
Sa Anak Umaasa ang Ginang na Ito Kaya Ayaw Niya Itong Magnobyo, Nanghina Siya sa Nakitang Bagay sa Ilalim ng Kutson Nito
“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo, noon pa man, na huwag ka na munang pumasok sa relasyon? Tapos ngayon, malalaman-laman ko na may nobyo ka na? Diyos ko naman, Melanie! Ano ba talagang gusto mong mangyari sa buhay mo?” galit na galit na sermon ni Mely sa kaniyang anak nang malaman niyang may nobyo itong itinatago sa kaniya.
“Mama, nasa tamang edad na naman po ako, eh. Dalawangpu’t limang taong gulang na po ako. Gusto ko rin naman pong maramdaman kung paano magmahal at mahalin,” paliwanag nito habang umiiyak kaya naman lalo siyang nanggalaiti.
“Hiwalayan mo ‘yan, Melanie! Alam mo namang ikaw na lang ang inaasahan ko, magnonobyo ka pa? Paano kung mabuntis ka, ha?” bulyaw niya pa rito saka niya ito hinagisan nang hawak na tsinelas.
“Pero, mama…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad niya itong binara.
“Walang pero pero, hiwalayan mo na ‘yan kung ayaw mong kalbuhin kita sa harap ng mga tsismosa nating kapitbahay!” banta niya rito saka hiniklat ang buhok nito.
“O-opo, mama,” uutal-utal nitong sagot dahil sa pagkatakot.
“Dalian mo na riyan at mahuhuli ka na sa trabaho!” sigaw niya kaya agad itong nagpunas ng luha’t nag-ayos ng sarili.
Ang bunsong anak na dalaga na lang ang inaasahan ng ginang na si Mely. Pawang may sari-sarili na kasing pamilya ang dalawang anak niya pang babae dahilan upang hindi na siya matulungan ng mga ito sa pang-araw-araw niyang pangangailangan.
Kaya naman laking pasasalamat niya nang magkapagtapos na ang kaniyang bunsong anak at magkaroon ng magandang trabaho sa Maynila na may malaking sahod.
Ito ang dahilan upang tumigil na siya sa pagtitinda ng gulay sa palengke at umasa na lang sa pera ng kaniyang bunsong anak. Wika niya, “Buong buhay ko, wala akong ginawa kung hindi ang magtrabaho para may maipakain sa kanila, ngayon, ako naman ang kailangan niyang itaguyod,” dahilan upang siya’y araw-araw na lang tumambay sa kanilang bahay at makipagkwentuhan sa mga kapitbahay.
Simula nang makapagtapos ito at makapagtrabaho, araw-araw niya itong pinagsasabihan na huwag munang papasok sa relasyon. Natatakot kasi siyang baka madisgrasya ang kaniyang anak at mawalan na nang magtutustos sa kaniya.
Kaya ganoon na lang siya nagalit nang nalaman niyang may nobyo na ito nang hindi niya alam. Katakot-takot na pagbabanta ang sinabi niya rito upang humiwalay lang ito sa lalaking iyon.
Laking tuwa niya naman nang nalamang paglipas noong araw na ‘yon, tuluyan na ngang hiniwalayan ng kaniyang anak ang karelasyon nito dahilan upang lambing-lambingin niya ito pagkauwi galing trabaho. Pinagluto niya pa ito nang paborito nitong munggo at galunggong upang kahit papaano, mawala sa isip at puso nito ang sakit na nararamdaman.
Pagkalipas ng halos isang buwan, nang siya’y makaramdam ng pagkaburyo sa bahay, naisipan niyang maglinis ng kwarto ng kaniyang anak.
Winalis at pinunasan niya ang bawat sulok sa silid nito. Wika niya pa, “Naku, matutuwa ‘yon kapag nakita niyang malinis ang kwarto niya!”
Ngunit maya-maya, nang iangat na niya ang kutson nito, tatlong pregnancy test ang tumambad sa kaniya at lahat ng mga ito’y may resultang positibo dahilan upang labis siyang manghina.
Imbis na tawagan at pagalitan ang anak habang nasa trabaho, hinihintay niya na lamang itong umuwi. Wala rin siyang lakas na manermon dahil sa nakita kaya siya’y naupo lang sa sala habang hinihintay ang pagdating ng anak. Pagdating nito, agad niyang inihagis sa mukha nito ang tatlong pregnancy test na nakita niya dahilan upang labis itong mabigla.
“Anong ibig sabihin nito? Akala ko ba hiwalay na kayo? Sinusubukan mo ba talaga ako?” inis niyang sambit dito.
“Pa-pasensiya na po kayo, mama, nabigo ko po kayo. Pero huwag po kayong mag-alala, wala na po siya,” mangiyakngiyak na sabi nito habang hinihimas ang puson dahilan upang lalo siyang magulantang.
“Pinalagl@g mo ang bata, Melanie?” kabado niyang tanong.
“O-opo, mama,” hagulgol nito, “Ayokong magalit ka, ayokong mapabayaan ka,” sambit pa nito sa gitna nang paghagulgol.
Walang kahit anong salitang lumabas sa kaniyang bibig. Tanging pag-iyak lang ang kaniyang nakayanang gawin habang yakap-yakap ang nanghihinang anak.
Hindi man niya intensyon na magpalagl@g ng batang wala namang kasalanan, sinisisi niya pa rin ang sarili sa problemang ito. “Kung naging suportado lang sana akong ina, naging masipag para sa sarili, edi sana masaya at malusog ang anak ko ngayon kasama ang anghel niya,” pagsisisi niya habang pinagmamasdan ang anak na napag-alamanan niyang nagkaroon ng komplikasyon sa matres dahil sa ginawa nito.