang pasok sa trabaho. Nadadagdagan na ang kanilang perang naiipon para sa sari-sariling pamilya, nagagawa pa nila kung ano ang hilig nila.

“Mabuti na lang talaga, Lily, isinama mo ako sa ukay-ukay na ‘yon. Kung hindi, baka hanggang ngayon, iba pa rin ang tingin ko sa mga ukay-ukay!” wika niya sa kaibigan habang sila’y naglalaba ng mga damit na kanilang napamili sa ukay-ukay.

Advertisement