Inday TrendingInday Trending
Kinamkam ng Kamag-Anak ang Lupang Tinitirahan ng Mag-iina; Hindi Nila Akalain ang Paghihiganting Gagawin ng mga Ito

Kinamkam ng Kamag-Anak ang Lupang Tinitirahan ng Mag-iina; Hindi Nila Akalain ang Paghihiganting Gagawin ng mga Ito

“‘Nay, may nangyari po ba dito? Inaway na naman po ba kayo ni Tiya Mila?” nag-aalalang bungad ni Mira nang makita niya ang mukha ng inang si Alma na puno ng pangamba.

“Iniisip ko lang, anak, kung saan na tayo titira. Kinukuha na kasi nila ang lupang kinatitirikan ng bahay natin. Ilalaban daw nilang kanila raw ito dahil sila raw ang nagbabayad ng amilyar at kasama raw ito talaga sa titulo,” tugon naman ng ina.

“Mga ganid talaga! Hindi pa sila nakuntento na kinamkam nila ang lupa na dapat talagang sa inyo ni tatay. Pati ba naman itong kinatitirikan ng maliit na bahay natin ay kukunin pa nila!” labis ang sama ng loob ni Rosalie.

Nang malaman pa ng dalawa pa niyang nakababatang kapatid na sina Migs at Franz ang nais na gawin sa kanila ng pinsan ng ama ay lubos din ang kanilang galit.

“Ilalaban natin itong maliit na espasyong kinatitirikan ng bahay natin, ‘nay. Huwag kayong mag-alala dahil kasama n’yo kaming mga anak n’yo. Hindi kami papayag na basta na lang kunin ang lupang ito ni tatay,” sambit pa ni Migs.

Dalawang taon na rin simula nang namayapa ang ama ng magkakapatid. Simula noon ay umangat na naman ang isyu tungkol sa lupa. Pinaniniwalaan kasi ng kanilang ama na kinamkam lamang ng pamilya ng kaniyang pinsan ang kanilang lupain. Pilit daw kasing pinapirma noon ang ama ng ginoo sa isang kasulatan. Dahil walang pinag-aralan at lubos ang tiwala ng matanda ay basta na lang itong lumagda.

Natira sa kanila ang isang maliit na bahagi ng lupang iyon na kinatitirikan na ngayon ng kanilang bahay. Ngunit maging ito ay nais ding kunin ng pinsan ng kanilang ama na si Mila.

Isang linggo ang makalipas ay muling nagbalik si Mila upang palayasin na roon ang mag-iina.

“Nagmamatigas pa kayo? Sige, ipakita n’yo sa akin ang katibayan n’yo na sa inyo itong lupa! Matagal na nga kayong pinatira dito. Matagal na kayong nakinabang sa lupang hindi n’yo naman pag-aari. Aba’y mahiya naman kayo!” bulyaw ni Mila sa mag-iina.

“Hindi kami papayag. Matagal na kaming narito. Sa tatay naman talaga namin ang lupang ito, ‘di ba? Niloko n’yo lang ang lolo namin!” sagot naman ni Mira.

“Nahihibang na ba kayo? Kung sa inyo nga ang lupang ito ay bakit wala man lamang kayong titulo?” pasigaw na wika ng tiyahin.

“Ano, natahimik kayong lahat sapagkat alam n’yong tama ang sinasabi ko! Binibigyan ko kayo ng isang linggo upang lisanin ang lupang ito! Kung hindi ay tatawag ako ng mga pulis upang ipakaladlad kayo paalis ng ari-arian namin!” dagdag pa ni Mila.

Nang makaalis si Mila ay halos mapaupo na si Alma dahil sa sobrang pangamba.

“Saan na tayo pupulutin ngayon nito? Hindi sapat ang tatlong libong pensyon ng ama n’yo na nakukuha ko kung magrerenta pa tayo ng bahay. Ayaw kong matigil kayo sa pag-aaral,” saad ni Alma sa mga anak.

“Lalabanan natin si Tiya Mila. Nasa tama naman tayo kaya mananalo tayo!” saad ni Migs.

“Pero wala tayong titulo. Walang katunayan na totoo ang pinaniniwalaan nating pinapirma lang nila ang lolo noon!” wika naman ni Mira.

“Kung marami lang tayong pera ay hindi ko na rin gusto pang manatili sa lugar na ito. Ang alaala lang naman ni tatay ang hindi makapagpaalis sa akin dito. Pero sobra na ang mga kamag-anak nating ‘yan kung tapak-tapakan tayo!” saad naman ng bunsong si Franz.

Makalipas ang isang linggo ay muling bumalik si Mila. Sa pagkakataong ito ay may kasama na siyang mga pulis. Pilit mang lumaban ang magkakapatid ay wala na silang magawa dahil wala sa kanila ang titulo ng lupa.

“Tama na mga anak, umalis na lang tayo nang mapayapa. Kahit san man tayo dalhin ng pagsubok na ito, basta sama-sama tayo’y makakaya natin ito,” sambit ni Alma sa mga anak.

Dahil walang matutuluyan ay napilitan sila Alma at mga anak niya na magtayo na lang ng maliit na barung-barong malapit sa ilog. May ilang kabahayan din na naroon at malugod naman silang tinanggap ng mga kapitbahay.

Mula noon ay nagsimula na sila ng panibagong buhay.

“’Nay, pangako namin sa iyo, hindi tayo magtatagal sa lugar na ito. Gagawin namin ang lahat para mabigyan namin kayo ng magandang buhay. Buhay na pinangarap n’yo ni tatay para sa amin,” saad ng panganay na si Mira.

Dahil sa hirap na kanilang pinagdaraanan ay sinikap ng magkakapatid na makatapos ng pag-aaral. Nagtrabaho sila upang matulungan ang kanilang ina sa mga gastusin at bayarin.

Nang makatapos ng pag-aaral ay agad na naghanap ng trabaho itong si Mira. Hindi naging mahirap ang pag-angat sa tungkulin ng dalaga dahil sa kaniyang angking talino at galing.

“’Nay, may offer po sa akin sa ibang bansa. Susunggaban ko na po ito sapagkat nararamdaman kong ito na ang pagkakataon natin upang guminhawa ang ating buhay. Kaunting tiis na lang po dahil matutupad na natin ang mga pangarap natin,” saad ni Mira sa ina.

Nang makapagtrabaho din ang dalawa pang kapatid ni Mira ay tuluyan na nilang nilisan ang tahanan nila malapit sa ilog.

Hindi nagtagal ay natupad na nga ng magkakapatid ang kanilang nais dahil naipagawa na nila ng bahay ang kanilang ina. Hindi lamang iyon, nakabili na rin sila ng sasakyan at iba pang ari-arian. Nagsimula din silang magkaroon ng isang farm at iyon ang kanilang naging negosyo.

Samantala, hindi naman naging maganda ang buhay ni Mila at mga anak nito. Nasangkot kasi ang dalawa sa apat na anak ng ginang sa ipinagb@bawal na g@mot. Ang isa naman ay hiwalay sa asawa lulong sa sugal. Habang ang bunso ay sadyang tamad at umaasa lamang sa bigay ng kaniyang mga magulang.

Dahil nagkanda baun-baon na sa utang ang pamilya ni Mila ay kinailangan na rin nilang ibenta ang lupa. Dahil mabilisan, ibinenta na lamang nila ito sa mababang halaga.

Nang mabalitaan ng magkakapatid na Mira, Migs, at Franz na ibinebenta na ang lupa ay agad nila itong binili.

“Tawaran mo pa tutal mabilisan pala ang gusto nila,” sambit ni Mira sa kanilang abogado.

Dahil nga gipit ay agad na kumagat sa pain ng magkakapatid itong si Mila.

Nang mabayaran na ng magkakapatid ang bahay at lupa ay agad nila itong ipinangalan sa kanilang ina.

Isang araw ay sinama ng magkakapatid ang kanilang si Alma sa dati nilang tirahan.

“Ano ba ang ginagawa natin dito? Alam n’yo namang ayaw ko nang magbalik dito dahil ayaw ko nang maalala pa ang lahat ng sama ng loob na kalakip ng lugar na ito,” saad ni Alma sa mga anak.

“Gusto po kasi naming maalala n’yo ulit ang masasayang tagpo sa lugar na ito noong kasama pa natin si tatay. Saka nais po naming masaksihan n’yo mismo ang pag-alis nila Tiya Mila sa lugar na ito,” pahayag ni Franz sa ina.

“A-anong ibig n’yong sabihin, mga anak?” pagtataka ni Alma.

“Sa inyo na po ang lugar na ito, ‘nay. Binili naming magkakapatid ang lugar na ito at ipinangalan sa inyo. Ngayon ay ganap nang kayo na ang tanging may karapatan sa lupang ito. Malaya na po kayong paalisin d’yan sina, Tiya Mila,” saad naman ni Mira sa ina.

Napaluha na lamang si Alma sa tinuran ng mga anak. Hindi kasi siya makapaniwala sa ginawa ng mga ito. Labis din ang kaniyang saya dahil sa totoo lamang ay nangungulila na siya sa asawa na ang mga alaala’y naiwan sa dati nilang tinitirhan.

Hindi naman makapaniwala si Mila dahil hindi niya inakala na ang mag-iina pala ang nakabili ng ari-arian. Pilit mang magmakaawa ang ginang na huwag na muna silang palayasin ay hindi na makakapayag pa ang magkakapatid.

“Malinaw ang nakasulat sa titulo, ang nanay na namin ang may-ari ng lupang ito. Kaya wala na kayong karapatan pa dito. Umalis na kayo kung ayaw n’yong magsama pa kami ng mga pulis at ipakaladkad kayo paalis. Umalis na kayo hanggang may natitira pa kayong dangal,” saad ni Migs sa mga ito.

Hindi naman talaga nais ni Alma na gumanti kay Mila. Ngunit masaya na rin siya sapagkat sa wakas ay naibalik na rin sa kanila ang kanilang pag-aari.

“Magiging masaya sana ang tatay n’yo kung narito pa siya. Maraming salamat sa inyo, mga anak. Malaking bagay ito lalo na sa tatay n’yo,” umiiyak na wika ni Alma.

“Ngayon ay mas mapapanatag na si tatay dahil nasa maayos na tayong kalagayan. Tunay ngang lahat ng pagsubok, ‘nay, ay malalagpasan natin basta’t sama-sama tayo!” saad naman ni Mira.

Masayang hinarap ng mag-iina ang bago nilang buhay. Pinatayuan ng magkakapatid ng simpleng bahay at malaking bakuran ang nabili nilang ari-arian at doon muli silang nanirahan.

Advertisement