
Hinahamak ng Binatang Anak-Mayaman ang Anak ng Kasambahay; Paglipas ng Panahon ay Ito pala ang Tutulong sa Kaniya
“Madam, magpapaalam lang po sana ako sa inyo sa susunod na linggo. ‘Yung panganay ko po kasing si Maynard, may award po siya sa eskwelahan niya at ako po ang magsasabit ng medalya,” nahihiyang sambit ng kasambahay na si Minda sa among si Anna.
“Aba’y, sige po! Nakakatuwa naman talaga ‘yang panganay mo, Manang Minda! Siguro ay proud na proud ka sa kaniya, ano?” saad naman ng amo.
“Sino naman pong magulang ang hindi maipagmamalaki ang anak. Mahirap lang kami pero talagang masikap siya sa pag-aaral. Ubod ng sipag ng anak kong iyon. Sa pag-aaral man o sa kahit anong bagay,” pagmamalaki naman ni Minda.
“Napakaswerte mo talaga sa anak mong si Maynard, manang. Samantalang ang panganay ko ay puro pasarap lang ang alam. Napakahirap pang utusan,” pahayag pa ni Anna.
Tiyempo naman ang pagdating ng panganay na anak ni Anna na si Raymond.
“Parang ako na naman ang paksa sa usapan n’yo, a?” bungad ng binata.
“Kinukwento kasi ni Manang Minda ang anak niya. Sasabitan na naman ng medalya sa susunod na linggo. Hay naku, Raymond, kailan mo kaya ipaparanas sa amin ng daddy mo ang ganoong bagay? Mabuti pa ang panganay nitong si Manang Minda,” sambit ng ina.
Napahiya ng bahagya si Raymond sa tinuran ng ina.
“Bibili na lang ako ng medalya saka n’yo isabit sa akin. Magkano lang ba ang gano’n?” pamimilosopo ng binata.
“Puro ka talaga kalokohan. Ang sinasabi ko lang naman ay magsipag ka, anak,” sambit pa ng ina.
Dahil sa tingin ni Manang Minda ay tila nagkakaroon na ng tensyon sa pagitan ng mag-ina, agad siyang nagpasintabi.
“Itutuloy ko na po muna ang pagluluto ko sa kusina, madam,” wika ni Minda.
Nang makaalis ang kasambahay ay doon na nagtalo ang mag-ina.
“Talagang sa anak pa ng kasambahay n’yo ako kinumpara, ano? Masaya na ba kayo na napahiya ako?” matabil na pagtatanong ng anak.
“Hindi kita ipinapahiya, Raymond. Ang nais ko ay kumuha ka ng inspirasyon sa anak ng kasambahay natin. Kung kaya ni Maynard ay malamang kong mas kaya mo dahil wala kang iniisip kung saan kukuha ng pangmatrikula o kaya ng kakainin mo. Iba ang masikap, anak,” dagdag pa ng ina.
“Bakit ba kailangan ko pang pagbutihin ang pag-aaral ko? Mayaman naman tayo. Ako rin naman ang magmamana ng kompanya n’yo ni daddy. Hindi ko na kailangan pa ng ganiyang mga bagay!” bulyaw ng anak.
“Isa pa, kailangan talagang magsipag ng anak ni Manang Minda dahil mahirap lang sila. Ikaw na ang nagsabi na kailangan nilang isipin kung may panggastos sila,” sambit pa ni Raymond.
Napapailing na lamang si Anna sa mga katwiran ng kaniyang anak. Sa totoo lang kasi ay nagsasawa na rin ang ginang sa katamaran ng binata. Wala na itong ginawa kung hindi umasa sa kanilang mag-asawa. Nangangamba siyang kahit kailan ay hindi magiging handa ang anak kapag siya na ang namahala ng kompanya ng kanilang pamilya.
Isang araw ay nanghihingi ng pera si Raymond sa kaniyang ina. May lakad daw kasi ang barkada.
“Dadalhin ko rin ang isang sasakyan natin, ma. Pakidagdagan na rin ang allowance ko kasi ayaw kong mapahiya sa kanila,” sambit ng anak.
“Tumawag ang professor mo sa akin kanina. Bagsak ka na naman daw sa exam. Kung hindi kaya kita payagan d’yan sa alis mo? Aba, Raymond, tumatakbo ang panahon. Hindi ka habambuhay na bata at hindi habambuhay ay narito kami ng daddy mo. Mahalaga ang may pinag-aralan!” giit ni Anna.
“Saka na tayo mag-usap, ‘ma, tungkol sa ganiyan. Kung kailan talaga aalis ako ay saka n’yo sisirain ang araw ko! ‘Di ko na kailangan pang galingan sa eskwela dahil hindi naman ako magiging empleyado! Tagapagmana ako ng kompanya!” wika pa ng binata.
Lumipas ang mga taon ay walang ginawa si Raymond kung hindi magbarkada. Pinabayaan na niya nang tuluyan ang kaniyang pag-aaral. Ni hindi man lang siya tumutulong sa kompanya at labis itong ikinadidismaya ng kaniyang mga magulang.
Hanggang sa isang araw ay naaksidente ang mga magulang ni Raymond. Parehong nakaratay ang mga ito sa ospital at walang malay.
Kailangan na siya na ang mamahala sa kanilang kompanya. Dahil nga wala siyang alam sa mga nangyayari sa sariling negosyo ay bara-bara lamang siyang magdesisyon.
Ang hindi niya alam ay kinukuha na itong oportunidad ng ilang kasosyo upang pabagsakin ang namamahala sa kompanya.
Habang hindi na alam ni Raymond ang kaniyang gagawin sa kompanya ay may isang binatang tumuloy sa kaniyang opisina.
“Hindi magugustuhan ng mga magulang mo ang ginagawa mong ito sa kompanya. Matagal nila itong iningatan. Kung gusto mo ay nais kitang tulungan,” sambit ng lalaki.
Pinakatitigan ni Raymond ang lalaking ito.
“Sandali, namumukhaan kita. H-hindi ba ikaw ang anak ng dati naming kasambahay na si Manang Minda? Ikaw nga ba ang anak niyang si Maynard?” pagtataka ni Raymond.
“Ako nga. Kinuha ako bilang business consultant ng mga magulang mo. At alam kong hindi na maganda ang lagay ng kompanyang ito. Kung hahayaan mo ay nais kitang tulungan,” alok pa ng binata.
Dahil wala nang magagawa pa si Raymond ay pumayag na siyang tulungan ni Maynard. Pinapanood lamang niya ang anak ng dating kasambahay sa paggawa ng mga plano at desisyon para sa kanilang kompanya.
Hindi naglaon ay naibangon nilang muli ang kompanya. Tuluyan na ring nagising mula sa pagka-comatose ang mga magulang ni Raymond.
Labis ang saya ng mga ito nang malamang nasa ayos na kalagayan ang anak at pati na rin ang pinakaiingatang kompanya.
“Pinagmamalaki kita, anak. Nakaya mong pamahalaan ang kompanya kahit wala kami ng daddy mo,” saad ni Anna sa binata.
“Habang pareho kayong nakaratay ni daddy, ‘ma, ay marami akong napagtanto. Tama kayo, iba pa rin kung magsisipag ako at kung mayroon akong pinag-aralan. Hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung hindi dahil kay Maynard. Tunay siyang magaling. Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit n’yo ako tinutulak upang magsikap sa buhay gaya niya. Galing man sa hirap ang pamilya ni Maynard ay nakaangat sila. Sa katunayan ay hindi makakabawi ang negosyo natin kung hindi dahil sa kaniyang galing. Simula ngayon, ‘ma, magsisikap na ako. Hahangarin kong magtagumpay rin kagaya n’yong lahat,” pahayag ni Raymond.
Labis ang galak sa puso ni Anna nang marinig ang lahat ng ito mula sa anak. Natutuwa siya sapagkat malaki na ang pinagbago ni Raymond ngayon.
Nakakatuwa lang isipin na mayroong magandang bunga ang aksidente na iyon sa mag-asawa. Mabuti na lamang ay binigyan silang lahat ng isa pang pagkakataon upang makapagsimulang muli.