
Sa Araw Mismo ng Lamay ay Biglang Lilitaw ang Hindi Inaasahang Bisita, Nakakaiyak Pala ang Dahilan Nito
“Anong ginagawa mo rito, Grace?” gulat na tanong ni Vivian sa babae.
“Bakit? Bawal ba akong pumunta sa lamay ng asawa ko? Tandaan mo, kabit ka pa rin hanggang ngayon,” natatawang sagot ni Grace at itinaas ang kaniyang ulo.
“25 years ka nang hindi nagparamdam, bakit ka ngayon manggugulo? Bakit sa lamay niya pa?” harang pang muli ni Vivian dito upang hindi makapasok ang babae sa salas nila.
“Vivian, makikilamay lang ako. Hindi ako manggugulo kaya pwede ba, paraanin mo ako?!” singal muli ni Grace sa kaniya. Wala naman nagawa si Vivian kung ‘di patuluyin ang tunay na asawa ng lalaking minahal niya at ngayon at pinaglalamayan nilang dalawa.
Halos 25 taon na ang lumipas na hindi nagparamdam si Grace sa kanila simula nang pinili siya ni Dominic kaya naman pakiramdam niya ay may dalang negatibong balita ang babaeng ito. Ilang araw pa ang lumipas ngunit hindi pa rin umaalis si Grace sa kanila kahit na nailbing na nga ang asawa niya.
“Tutal wala ka naman na laging bisita kasi tapos na ang lamay ay rito na muna ako titigil sa bahay mo,” sabi ni Grace sa kaniya.
“Ano bang intensiyon mo, bakit hindi ka pa umaalis? Wala na si Dominic, Grace, parang awa mo wala akong oras na makipagsabong sa’yo. Kaya sabihin mo na sa akin kung bakit ka nandito? Sa mga iniwan ba niyang ari-arian? Pera ba ang habol mo?” baling ni Vivian sa babae.
“Pinakiusapan niyo ako noon na manahimik dahil sinabi sa akin ni Dominic na pwedeng mawala ang lisensiya mo kapag nalaman na nakikisama ka sa taong may asawa, na isa kang kabit. Tapos ngayon na wala na si Dominic ay mataas pa rin ang ere mo? Abogado ka talaga!” kalmadong wika ni Grace sa kaniya.
“Ano bang gusto mo? ‘Yung masira ako? Akala ko ba tanggap mo na na ako ang pinili ni Dominic hanggang sa dulo ng hininga niya? Bakit nanggugulo ka? Magkano ba ang gusto mo?” baling ni Vivian sa babae ngunit imbes na sagutin siya ni Grace ay tumawa lamang ito at patuloy lamang sa pagtingin ng litrato nila ng yumao niyang asawa. Iniwan na lamang ni Vivian ang babae at pumasok na sa trabaho.
Simula nang maging abogado ang babae ay nahulog na siya kay Dominic at kahit nga nasa kapahamakan ang lisensya ng propesiyon niya ay mas pinili pa rin niya ang lalaki lalo na nga nang pinili rin siya nito kaysa sa una at legal niyang asawa. Matagal nilang nilakad na makipaghiwalay ng legal si Grace noon sa lalaki ngunit hindi ito pumayag at nagsabing mamumuhay na lamang siya nang tahimik. Hanggang sa tinupad nga ito ng babae at nagpakalayo-layo naman sina Vivian at Dominic. Ngunit ngayon ay nanditong muli ang babaeng itinuturing siyang demonyo sa lupa, lumitaw na naman si Grace sa kaniyang buhay.
Tinotoo nga talaga ng babae ang sinabi nitong titigil siya bahay ni Vivian at ang mas ikinagulat pa ni Vivian ay pumupunta na rin si Grace sa korte sa tuwing may hearing siya at sa opisina. Pakiramdam ni Vivian ay ano mang oras sisirain ng babaeng ito ang buhay na mayroon siya ngayon.
“Una, sa lamay ni Dominic, pangalawa rito sa bahay, pangatlo sa mga kasong hawak ko, sunod sa opisina tapos ano? Anong susunod mong gagawin, Grace, magpupunta ka sa Integrated Bar of the Philippines? Ano ba ‘to? Dahan-dahan na paghihiganti sa akin? Bakit?” kompronta ni Vivian sa babae na naubutang tinititigan pa rin ang mga litrato ni Vivian at Dominic noong nabubuhay pa ang lalaki.
“Wala ka na bang ibang gagawin sa akin, Vivian, kung ‘di ang awayin ako? Ni hindi mo man lang nga ako nagawang kumustahin simula nang dumating ako rito. Hindi ko inaasahang halikan mo ang mga paa ko at magpakumbaba ka dahil hanggang sa huli ako pa rin ang legal na asawa, pero hindi ko inaasahan na magiging ganiyan ka sa akin,” mahinahong sagot ni Grace sa kaniya at napalunok naman ng laway si Vivian.
“Bakit ako nandito kahit na 25 na taon na ang lumipas? Simple lang, kasi hanggang ngayon mahal ko pa rin si Dominic,” nangingilid ang luha sa mga mata nito.
“Kalokohan! Ilang taon na ang lumipas, imposibleng hindi ka pa rin nakakamove-on!” sigaw ni Vivian dito.
“Hanggang ngayon, walang dumaan na araw sa buhay ko na hindi ko inisip kung ano dapat kong gawin para bumalik sa akin ang asawa ko. First love ko si Dominic, siya ang unang lalaki sa buhay ko, at siya pa rin hanggang ngayon. Kung mahirap paniwalaan ‘yun ay hindi ko na kasalanan, hindi ako nandito para makipag-away sa’yo,” dagdag pa nito na labis na ikinagulat ni Vivian dahil ang buong akala niya ay tanggap na nito ang lahat.
“Wala akong balak na sirain ka o tanggalan ka ng lisensya. Ang gusto ko lang naman ay matitigan ang mga mata mo nang makita ko kung bakit ikaw ang minahal niya. ‘Yung makita ‘yung buhay na mayroon si Dominic kasama ka. Martir man pero ‘pag dumating ka sa ganitong edad, hindi pera ang hahanapin mo kung ‘di ‘yung taong mayayakap mo at gusto ko mang isisi sa’yo ang sakit na naramdaman ko simula ng iniwan ako ni Dominic ay hindi ko na magagawa kasi hindi na iyon ang magpapasaya sa akin. Nandito ako para kahit papano, makita ko man lang ang buhay na mayroon siya noong iniwan niya ako, makita ang mga litratong ‘to,” lumuluhang sabi ni Grace sa kaniya.
“Patawarin mo ako, alam kong dapat noon pa ako dapat humingi ng tawad sa’yo dahil hinayaan kong mamili si Dominic sa ating dalawa kahit na ang dapat ay ako ang umalis,” iyak ni Vivian sa babae. Hindi man niya malaman kung ano ang gagawin ngunit mas pinili niyang yakapin si Grace.
Hindi galit ang naramdaman o nakita niya kay Grace kung ‘di ang kalungkutan nito. Alam ni Vivian na may malaki siyang ambag sa hinagpis na iyon kaya naman hinayaan ni Grace na umiyak at manatili sa tabi niya. Buong buhay niyang itinanggi ang pagkakamali niyang ito sa sarili dahil para sa kaniya ay nagmahal lang din siya ngunit mas malinaw na sa kaniya ang lahat ngayon na hindi nababayaran at hindi nakakalimutan ang sakit ng maiwan at maagawan ng asawa. Simula noon ay mas pinili ni Vivian na maging kaibigan si Grace, nakakagulat man ngunit hindi niya inaasahan na pwede pala, na pwede palang hindi sila nagsasabong sa buhay.