
Ginagamit na Dahilan ng Dalaga ang Simbahan upang Makagala, Isang Pangyayari ang Nagbigay Aral sa Kalokohan Niyang Ito
“May lakad ka ngayon, Lyka? Hindi ka sasama sa amin ngayon para ipagdiwang ang kaarawan ni tito?” pang-uusisa ni Romi sa kaniyang kapatid nang makita niya itong nag-aayos ng sarili habang sila ng iba niya pang kapatid ay naghahanda ng mga makakain para sa naturang selebrasyon.
“Hindi, kuya, eh. May gagawin kami sa simbahan,” tipid na sagot ni Lyka habang patuloy sa pag-aayos.
“May gagawin ka na naman doon? Doon ka na nga natulog kagabi, hindi ba? Baka naman pupwede mo kaming bigyan ng oras kahit ngayon lang. Sa halos lahat ng selebrasyon ng pamilya natin, lagi kang wala. Pero kapag sa simbahan, kahit anong oras, atat na atat kang umalis!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatigil at magalit na rin.
“Bakit ka ba nagagalit, kuya, ha? Sa simbahan naman ako nagpupunta, eh. Saka, sobrang importante ba ng araw na ‘to? Si tito lang naman ang may kaarawan, hindi naman ang tunay nating tatay!” sigaw niya na lalong ikinagalit nito, napatingin na rin ang kaniyang ina na tila’y nagpipigil na ng sarili.
“Aba, Lyka, nagsisimba ka ba talaga? Bakit ganiyan ang ugali mo?” inis na sambit pa ng kaniyang kapatid.
“Ewan ko sa inyo, lagi niyo na lang pinakiaalaman ang buhay ko!” sigaw niya saka agad nang umalis sa kanilang bahay kahit hindi pa siya tapos mag-ayos na sarili.
Halos hindi na pumipirmi sa kanilang bahay ang dalagang si Lyka dahil sa maraming dahilan. Walang araw na hindi siya umaalis para gumala at makipag-bonding sa kaniyang mga kaibigan na labis na ikinaiinis ng kaniyang buong pamilya. Kahit na pagbawalan siya ng kaniyang mga magulang, umaalis pa rin siya. Katwiran niya, “Sa simbahan naman ako magpupunta, eh,” dahilan upang mapilitan ang mga ito na siya’y payagan.
Ngunit, kahit hindi naman sa simbahan ang kaniyang punta, ito pa rin ang pinagpapaalam niya upang siya lang ay payagan.
Kaya lang, dahil dito, bahagya nang nagagalit sa simbahan ang kaniyang pamilya, lalo na ang kaniyang kuya. Madalas na kasi siyang hindi nakakasama sa mga selebrasyon ng kanilang pamilya.
Imbis na magsabi ng totoo na hindi talaga siya rito nagpupunta, nagagalit pa siya at sumasagot sa mga ito.
Noong araw na ‘yon, kahit na kaarawan ng stepfather niyang nag-alaga sa kaniya simula noong pagkabata niya na ngayo’y tila malala na ang lagay dahil sa sakit sa puso, mas pinili niya pa ring gumala kasama ang kaniyang mga kaibigan at katulad ng dati, simbahan ang kaniyang ipinaalam.
Alam man niyang galit ang kuya niyang nagpapaaral sa kaniya sa ginagawa niyang ito, ni katiting na pangongonsensya, wala siyang naramdaman at masaya pang nakihalubilo sa kaniyang mga kaibigan.
Kain doon, kantahan dito, tawanan doon, kwentuhan dito ang tangi niyang ginawa pagkatapos niyang malditahan ang kaniyang buong pamilya.
Nagpagabi na siya ng uwi dahil alam niyang gagabihin din umuwi ang kaniyang pamilyang nasa isang resort ngayon. Bandang alas otso ng gabi nang magkayayaan nang umuwi ang kaniyang mga kaibigan dahilan upang siya’y mapilitan na ring umuwi kahit ayaw niya pa. Alam niya kasing sermon na naman ang kaniyang maririnig pag-uwi niya.
Ngunit, pagkauwi niya, labis siyang nagtaka dahil wala pa ang kaniyang buong pamilya. Wala pang sindi ang kanilang mga ilaw at nakakandado pa ang kanilang bahay dahilan upang tingnan niya ang kaniyang selpon sa unang pagkakataon ngayong araw.
Bumungad sa kaniya ang sandamakmak na tawag at mensahe ng kaniyang kuya dahilan upang labis siyang magtaka. Nang buksan na niya ang mga mensahe nito, roon niya lang nalamang nasa ospital na ang kaniyang stepfather at malala na talaga ang sitwasyon.
“Ikaw na lang ang hinihintay ni tito para sumuko na siya sa Diyos.”
“Magpunta ka na rito, hirap na hirap na siyang huminga.”
Ilan sa mga mensaheng paulit-ulit na ipinadala ng kaniyang kapatid dahilan upang magmadali siyang magpunta sa ospital. Ngunit bago pa man siya makasakay ng taxi, isa na namang mensahe ang natanggap niya mula sa kaniyang kuya.
“Lyka, hindi ka na nahintay ni tito,” dahilan upang ganoon na lang siya mapatulala sa kaniyang selpon habang bumubuhos ang kaniyang luha.
Maya-maya pa, tuluyan na siyang nakarating sa ospital. Nagyayakapan ang kaniyang buong pamilya habang pinagmamasdan ang nakatalukbong niyang stepfather. Napaluhod na lang siya roon habang humahagulgol. Paulit-ulit niyang sinasabi, “Patawarin mo ako, tito, wala akong utang na loob.”
Naging aral sa kaniya ang pangyayaring iyon. Bukod sa binigyan na niya ng oras ang kaniyang pamilya, hindi na niya rin dinadamay ang simbahan sa kaniyang mga kalokohan. Bagkus, sinama niya pa ang kaniyang buong pamilya rito upang makilala si Kristo.