Inday TrendingInday Trending
Istrikto sa mga Anak ang Padre de Pamilya, Nagtaka Siya sa Maraming Pinamili ng Bunsong Anak nang Minsan Itong Tumakas sa Kaniya

Istrikto sa mga Anak ang Padre de Pamilya, Nagtaka Siya sa Maraming Pinamili ng Bunsong Anak nang Minsan Itong Tumakas sa Kaniya

“O, saan ka na naman magpupunta? Kahapon ka lang umalis, ha?” paninita ni Kaloy sa kaniyang anak nang makita niya itong bihis na bihis at nagsusuot na ng facemask.

“Ah, eh, hindi po ba’t nasabi ko na po sa inyo na magpupunta po ako ngayon sa paaralan?” sagot nito saka nagsuot na ng sapatos na nakahanda sa labas ng kanilang bahay.

“Pinapayagan na kayong magpunta ng mga guro niyo sa paaralan? May kumakalat na sakit pa, hindi ba? Huwag mo nga akong maloko-loko, Janine! Pati mga guro, dinadamay mo sa kalokohan mo!” sermon niya rito dahilan upang mapasagot ito.

“Papa, naman, totoo naman po ang sinasabi ko, eh!” tugon nito na may bahagyang may malakas na boses na lalo niyang ikinagigil.

“Tumigil ka nga! Huwag kang aalis, ha! Malilintikan ka na talaga sa akin!” pagbabanta niya rito saka ito inambahan ng remote control na hawak.

“Importante naman ang gagawin ko sa paaralan, papa, eh!” sigaw nito nang may nangingilid na luha sa mga mata.

“Sumasagot ka pa talaga, ha! Huwag mong hintaying mabugb*g kita para tumigil ka riyan!” pananakot niya pa dahilan upang maghubad ito ng sapatos at facemask saka agad na pumasok sa kanilang palikuran at doon ngumalngal.

Istriko sa mga anak ang padre de pamilyang si Kaloy. Lalo na ngayong may kumakalat sa sakit sa buong bansa, naging doble ang pag-iingat niya sa mga ito.

Sa katunayan, simula noong mag-lockdown sa kanila dahil sa pagdami ng mga taong may sakit, isang taon na ang nakalilipas, ni hindi pa nagagawa ng kaniyang mga anak na lumabas ng bahay.

Kung lalabas man ang mga ito ng bahay, doon lang ang punta ng mga ito sa kapatid niya sa katapat nilang bahay. Ayaw niya ring magtatagal ang mga ito sa ibang bahay dahil iniisip niya na baka mahawaan ito ng kumakalat na sakit. Kung iisipin, tama naman talaga ang ginagawa niyang pag-iingat para sa kalusugan nilang buong pamilya. Kaya lang, kahit na mga importanteng bagay na kailangang puntahan ng kaniyang mga anak, may kinalaman naman sa pag-aaral ng kaniyang bunsong anak at pagtatrabaho ng panganay na anak, hindi niya pa rin pinapayagan ang mga ito.

Wika niya pa, “Magutom na tayong lahat, huwag lang tayong magkasakit!” na labis na kinokontra ng anak niyang panganay at asawa. Pero dahil takot ang mga ito sa kaniya, napipilitang sumunod ang mga ito.

Noong araw na ‘yon, kahit na rinig na rinig niya ang hagulgol ng anak, wala pa rin siyang pakialam dito at nagawa pa niyang matulog.

Kaya lang, pagkagising niya, nang hanapin na niya ang kaniyang bunsong anak, wala na ito sa kanilang pamamahay.

“Ah, eh, pinaalis ko na, kawawa naman kasi, eh. Mukhang importante talaga ang gagawin niya sa paaralan,” sambit ng kaniyang asawa dahilan upang labis na mag-init ang ulo niya.

Agad siyang nagbisikleta at sinundan ang anak sa paaralan. Wala pa siyang limang minutong naghihintay sa labas ng paaralang ito, agad nang lumabas ang kaniyang anak. Sisigawan na niya sana ito nang agad itong sumakay ng jeep papuntang palengke na labis niyang ikinapagtaka.

“Sabi na nga ba, eh, may kalokohang gagawin ‘tong babaeng ‘to!” sambit niya saka agad na sinundan ang jeep na ‘yon.

Bumaba ang anak niya sa tapat ng isang grocery store na ikinakunot ng noo niya. Pumasok ito roon at halos trenta minuto ito bago lumabas. Paglabas nito, sandamakmak na pinamili ang buhat-buhat nito saka agad na tumawag ng tricycle.

“Saan galing ang pera noon?” tanong niya saka agad nang umuwi sa kanilang bahay.

Pagkauwi niya, kitang-kita sa mukha ng bunso niyang anak ang takot.

“Saan galing ang pera mo, ha?” tanong niya rito.

“Bigay po ng paaralan namin, papa, mataas po kasi ang grado ko, eh, kaya ginawa po nila akong iskolar. Nag-aral po talaga ako nang maigi para makuha ‘yan, naawa na po kasi ako sa atin, palagi tayong walang makain dahil sa pandemyang ito. Pasensiya na po kung sinuway ko kayo,” mangiyakngiyak nitong paliwanag na talaga nga namang tumagos sa puso niya.

Magkahalong emosyon ang nararamdaman niya. Gusto niyang magalit dahil lumabas pa rin ito kahit pinagbawalan niya, ngunit masaya rin siyang makakuha ito ng mataas na grado’t naging iskolar pa. Hindi niya alam kung paano maipakikitang masaya siya sa tagumpay ng anak dahilan upang yakapin niya na lang ito at pasalamatan.

Iyon ang araw na sinimulan niyang intindihin ang kaniyang mga anak. Hinayaan niya na ring muling makapagtrabaho ang anak na talaga nga namang naging malaking alwan sa kanilang pamilya.

Advertisement